Inday TrendingInday Trending
Nainggit sa Kutis Koreana ng Kaibigan ang Dalagang Ito; Kapahamakan pala ang Maidudulot Nito sa Kaniya

Nainggit sa Kutis Koreana ng Kaibigan ang Dalagang Ito; Kapahamakan pala ang Maidudulot Nito sa Kaniya

“Hoy, Yana, ang kinis na ng mukha mo, ha? Anong ginagamit mong produkto? Nagpatingin ka ba sa skin clinic?” pang-uusisa ni Lotty sa kaibigang ngayon niya lamang muling nakita.

“Ginagamit ko ‘yong bagong produkto na pangpaganda no’ng paborito kong artista! Grabe, ‘no? Sobrang epektibo sa akin! Nawala lahat ng tigyawat ko sa mukha!” masayang balita ng kaibigan niya habang hinahawak-hawakan pa ang makinis na mukha.

“Oo nga, eh, gusto ko rin ‘yang masubukan! Saan ka ba nakabili niyan?” agad niyang tanong nang makaramdam ng inggit.

“Maganda naman ang balat mo sa mukha, ha? Wala ka namang tigyawat ko kahit anong problema sa mukha mo. Bakit ka pa gagamit ng ganitong pangpaganda?” pang-uusisa nito na ikinakamot niya ng ulo.

“Gusto ko kasi maging kutis Koreana katulad mo! Tingnan mo, o, kumikintab ‘yong mukha mo! Hindi katulad ng mukha ko, ang putla-putla!” sabi niya habang panay pa rin ang titig sa makinis at mala-Koreanang mukha ng kaibigan.

“Naku, kapag napahamak ‘yang mukha mo, huwag mo akong sisisihin, ha?” paninigurado nito.

“Oo! Dali na, sabihin mo na saan nabibili ‘yan!” pagmamadali niya dahilan para siya’y agad na samahan ng kaibigan sa isang tindahang nagbebenta nito.

Palaging kinukumpara ng dalagang si Lotty ang sarili sa kaniyang kaibigan. Ayaw na ayaw niyang siya’y malalamangan nito kahit saan mang aspeto. Kapag may bago itong sapatos, gusto niya rin magkaroon ng bagong sapatos na mas mahal. Kapag nagpagupit ito ng buhok, nagpapagupit din siya at nagpapakulot pa. Kapag naman nakita niyang maganda ang larawan nito sa social media, naglalagay din siya ng mas magandang larawan para maungusan ito.

Kaya naman nang magkaroon ito nang maraming tigyawat sa mukha, imbis na kaawaan at tulungan ang kaibigan, patago pa siyang nagdiwang.

Sa katunayan, pinanalangin niya pa noong araw na ‘yon na kumalat pa sa likod at leeg ng kaniyang kaibigan ang mga tigyawat nito upang mas lalo siyang umangat dito.

Kaya lang, ngayong muli silang nagkita pagkatapos ng halos tatlong buwan nitong pagkukulong sa bahay dahil sa mga tigyawat na mayroon ito, siya’y muling nakaramdam nang pagkainggit dahil sa ganda ng kutis nito sa mukha.

Kaya naman kahit wala namang problema sa mukha niya, bumili pa rin siya ng mga produktong ginagamit nito. Pagkabili niya ng produktong iyon, agad na rin siyang umuwi at sinubukang gamiting ang mga pangpagandang iyon.

Kahit na nakalagay sa produktong dalawang beses lang ito gagamitin sa isang araw, oras-oras niya itong pinapahid sa kaniyang mukha dahil sa kagustuhan niyang agad na magkaroon ng kutis Koreana na katulad sa kaibigan niya.

Sabi niya pa, “Tiyak na mas lalo akong gaganda kapag naging katulad sa kaniya ang kutis ng mukha mo! Kawawa naman siya, lagi kong nauungusan!”

Tinuloy-tuloy niya ang paggamit ng mga produktong iyon kahit bahagya na siyang nakakaramdam ng pangangati at hapdi sa mukha. Nagkaroon din siya ng sandamakmak na tigyawat dahilan para mas lalo niyang dagdagan ang pagpapahid sa mga produktong iyon.

Pagkalipas lang ng dalawang linggo, agad na niyang naubos ang mga produktong nabili niya dahilan para siya’y magpasiyang muling bumili sa tindahang tinuro ng kaibigan niya.

Ngunit kinabukasan, nagising siya sa init ng mukha at leeg niya. Nang tingnan niya ito sa salamin, nakita niyang pulang-pula na ang kaniyang mukha’t leeg. Galit na galit din ang mga tigyawat niyang ngayon ay sabay-sabay na nagdurugo.

Ito ang dahilan para agad siyang tumakbo sa pinakamalapit sa skin clinic at siya’y dali-daling nagpatingin.

Doon niya nalamang hindi tugma sa balat niya ang mga produktong ginamit niya. Nasobrahan din ang paggamit niya ng mga ito na nagbigay dahilan para magkaganoon ang mukha niya.

Niresetahan siya ng doktor ng iba’t ibang mga gamot na pangontra rito at ilang produkto upang mapagaling ang balat niya.

Sising-sisi siyang umuwi sa kanilang bahay bitbit-bitbit ang mga gamot na iyon na inabot ng halos limang libong piso.

“Kung naging kontento lang sana ako sa mukha ko, sana maayos at makinis pa rin ako! Hindi pa ako gumastos nang malaking halaga!” inis niyang sabi habang sinasabunut-sabunutan ang sarili.

Hindi man siya agad na gumaling, natutunan niya na ngayon na maging kontento sa kung anong mayroon siya. Hindi na niya muling ikumpara ang sarili sa kaibigan dahil ngayon, alam na niyang sila’y magkaiba at hindi niya dapat iyon ginagawa sa kaniyang kaibigan.

Pagkalipas ng ilan pang buwan, muli na ngang umayos ang balat niya sa mukha. Hindi man kasing kinis ng mukha niya dati, masaya siyang unti-unti niyang naibabalik ang kumpiyansa niya sa sarili.

Advertisement