Inday TrendingInday Trending
Isang Matanda ang Tinulungan Niya na Magbayad ng Kuryente; Bilang Ganti ay Ito ang Ginawa ng Matanda

Isang Matanda ang Tinulungan Niya na Magbayad ng Kuryente; Bilang Ganti ay Ito ang Ginawa ng Matanda

Nakahinga nang maluwag si Melody nang sa wakas ay dumating na rin siya sa dulo ng pila. Halos isang oras din kasi siyang pumila dahil marami ang nagbabayad ng kuryente.

Mahigpit ang kapit niya sa kaniyang limang taong gulang na anak habang nakikipagsiksikan sa daloy ng tao.

Mabuti na lamang at mabilis ang naging transaksyon niya sa kahera.

“Maraming salamat po!” ngiting-ngiting bulalas pa ng mabait na kahera nang sinabi niya na hindi niya na kukunin pa ang kaniyang sukli na dalawang daan.

Patalikod na sana sila nang maagaw ang atensyon niya dahil sa komosyon sa katabi nilang pila.

“Ano ba naman ‘yan! Nakakasagabal! Sana paunahin na lang ang mga may pambayad!” inis na komento ng isang babae sa pila habang masama ang tingin sa unahan ng pila.

Nang sundan niya ng tingin ang tinitingnan nito ay noon niya nakita ang isang matanda. Tila nakikiusap ito sa nakasimangot na kahera.

“Naku, ang malas naman ni Nanay…” naaawang bulong niya.

Pamilyar kasi sa kaniya ang kahera na natapat dito. Masungit talaga ito at walang awa. Hindi ito kagaya ng karamihan na mabait at palangiti.

Lalo siyang naawa sa matanda nang marinig niya ang pagalit na sagot ng masungit na kahera.

“Hindi na ho pwede! Tatlong buwan na magkakapatong na ho ‘yan! Ang liit-liit lang, hindi n’yo pa mabayaran!”

“May hika ho kasi ang asawa ko. Hindi niya kakayanin ang init. Isang buwan na lang ho, Ma’am, pangako–”

Bago pa matapos ng matanda ang sasabihin nito ay muli nang nagsalita ang kahera.

“Hindi na ho namin problema pa ‘yan. Umalis na ho kayo! Nakakaabala ho kayo sa mga may pambayad!” asik nito sa kaawa-awang matanda.

Ang matandang babae ay tila walang ibang magawa kundi ang sumuko. Tila kinurot naman ang puso Melody sa nasaksihan.

Naiiling na nilapitan niya ang matanda at kinuha mula rito ang hawak nitong bill ng kuryente. Nakaramdam siya ng galit sa kahera nang makita na kulang-kulang dalawang libo lang ang halaga noon.

“Ako na ho, Nanay. Ako na po ang bahala sa pambayad niyo,” nakangiting wika niya sa matanda bago siya lumapit sa masungit na kahera.

Padarag na inilapag niya sa harap nito ang bill ng kuryente kasama ang dalawang libong papel.

“Heto ang bayad ni Nanay,” aniya sa kahera.

Walang salita na prinoseso nito ang bayad.

Bago siya umalis ay hindi niya napigilan na pagsabihan ang babae.

“Sa susunod, gawan mo ng paraan kapag may nakikiusap na kustomer. ‘Wag na ‘wag mong hihiyain dahil wala kang karapatan. Ang ayos-ayos ng pakiusap ng matanda, pinagtabuyan mo lang? Hindi mo man lang kinausap nang maayos. Wala kang awa. Sana hindi mo maranasan na pagkaitan ng tulong, hija,” dismayadong pangaral niya sa dalaga.

Tahimik lamang ito at hindi na umimik. Tila napagtanto rin nito ang kamalian.

Nang bumalik siya sa matanda ay labis-labis ang pasasalamat nito. Napaiyak pa ito habang mahigpit ang kapit sa kaniyang kamay.

“Salamat, hija! Salamat! Nawa ay laging masaya at sagana ang pamilya mo!” anito.

