Inday TrendingInday Trending
Hindi Patatalo ang Dalagang Mayabang ang Asta; Ikapapanalo Niya ba ang Baluktot Niyang Pamamaraan?

Hindi Patatalo ang Dalagang Mayabang ang Asta; Ikapapanalo Niya ba ang Baluktot Niyang Pamamaraan?

“Sa wakas!”

Sabik na tumili si Lizzie nang mabasa ang mensahe na natanggap niya.

Agad na nag-usisa ang kaniyang ina.

“Ano’ng nangyari, anak?” anito.

“Nag-apply ako bilang chef sa isang sikat na restawran, ‘Ma. Pinapapunta nila ako bukas para ma-interview,” natutuwang sagot niya sa ina.

“Talaga, anak? Naku, sana matanggap ka!”

Tila nahawa na rin ito sa tuwa niya.

“Aba, syempre naman, ‘Ma! Siguradong tatanggapin nila ako dahil nasa akin na ang lahat ng katangian na kailangan nila,” kampante niyang sabi sa ina.

Likas na mataas ang tingin ni Lizzie sa kaniyang sarili. Palibhasa ay mataas ang pinag-aralan niya at sanay siya sa papuri ng mga taong nakakasalamuha.

Kinabukasan ay sabik siyang tumungo sa restawran. Doon niya nalaman na dalawa silang pagpipilian para sa posisyon: siya at isang babaeng nagngangalang Reina.

Minasdan niya nang mabuti ang katunggali. Hindi niya maitatanggi ang kakaibang ganda na taglay ng dalaga.

Maya-maya pa ay lumabas ang isang babae para ipaliwanag sa kanila ang magiging proseso.

“Asahan niyo na magiging mabusisi ang aplikasyon. Hindi kasi madali para sa amin ang tumanggap na lang ng empleyado. Kailangan naming makasigurado na mayroon kayo ng lahat ng hinahanap namin,” paliwanag nito.

Tumango siya. Inasahan niya nang hindi magiging madali ang pagpasok sa pinapangarap na restawran, ngunit hindi naman niya hahayaang lumampas lamang ang kaniyang tiyansa lalo na’t napag-alaman niya na galing ang babae sa isang paaralan na pang-bokasyonal lamang, hindi kagaya niya na nagmula sa isang prestihiyosong unibersidad.

Sa nalaman ay mas lalo siyang ginanahan. Naisip niya agad na napakalaki ng lamang niya sa babae.

Nagpatuloy sa pagpapaliwanag ang babaeng empleyado.

“Gusto rin naming sukatin ang kakayahan niyo kaya gusto kong magluto kayo ng isang putahe na kilala sa lugar kung saan kayo nakatira. Pwede n’yong gamitin ang lahat ng gamit at sangkap na nakikita niyo,” paliwanag nito sa una nilang pagsubok.

Inabala ni Lizzie ang sarili sa pagluluto ng sariling pagkain. Malaki ang tiwala niya na siya ang mapipili, kaya naman hindi siya makapaniwala nang ituro ng mga hurado ang putaheng inihanda ni Reina. Samantalang simpleng putahe ng karne lang iyon!

“Parehong masarap pero mas gusto ko ang hinanda niya. Kuhang-kuha talaga ang lasa,” komento ng lalaking hurado.

Sumang-ayon naman ang mga kasama nito.

Inis na nilingon niya ang katunggali, na noon ay ngiting-ngiti.

“Hindi pa dito natatapos ang lahat kaya ‘wag ka munang makampante. Sa susunod na ay babawi ako. Ang magiging hurado ay ‘yung mismong may-ari ng restawran, at sisiguraduhin ko na putahe ko ang mapipili niya,” inis na sikmat niya kay Reina nang maiwan sila sa kusina.

Dismayado man si Lizzie ay alam niya sa sarili na hindi pa ang huli ang lahat at makakabawi pa siya.

Gayunpaman ay hindi niya matanggap na natalo siya ng kung sino lang. Nagpupuyos ang kalooban niya dahil sa nangyari ngunit hindi siya nagpahalata.

“Ano ba kasing pangalan niya? Baka kilala ko naman,” tanong ng kaniyang kaibigan nang ikinuwento niya rito ang nangyari.

“Imposible namang kilala mo,” nakairap na tugon niya.

“Ano bang pangalan?” muling usisa nito.

Napabuntong hininga siya bago nagsalita. “Reina Carpio.”

Ikinagulat niya ang pasigaw na magsalita ang kaniyang kausap.

“Hala, kilala ko ‘yun!” nanlalaki ang matang bulalas nito bago nito kinuha ang selpon. Ilang minuto itong nagpipindot bago ipinakita sa kaniya ang isang litrato ng isang grupo ng mga kalalakihan.

“Wala naman siya riyan! Pulos lalaki ‘yan lahat! Inaasar mo ba ako?” reklamo niya.

