
Hinihiling ng Ginang na Ito na Mawala na ang Kaniyang Asawa; Paano Kung Magkatotoo Ito?
“Mare, ano bang nangyayari sa’yo kagabi, ha? Bakit parang sinaniban ka ng dem*nyo? Sigaw ka nang sigaw, mura ka nang mura! Napuyat tuloy ako sa’yo!” bungad ni Angel sa kapitbahay, isang umaga pagkalabas nito ng bahay habang bitbit-bitbit ang limang buwang gulang na anak.
“Sino’ng hindi masasaniban ng demonyo kapag ‘yong asawa mo ay masahol pa sa hayop?” sagot ni Emily habang pinaririnig sa asawang naghahandang pumasok ang sinasabi.
“Diyos ko, huwag mo sabihing inaway mo na naman ‘yan dahil sa pag-uwi nang gabi? Galing naman siyang trabaho, eh, nagagalit ka pa!” pagtatanggol ng ginang na ikinakunot ng noo niya.
“Mabuti ba kung may dagdag sahod siya sa ginagawa niyang pagtagal sa trabaho, eh, kaso wala! Hirap na hirap na ako sa pag-aalaga ng mga bata, wala pa akong makain! Gustong-gusto ko na ngang sumakabilang buhay ‘yan para lumuwag na ang buhay ko! Siya ang malas sa pamilya namin, eh!” sigaw niya pa, nakita niyang napapunas na ng luha ang asawa niya.
“Sobra naman yata ‘yan, mare. Asawa mo pa rin ‘yan! Huwag kang gan’yan!” payo ng kumare niya na ikinainis niya lalo.
“Huwag ka ring mangialam!” pangbabara niya rito saka agad na pumasok ng bahay upang itulak palabas ang asawang umiiyak.
Palaging pinapanalangin ng ginang na si Emily na mawala na ang kaniyang asawa upang lumuwag-luwag ang mahirap na buhay na mayroon siya sa piling nito.
Kulang na kulang kasi ang sinasahod nito sa pagtatrabaho sa Maynila bilang isang empleyado sa pabrika. Bukod pa roon, palagi pa itong ginagabi sa pag-uwi na talagang ikinahihinala niya. Katwiran naman nito, pinag-oovertime raw sila ng may-ari ng pabrika at dahil nga wala itong dagdag sahod, halos gabi-gabi siyang dinedem*nyo ng utak niya.
Ito ang dahilan para palagi niya itong binubungangaan, minumura, at ipinapanalangin na mawala na ito nang tuluyan. Minsan niya pa ngang sabi rito, “Kapag nawala ka sa mundong ito, siguro ako na ang pinakamasayang babae sa balat ng lupa!” na ikinaiyak na lang ng asawa niya.
Kinagabihan nang araw na ‘yon, sumapit na naman ang hatinggabi na hindi pa rin nakakauwi ng bahay ang asawa niya dahilan para mag-isip na naman siya nang kung anu-ano.
“Papalayasin ko na talaga ang bwisit na ‘yon! Kung ayaw niya na sa amin ng mga anak ko, mas ayaw namin sa kaniya!” sigaw niya habang papalabas ng bahay bitbit-bitbit ang ilan nitong gamit.
Kaya lang, paglabas niya, bumungad sa kaniya ang kumare niyang si Angel. Nanginginig ito at nagpipigil ng luha dahilan para kumunot ang noo niya at ito’y kuwestiyunin.
“Ano’ng drama mo?” inis niyang tanong dito ngunit hindi ito sumagot, nakatitig lang ito sa kaniya saka niyakap ang mga anak niyang biglang nagsilabasan, “Hoy! Anong pag-iinarte ‘yan?” sigaw niya pa rito.
“E-emily, natupad na ‘yong hiling mo,” sambit nito na ikinapagtaka niya.
“Anong hiling ang sinasabi mo riyan? Kita mo naman ang buhay namin…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil siya’y agad na niyakap nito.
“Wala na ang asawa mo. Bin*gti niya ang sarili niya sa pabrika kanina. Ikinuwento lang sa akin ng kapatid kong katrabaho niya,” sabi nito na ikinatigil ng mundo niya, “Totoo palang mahirap ang trabaho nila roon at walang dagdag sahod. Nabawasan pa raw ang sweldo ng asawa mo dahil may nasira itong makina kanina. Iyon ang pinaghihinalaan nilang dahilan para magawa niyang tapusin ang buhay niya. Nakikiramay ako,” dagdag pa nito na labis niyang ikinapanghina.
Hindi pa man pumapasok sa isip niya ang pangyayaring iyon, sandamakmak na tawag na ang natanggap niya mula sa pinagtatrababuhan nitong pabrika at doon niya na nga nakumpirmang wala na ang lalaking nagtitiis sa bunganga’t ugali niya.
Hinang-hina niyang niyakap ang mga anak niyang nagsisiiyakan. Ngayon niya napagtantong hindi niya pala kaya na wala ang asawa niya lalo na’t may mga anak silang may kaniya-kaniyang pangangailangan.
“Bakit mo naman tinotoo ang hiling ko? Mahal, pasensya ka na sa ugaling pinakita ko sa’yo sa araw-araw. Ngayon ko lang din nalaman ‘yong halaga mo, kaya sana mapatawad mo ako,” humahagulgol na sabi niya sa labi nito bago ito tuluyang tabunan ng lupa.
Hindi man siya agad-agad na nakausad mula sa pagluluksa at pagsisisi, hindi siya nagpadala sa sariling emosyon. Bagkus, siya’y labis na nagsumikap para sa kaniyang mga anak. Alam niyang kailangan niyang magpursigi at maging matatag ngayong siya na lang ang inaasahan ng mga ito.
Sa kaniyang pagtatrabaho, roon niya talaga naransan ang hirap at sakit para lang kumita ng kakarampot na pera.
“Mahirap pala talaga ang ginagawa mo, mahal, pasensya ka na, ha? Asahan mong hindi ako susuko para sa’yo at para sa mga anak natin,” bulong niya sa hangin habang nagwawalis sa gitna ng initan.
Simula noon, kinontrol niya na rin ang mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Naging kalmado rin siya sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak na talaga nga namang ikinatuwa ng mga ito.