Nakangiting nagpaalam siya sa matanda lalo pa’t may kailangan pa silang puntahan ng kaniyang anak. Birthday kasi ng kaklase nito at imbitado silang mag-ina kaya bibili pa sila ng pang-regalo.

“Mauna na ho kami, Nanay, ha? Mag-ingat po kayo at sana ho ay maayos ang lagay ng asawa niyo!” magalang na paalam niya sa matanda.

Nang makarating sila ng anak sa bilihan ng laruan ay pinaupo niya ito sa isang tabi. Alam niya kasi magtatagal lang sila kung isasama niya ito sa pamimili dahil napakahilig nito sa laruan.

Tiwala naman siya sa anak dahil masunurin ito at hindi nakikipag-usap kung kani-kanino.

“Dito ka lang, ha? Saglit lang si Mommy,” aniya sa anak.

Ilang minuto lang ay nakapamili na siya. Ngunit nang balikan niya ang anak na iniwan ay nanlamig ang buong katawan niya nang hindi niya ito makita sa tabi kung saan niya ito iniwan.

Hinagilap niya ito sa buong tindahan, sa pag-asa na sumunod ito sa kaniya, ngunit wala talaga ito sa loob ng tindahan.

“Diyos ko!” bulalas niya nang mapagtanto na nawawala ang kaniyang anak.

Nangangatog man ang tuhod ay ini-report niya ang pagkawala ng kaniyang anak. Mabilis namang rumesponde ang security team.

Nanlalambot na napaupo siya sa isang sulok habang tuloy-tuloy ang pagbagsak ng kaniyang luha.

“Nasaan na ang anak ko?” anas niya habang humahagulhol ng iyak. Nag-aalala siya na baka kinuha na ito ng kung sino.

Ilang minuto na siyang nakasalampak nang isang pamilyar na boses ang marinig niya. Tulad niya ay umiiyak din ito.

“Mommy!”

Napatayo siya sa gulat. Noon lamang siya nakahinga nang maluwag nang makita niya ang anak na tumatakbo palapit sa kaniya.

“Anak! Diyos ko, saan ka ba nanggaling?” umiiyak na niyakap niya ito.

Mula sa likod ng anak ay sumulpot din ang isa pang pamilyar na mukha. Ang matandang babae kanina!

Sa kwento ng matanda ay nalaman niya na may isang babae pala na nagtangkang kunin ang anak niya.

“Namukhaan ko ang anak mo, hija. Umiiyak siya habang nagpupumiglas mula sa hawak nung babae. Alam ko nang hindi maganda ang nangyayari kaya sinundan ko sila at tumawag ako ng security guard,” kwento ng matanda.

“Mabuti na lang po, Ma’am, at maagap si Nanay. Nai-report niya bago pa mailabas nung babae ang anak n’yo. Kung hindi, naku… marami pa naman silang modus… Sayang po hindi na namin nahuli dahil humalo na siya sa tao, pero nai-report na po namin sa pulis,” naiiling na segunda naman ng security guard.

Nangilabot si Melody nang maisip ang mga napapanood niya sa balita.

Lumuluhang hinawakan niya ang kamay ng matanda. Nagkabaliktad sila ng posisyon—siya na ang may malaking utang na loob dito.

“Nanay, maraming-maraming salamat po! Hindi ko po alam kung paano ko kayo mababayaran,” wika niya habang mahigpit ang kapit sa matanda.

Ngumiti ito bago hinaplos ang ulo ng kaniyang anak na noon ay tumigil na sa pag-iyak at kalmado na.

“Natulungan kita, dahil natulungan mo ako, hija. Hindi ko naman makikilala ang anak mo kung hindi ka nagmalasakit sa akin, hindi ba? Gantimpala ito ng langit, dahil isa kang mabuting tao,” wika ng matanda.

Napaluha na lang si Melody sa labis na saya. Tunay nga na ang kabutihan ay nasusuklian. Hindi niya alam na dahil sa munting tulong na ipinagkaloob niya sa isang estranghero ay maililigtas niya ang anak mula sa tiyak na kapahamakan!

Advertisement