“Si Reina Carpio ba kamo? Raymart ang pangalan niya dati. Nakasama ko ‘yan magtrabaho noon sa Japan,” kwento nito bago itinuro ang isang gwapong lalaki.

Nanlaki ang mata ni Lizzie. Ngunit nang pakatitigan niya ang larawan ay nakita niya nga ang malaking pagkakahawig ni Raymart and Reina.

“Ibig sabihin, hindi talaga siya tunay na babae?” gulantang niyang tanong.

Ngumisi ito.

“Oo. Pusong babae talaga siya mula umpisa. Ang sabi niya kapag nakaipon siya gagawin niya talaga ang lahat para maging ganap na babae.”

Marami pang sinabi ang kaibigan niya ngunit ang isip niya ay nakatutok na lang sa isang maitim na plano.

Dumating ang araw ng muling tunggalian nila ni Reina. Bago ang araw na iyon ay pasimple niyang ipinagkalat sa social media ang nalaman niya tungkol sa babae na dating lalaki.

“Wala pa ba si Miss Carpio?”

Mukhang gumana ang plano niya dahil limang minuto na lang at mag-uumpisa na ang kompetisyon, ngunit wala pa si Reina. Marahil ay hiyang-hiya ito dahil nabunyag ang pinakatatago nitong lihim.

Kapag hindi ito dumating ay awtomatikong siya na ang matanggap.

Nang hindi dumating ang babae sa takdang oras ay walang sinayang na oras ang mga hurado. Idineklara ng mga ito ang pagkapanalo niya.

“Kung ganon, wala na tayong magagawa kundi ibigay ang posisyon kay Miss Lizzie Dizon. Congratulations!” anunsyo ng isa sa mga hurado.

Masayang-masaya siya sa narinig ngunit agad ding binawi nang isang hinihingal na boses ang pumailanlang sa silid.

“Sandali! Pasensya na po at late ako! May nangyari lang! Bigyan niyo pa po sana ako ng tiyansa,” pakiusap nito.

Hindi siya makapaniwala na dumating pa ito. Hindi ba nito nakita ang balita?

“Walang problema. Dahil nandito na kayo pareho pwede na ulit natin ituloy ang tunggalian para sa posisyon,” agad na desisyon ng isang hurado.

Inis na inis si Lizzie dahil sa pagkaudlot ng kaniyang pagkapanalo. Sa huli ay naungusan pa rin siya ni Reina at mas nagustuhan ng may-ari ng restawran ang niluto nito.

Nagpupuyos ang loob ni Lizzie. Hindi niya na napigilan pa ang sarili.

“Hindi niyo ba nabasa ang balita tungkol kay Reina? Hindi siya tunay na babae! Bakit niyo pa rin siya tinanggap kung ganoon? Magiging kahihiyan siya ng restawran!” desperado niyang pag-alma.

Tumingin ang lahat sa kaniya.

“Kumpara naman sa akin ay walang-wala siya! Alam niyo ba kung saan ako nag-aral?” patuloy na litanya niya.

Sasagot sana si Reina ngunit naunahan ito ng isang babae na nakilala niyang ang may-ari ng restawran. Halata sa mukha nito ang pagkadismaya.

“Miss Dizon, una sa lahat ay patas kami dito. Lahat ng empleyado binubusisi muna bago tanggapin. Hindi sapat ang diploma o medalya lang, ang hinahanap namin ay may magandang pagkatao. ‘Yung hindi nanghahamak ng tao, kagaya ng ginagawa mo ngayon,” kalmado ngunit may diin na litanya nito.

Natameme siya.

“Isa pa, ano naman kung hindi ipinanganak na babae si Ms. Carpio? Wala naman siyang inaapakang tao. Hindi naman ‘yun nakabawas sa talento niya, kaya bakit naman iyon magiging hadlang para tanggapin namin siya?” taas kilay pang tanong nito.

Nanatiling nakayuko si Lizzie. Hindi siya makahanap ng sasabihin. Ramdam na ramdam niya ang pagkapahiya at pagsisisi sa nangyari.

“Mahirap magladlad, Lizzie. Pero mas mahirap na magtago at ikahiya ang tunay na ako. Kung hindi mo ako tanggap, walang problema ‘yun sa’kin. Pero sana ‘wag mo akong hamakin. At ‘wag mong limitahan ang kaya kong gawin,” marahang pakiusap ni Reina nang maiwan sila.

“Sorry. Hindi ko na uulitin,” sising-sising wika niya sa kasama.

Bumuhos ang luha ni Lizzie. Nabulag siya ng ambisyon, ngunit ngayon ay luminaw na ang lahat. Mali ang manghamak ng mga tao at manghusga.

Hindi natin alam kung ano ang kinakaharap ng bawat isa, kaya ‘wag na natin pang subukan na dumagdag sa alalahanin nila.

Advertisement