Inday TrendingInday Trending
Ikinagalit ng Lalaki ang Payo ng Kaniyang Ama na Ikansela ang Pagdiriwang na Pinaghahandaan; Nakita ng Kaniyang Sariling Mata ang Pangamba ng Ama

Ikinagalit ng Lalaki ang Payo ng Kaniyang Ama na Ikansela ang Pagdiriwang na Pinaghahandaan; Nakita ng Kaniyang Sariling Mata ang Pangamba ng Ama

“Huwag ka muna kayang tumanggap ng kliyente, Ken? Alam mo namang may kumakalat na sakit, eh, baka mamaya, mapahamak ka pa,” payo ni Mang Biloy sa kaniyang anak, isang araw nang maabutan niya itong nagdedekorasyon sa pinapaupahan nitong venue.

“Anong mapapahamak ba ang pinagsasasabi mo, papa? Kakaunti lang naman daw ang dadalo sa selebrasyong gaganapin sa venue ko. Ano’ng problema roon?” inis na sagot agad ni Ken habang patuloy sa pagdedekorasyon.

“Hindi ba’t bawal nga ang pagsasama-sama ng mga tao ngayon, anak? Nag-aalala lang naman ako sa’yo at sa negosyo mo. Baka mamaya, imbis na kumita ka, lalo kang malugi dahil sa kagustuhan mong ‘yan,” malumanay na tugon nito na ikinailing-iling niya.

“Pwede ba, huwag niyo na akong pakialamanan sa negosyo ko? Negosyo ko naman ‘to, eh, hindi naman kayo maaapektuhan kapag nahuli ako!” galit niyang sigaw dito.

“O, sige, ikaw bahala. Basta huwag kang…” hindi na niya ito pinatapos at ito’y agad na sinigawan.

“Hindi talaga! Dahil parang ayaw na ayaw niyong makikitang may kliyente ako! Palagi kayong nakakontra sa negosyo ko!” bulyaw niya rito dahilan para magalit ang kaniyang ama at siya’y masapok sa mukha. Agad siyang inawat ng ilan niyang tauhang naroon at pinaalis ang kaniyang ama.

Agad na nag-iinit ang ulo ni Ken sa tuwing siya’y pinagsasabihan ng ama patungkol sa pamamalakad niya sa negosyong tinayo nila ng kaniyang asawa. Simula kasi nang magpasiya silang gawing padausan ng mga pagdiriwang ang kanilang nabiling lupa, agad na itong kumontra sa kanila.

Tandang-tanda niya pa ang sabi nito noon, “Dapat bahay muna ang una niyong itinayo riyan, hindi negosyo. Saan kayo ngayon titira ng asawa mo? Sa bahay pa rin natin?” na talaga nga namang ikinasama ng loob niya. Pakiramdam niya, ayaw na ng kaniyang mga magulang na patirahin sila ng kaniyang asawa sa bahay ng mga ito.

Ngunit dahil matigas ang bungo niya, kahit na ilang beses man siyang pinagsasabihan ng ama, hindi niya ito pinakinggan at pinagpatuloy ang negosyong nila hanggang sa lumaki ito at maging isang catering service.

Doon na siya nagmalaki sa kaniyang mga magulang. Tuluyan nga siyang umalis sa puder ng mga ito kasama ang kaniyang asawa’t mga anak.

Kaya lang, ngayong may kumakalat na sakit at panay ang pagdagsa ng tao sa pagrenta sa kaniyang paupahang lugar at catering service, may nasasabi pa rin ang kaniyang ama dahilan para ganoon na lang siya magalit dito.

Sabi niya pa nga sa asawa matapos siyang masapak ng ama noong araw na ‘yon, “Isang punta niya pa rito, makakatikim na talaga siya sa akin! Hindi ba siya natutuwa na may tumatangkilik sa negosyo ng anak niya? Sumosobra…” hindi niya na tapos ang sasabihin dahil siya’y biglang nakarinig ng sirena ng patrol ng mga pulis.

Agad niyang pinasara ang kanilang gate at pinatigil ang malakas na tugtugan. Ilang minuto pa ang nakalipas, tinangka niyang sumilip sa kanilang gate at doon niya nakitang dinampot ng mga pulis ang may ari ng isa pang catering service na hindi kalayuan sa kaniyang lugar.

Pati mga gamit nito, mga trabahador, at ilang opisyal na naroon sa pagdiriwang ay sinakay ng mga pulis sa mga patrol na naghihintay sa labas na talaga nga namang ikinalaki ng kaniyang mga mata.

At dahil sa takot na naramdaman, agad niyang pinakansela ang pagdiriwang na idadaos sa kanilang lugar mamayang gabi.

“Tama ‘yan, mahal, hindi bale nang wala tayong kita ngayong buwan, huwag lang tayong tuluyang mapasara,” sabi ng kaniyang asawa na agad niyang sinang-ayunan, “Humingi ka rin dapat ng tawad sa tatay mo, mahal. Gusto niya lang talagang masiguro ang kaligtasan ng buhay at negosyo natin kaya palagi siyang kumokontra sa mga maling pasya natin,” pangaral pa nito na kaniyang ikinabuntong-hininga.

Nang mapagtanto niya ang lahat ng ginagawa ng kaniyang ama para sa kaniya, at sa asawa’t negosyo niya, agad na siyang nagpasyang humingi ng tawad dito.

Nagpunta siya sa tinitirhang bahay nito kasama ang kaniyang asawa. Dinalhan niya pa ito ng paborito nitong kasilyo at tinapay bilang tanda ng kaniyang panunuyo. Abot taingang ngiti ang sinalubong nito sa kaniya nang siya’y makitang bumaba sa sasakyan.

“Ano? Pinakansela mo na ba ‘yong gaganaping pagdiriwang sa inyo mamayang gabi? Balita ko may mga pulis na…” hindi na niya pinatapos ang sinasabi nito at ito’y kaniya nang niyakap nang mahigpit.

“Salamat po, papa, ngayon lang pumasok sa isip ko na lahat ng ginagawa mo, para sa ikabubuti ko,” bulong niya rito dahilan para siya’y mariing na yakapin nito pabalik.

Simula no’n, palagi na siyang nakikinig nang walang sama nang loob sa kaniyang ama. Hindi man siya kumita ng malaking pera ngayong pandemya, panatag naman siyang hindi mapapasara ang negosyo niya dahil sa pag-iingat niya at ng kaniyang amang laging handang umalalay sa kaniya.

Advertisement