
Nawala na lang ang Tiyahin Niya sa Mundo ay Hindi Niya man lang Nadalaw Ito; Sa Pagbisita Niya Rito ay may Mangyayaring Nakagugulat
Sa kauna-unahang pagkakataon noong araw na iyon ay nakadama ng kaginhawaan si Loren nang maihiga niya ang kaniyang likod sa malambot na kama.
Pagod na pagod siya dahil sa kulang-kulang dose oras niyang pagtayo sa pabrika ng sardinas kung saan siya nagtatrabaho.
Noon tumunog ang kaniyang selpon. Napangiwi siya nang makita ang isang mensahe mula sa kasera niya na si Aling Gemma.
“Loren, ang renta, kukunin ko bukas, hija,” sabi nito.
Napapikit nang mariin si Loren. Ang totoo ay para siyang kalabaw kung humataw ng trabaho, pero gipit na gipit pa rin siya. Kakarampot lang din naman kasi ang kinikita niya sa pabrika.
“Lord, kailan naman kaya ako magkakapera?”
Iyon ang nasa isip niya bago siya iginupo ng antok.
Kinabukasan, maaga pa lang ay ginising siya ng malalakas na katok.
“Loren, hija! Gising ka na ba?”
Nang mabosesan niya ang kasera ay kinuha niya ang kaniyang pitaka at pupungas-pungas niya itong pinagbuksan ng pinto.
Nabungaran niya ito na may bitbit na isang mangkok na lugaw.
“Thank you po, Aling Gemma. Pasensya na po at huli na naman akong magbayad,” nahihiyang sabi niya bago ito inabutan ng apat na libo.
Ngumiti ito bago tumango.
“Hayaan mo na, hija. Kainin mo na ang lugaw habang mainit-init pa,” anito bago nagpaalam.
Iyon nga ang ginawa niya. Habang nag-aalmusal ay napansin niya ang sunod-sunod na pagtunog ng kaniyang selpon.
Nakita niya ang group chat nilang magpipinsan na kasalukuyang puno ng mga bagong mensahe na hindi niya pa nababasa.
Takang tiningnan niya ang pinag-uusapan ng mga pinsan na matagal niya na ring hindi nakikita.
Isang malungkot na mensahe ang bumungad sa kaniya.
“Pumanaw na raw si Tita Sylvia. Umuwi kayo para sa burol niya.”
Awtomatikong tumulo ang luha ni Loren. Kahit kasi matagal niya nang hindi nakikita ang matanda ay malapit ito sa puso niya.
Noong sa probinsya pa sila naninirahan ay madalas siya sa bahay nito. Doon kasi ay malaya siyang nakakanood ng TV at nakakakain ng masarap na pagkain, mga bagay na wala sa bahay nila.
Madalas din siya nitong abutan ng barya noong kabataan niya.
Tambayan nilang magpipinsan ang bahay nito dahil nga mabait ito. Hindi ito nagkaroon ng sariling anak kaya naman sila na raw ang itinuturing nitong mga anak.
Ngunit ang mas lalo niyang ikinalungkot ay ang mga nabasa niyang sagot ng kaniyang mga kamag-anak.
“Hindi ako makakapunta, may trabaho.”
“May sakit kasi ang anak ko, hindi ako makakauwi sa probinsya.”
“Short kasi kami sa budget, wala rin kaming pang-uwi.”
“Wala kaming pera. Baka mapagastos lang sa burol ni Tita. Sorry.”
May kung ano-anong dahilan ang mga ito.
“Grabe, hanggang sa huli, hindi ko man lang nadalaw si Tita…” aniya habang lumuluha.
Ang totoo ay nakokonsensya siya. Nangako kasi siya noon na bibisita siya sa matanda, ngunit hindi niya na nagawa dahil sa kaniyang walang tigil na pagtatrabaho.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi niya na ito bibiguin. Wala siyang pera na budget para sa pag-uwi, kaya naman wala siyang ibang magawa kundi ang mangutang sa ilang kakilala.
