Inday TrendingInday Trending
Nag-aalala ang Dalaga sa Pagkawala ng Kaniyang Pamangkin, Nagtataka pa Siya kung Bakit parang Walang Pakialam ang Kapatid Niya

Nag-aalala ang Dalaga sa Pagkawala ng Kaniyang Pamangkin, Nagtataka pa Siya kung Bakit parang Walang Pakialam ang Kapatid Niya

“Ate, mag-dadalawang linggo nang nawawala ang anak mo, hindi ka ba gagawa ng aksyon para mahanap siya? Baka kung ano nang nangyari ro’n, ate,” daing ni Rosette sa kaniyang nakatatandang kapatid, isang araw nang muli siyang nakaramdam ng pangungulila sa pamangking nawawala.

“Nagsabi na naman ako sa pulis, hindi ba? Kulang pa ba para sa’yo ‘yon? Anong magagawa ko kung nawawala ‘yong batang ‘yon? Gustong-gusto ko na rin siyang makita at makasama, kung alam mo lang!” sigaw ng kaniyang kapatid habang panay ang paglalaro ng bagong biling gaming console.

“Bakit kasi parang walang lang sa’yo? Nagagawa mo pang makipag-inuman sa mga barkada mo. Nakakapag-out of town ka pa kasama sila, samantalang kami nila mama rito, hindi mapakali dahil nawawala ang anak mo,” sambit niya pa rito na lalong ikinagalit nito.

“Malamang, inaaaliw ko ang sarili ko! Ayokong habang-buhay na bumigat ang dibdib ko dahil sa pagkawala niya! Kaya ikaw, huwag na huwag mo akong pakikialamanan sa buhay ko dahil hindi mo alam ang pinagdadaan ko!” bulyaw nito sa kaniya, kitang-kita niya ang galit sa mga mata at boses nito dahilan para mapahagulgol na lang siya habang tumatakbo papunta sa kanilang mga magulang.

Malapit na malapit ang dalagang si Rosette sa limang taong gulang na anak ng kaniyang nakatatandang kapatid sa pagkadalaga. Sa katunayan, tinuturing na niya ito bilang sariling anak dahil bukod sa buong araw niya itong alaga tuwing papasok sa trabaho ang kaniyang kapatid, siya pa ang palaging pinupuntahan nito tuwing napapagalitan ng ina.

May pagkakataon pa ngang kahit sa paglabas niya kasama ang kaniyang mga kaibigan, kasa-kasama niya pa rin ito dahil ayaw nitong malayo sa kaniya. Ang mga halik at yakap pa nito ang gumigising sa kaniya sa umaga dahilan para ganoon na lang siya mangulila ngayong magdadalawang linggo na itong nawawala.

Tandang-tanda niya pa ang araw kung kailan ito nawala. Iniinggit pa siya nito bago tuluyang umalis ng bahay kasama ang kapatid niya. Sabi pa nga nito, “Kakain kami sa masarap na kainan, tita, hindi kita bibigyan!” ngunit, pagkauwi ng kapatid niya, hindi na ito kasama. Bigla na lang daw itong nawala na ikinaguho ng mundo ng pamilya nila.

At dahil nga hindi siya mapakali sa pagkawala nito, halos araw-araw niyang kinukulit ang ate niya na hanapin ito. Pero imbis na tumulong sa paghahanap, pakiramdam niya’y masaya pa ang kapatid niya sa pagkawala nito dahilan para siya’y labis na maghinala.

Nang araw na ‘yon, pagkatapos niyang umiyak sa kaniyang ina, bigla na lang pumasok sa isip niya na maghalughog sa kwarto ng kapatid niyang ito. Sakto namang nakatulog ito dahilan para agad niyang isakatuparan ang balak niya.

Binuklat-buklat niya ang mga story book ng pamangkin niya, ang damitan nito, at mga gamit ng kaniyang kapatid hanggang sa may natagpuan siyang isang lumang selpon sa lagayan ng mga make-up nito.

Agad niya itong tinangkang buksan at halos lumuwa ang puso niya nang bigla itong bumukas.

“Bakit may isa pang selpon si ate? Ngayon ko lang ‘to nakita, ha?” bulong niya sa sarili saka agad na lumabas ng silid ng kapatid.

Nagpunta siya sa sarili niyang silid at doon inusisa ang laman ng lumang selpong iyon. Hindi niya alam kung bakit para bang gustong kumawala ng puso niya, pero dahil pakiramdam niya’y may maling nangyayari, pinagpatuloy niya ito.

Doon na niya nabasa ang palitan ng mensahe ng kapatid niya at ng isang lalaking pinaghihinalaan niyang may hawak sa pamangkin niya. Natuklasan niya pang pinagbili pala ng kapatid niya ang bata. Sabi pa nito, “Tutal, anak naman ‘to ng isang kr*minal, limang daang libong piso na lang ‘to,” dahilan para siya’y mapahagulgol.

Sakto namang pasok ng ina niyang may bitbit-bitbit na bagong silong na mga damit dahilan para agad na niya itong isumbong.

Dali-dali itong kinompronta ng kanilang ina, ngunit imbis na makonsensya at magsisi, tumawa pa ito at sinabing hayaan siyang magdesisyon sa buhay niya.

Ngunit dahil mali ito sa paningin ng buo nilang pamilya, sila’y nagpasiyang magsumbong sa pulis at doon na tuluyang dinampot ang kapatid niyang galit na galit sa kaniya.

“Pakialamera ka! Anak mo ba ‘yon, ha?” sigaw nito sa kaniya habang pinoposasan ng mga pulis.

Wala siyang ibang magawa kung hindi maiyak sa pagkaipit niya sa sitwasyong ito. Pero wala siyang pinagsisihan dahil alam niyang iyon ang tama.

Sa tulong ng mga pulis, muli nilang natunton ang bata. Malaki man ang pinangayayat nito, halos mag-umapaw ang sayang naramdaman niya nang muli niya itong mayakap.

Nalaman niya sa bata na ito rin pala ay nakaranasan ng kahar*san sa lalaki dahilan para pati iyon ay kanilang kasuhan. Mabigat man sa loob niyang nasa kulungan ang nag-iisa niyang kapatid, hindi ito nagbigay ng rason sa kaniya para kunsintihin ang kasalanan nito.

Simula no’n, siya na ang tuluyang tumayong ina sa bata. Mahirap man dahil siya’y nag-aaral pa lang, ginawa niya ang lahat upang matugunan ang lahat ng pangangailangan na parang isang tunay na ina na ganoon na lang ikinasaya ng kaniyang mga magulang.

Advertisement