
Nakipaghiwalay sa Nobyo ang Dalagang Ito dahil Hindi na Raw Siya Kinikilig Dito, Tama Kaya ang Desisyon Niyang Ito?
“Ano ba talagang problema mo, Andrea? Bakit bigla ka na lang nakikipaghiwalay? Ano bang maling ginawa ko sa’yo? Ang saya-saya pa natin kagabi, ha? Naglaro pa nga tayo sa palaruan sa parke, hindi ba? Bakit ka gan’yan ngayon?” sunod-sunod na tanong ni Jojo sa kaniyang kasintahang biglang gustong makipaghiwalay sa kaniya.
“Wala, Jojo,” tipid na sagot ni Andrea habang nakatungo at nagpipigil ng luha.
“Anong wala? Hindi pwedeng wala kang dahilan! Nakikipaghiwalay ka sa akin, Andrea, hindi biro ‘yon!” inis na sabi nito habang umiiyak na.
“Kasi nga, hindi na ako nakakaramdam ng kilig sa’yo! Wala na ‘yong dati kong pakiramdam na sabik na sabik na makita ka! Oo, masaya ako kapag kasama kita pero hindi ko na ramdam ‘yong kilig na dati, ramdam na ramdam ko!” sigaw niya rito dahilan para mapatigil ito at mapatitig sa kaniya.
“A-andrea, dahil lang doon?” tanong nito na ikinataas ng kilay niya.
“Oo! Kaya sa ayaw at gusto mo, hiwalay na tayo! Tapos na tayo, Jojo!” bulyaw niya pa rito saka niya na ito tuluyang nilayasan. Pilit man siyang hinabol nito, agad na siyang sumakay ng sasakyan niya at nagdesisyong umuwi nang hindi inaayos ang kanilang usapan.
Mag-iisang dekada na ang dalagang si Andrea pati ang nobyo niyang si Jojo. Nasa hayskul pa lang sila noon nang magsimula silang pumasok sa isang relasyon. Halos lahat ng nakakakilala sa kanila, sinasabing hindi sila magtatagal dahil nga mga bata pa sila noon. Walang sariling pera, parehas na umaasa sa mga magulang, at wala pang maipagmamalaki, kaya lahat ay tila walang bilib sa kanila. ‘Ika pa nga ng tatay niya no’n, “Puppy love lang ‘yan, lilipas din ‘yan!”
Ngunit pinatunayan nilang mali ang iniisip ng iba sa pagmamahalang kanilang binuo. Sabay silang nakapagtapos ng hayskul, pumasok sa isang kilalang unibersidad, parehas na nakapagtapos nang may karangalan, nakakuha ng magandang trabaho, at ngayo’y may magandang negosyo dahilan para labis na mapahanga ang kani-kanilang mga magulang.
Kaya lang, dahil nga matagal na silang magrelasyon at ngayo’y labis na nakatutok sa kanilang negosyo ang nobyo niya, lumayo ang loob niya rito.
Wala na siyang nararamdamang kilig sa mga regalo, banat, at aksyon nito. Hindi na rin siya nasisiyahan nang sobra sa mga ginagawa nito. Sabi niya pa sa sarili, “Masaya naman ako kapah kasama ko siya, pero hindi na talaga ako kinikilig, eh, siguro dapat na namin itong itigil,” dahilan para siya nga ay makipagkita rito sa paborito nilang restawran at doon makipaghiwalay.
Ramdam na ramdam niya ang bigat sa dibdib niya pagkauwi niya dahilan para siya’y agad na mapahagulgol sa nanay niyang naabutan niyang nagtitiklop ng damit sa sala.
“Ano’ng problema, anak? Nag-away ba kayo ni Jojo? Naku, malilintikan sa akin ‘yon! Pinapaiyak ang prinsesa ko!” sabi nito habang siya’y pinapakalma.
“Ako po ang dahilan, mama, nakipaghiwalay na po ako sa kaniya,” tapat niyang sagot nito na ikinabigla nito.
“Bakit? May mabigat pa siyang kasalanan sa’yo?” pang-uusisa nito, umiiling-iling lang siya saka niya na agad na ipinagtapat ang saloobin niya, “Diyos ko, anak! Natural lang na mawala ang kilig pero hindi ibig sabihin noon, hindi mo na mahal ang isang tao. Kami ng tatay mo, sa tanda namin, hindi na kami kinikilig pero hindi kami naghihiwalay dahil mahal namin ang isa’t isa. Hindi pamantayan ang kilig sa pag-ibig, anak. Iyong kagustuhan mong magmahal ang dapat umiiral,” pangaral nito na talagang ikinalinis ng utak niya.
“Ibig sabihin po, mali ang ginawa ko?” hikbi niya.
“Oo, kaya bawiin mo lahat ng sinabi mo kay Jojo at humingi ka ng tawad!” sabi nito dahilan para siya’y agad na magpasiyang balikan sa parke ang nobyo.
Pero bago niya pa makuha ang susi ng sasakyan niya, nakita na niyang nakatayo na sa pintuan nila ang naturang binata.
Nakangiti ito habang siya’y tinititigan kaya siya’y agad na napayakap dito at umiyak dahil sa pangongonsenyang nararamdaman.
Doon na siya labis na humingi ng tawad dito at siya’y labis na natuwa nang sabihin nitong siya’y naiintindihan nito. “Mahal na mahal mo talaga ako, ‘no?” pagkalam niya rito na agad nitong sinang-ayunan.
Iyon na ang una’t huling pakikipaghiwalay niya sa binata dahil paglipas lang ng ilang buwan, sila ay tuluyan nang ikinasal na talagang ipinagdiwang ng kani-kanilang mga magulang.
Halos araw-araw ding gumagawa ng paraan ang ngayong asawa na niyang si Jojo upang siya’y mapakilig na labis na nagpalalim sa kanilang pagmamahalan. Pangako naman niya’y araw-araw rin niyang susuklian ang lahat ng pagmamahal na ibinibigay sa kaniya ng mister.