“Hintayin mo ako, Tita…” bulong niya.
Nang araw ring iyon ay lumuwas siya pauwi sa probinsya. Nais niya kasing personal na magpaalam sa matanda.
Nang makarating siya sa lumang bahay ng matanda ay handa na ang burol nito. Inasikaso na kasi pala ng kaniyang Tita ang lahat bago ito mamaalam. Ayaw raw nito na makaabala pa.
Mas lalo siyang naiyak nang marinig ang kwento ni Nene, ang dalagita na nag-alaga rito.
“Kawawa nga po si Lola Sylvia, Ate Allie. Madalas po siya nakatanaw sa bintana, umaasa na may mga pamangkin siyang dadalaw, pero walang dumarating. Hanggang sa nawala na lang siya, wala pa ring dumating. Mabuti nga po ay dumating ka,” umiiyak na kwento ng dalagita na awang-awa rin sa matanda.
Dahil sa nalaman ay muli niyang sinubukan kumbinsihin ang mga kamag-anak na dalawin man lang ang matanda, ngunit wala man lang siyang napala.
“Ipaalam mo na lang kami kay Tita, Allie,” sabi na lamang ng mga ito.
Kaya naman bilang paghingi ng tawad sa matanda ay hindi siya umalis sa tabi nito. Para naman hindi nito maramdaman ang pag-iisa.
Nang ihatid nila ang matanda sa huling hantungan ay walang patid ang pagluha ni Allie. Hanggang sa huli kasi ay wala man sa mga kaanak nila ang sumilip sa kanilang Tita Sylvia.
“Paalam, Tita Sylvia. Maraming salamat po sa lahat,” bulong niya habang minamasdan ang ataul nito na unti-unting natatabunan ng lupa.
Ang hindi niya alam ay hindi doon matatapos ang presensya ng tiyahin sa kaniyang buhay.
Matapos ang libing ay agad na nagbalak na bumalik ng siyudad si Allie. Kasalukuyan siyang nag-eempake nang isang ginang ang naging panauhin niya.
Nagpakilala itong abogado ng kaniyang Tita. Ganoon na lamang ang gulat niya sa ibinalita nito!
“Hija, sa’yo iniwan ni Ma’am Sylvia Galvez ang lahat ng ari-arian niya,” pagbabalita nito.
“May iba pa po bang ari-arian si Tita bukod sa lumang bahay?” gulat na bulalas niya. “Saka bakit po ako ang napili niya?” takang usisa niya sa abogado.
“Ikaw kasi ang kaisa-isang pamilya niya na sinamahan siya sa kaniyang huling sandali. Iyon ang bilin ni Ma’am Sylvia. At ang tungkol sa ari-arian, hindi basta-basta ang tiyahin mo, hija. Ekta-ektaryang lupain ang naipundar niya. Aabot sa ilang milyon,” paliwanag nito bago inilabas ang ilang dokumento.
Laglag ang panga ni Allie sa nalaman. Kinurot niya pa ang braso para makumpirma na hindi panaginip ang lahat.
“Mayaman ka na, hija!” masayang pagbabalita ng abogado.
Napaluha naman sa labis na galak at gulat ang dalaga. Isang panalangin ang inihandog niya sa tiyahin para taos pusong magpasalamat dito. Ipinangako niya na hinding-hindi niya lilimutin ito.
Sino nga ba ang mag-aakala na malaking biyaya ang iniwan ng kaniyang tiyahin?
Sa huli ay kinuha niya ang kalahati ng pamana ng kaniyang tiyahin upang makapagpundar ng sarili niyang bahay at negosyo.
Ang kalahati naman ay itinulong niya sa mga kamag-anakan nila. Sigurado siya na iyon din ang gugustuhing mangyari ng kaniyang mabait na tiyahin kung nabubuhay pa ito.