Dahil sa Dalawang Libong Pisong Natagpuan sa Bag ay Nagbago ang Buhay ng Mag-iina; Sa Huli ay Malalaman Nila kung Kanino Ito Nanggaling

“Mama, saan po ba tayo pupunta? Pagod na pagod na po ako at gutom na gutom na. Umuwi na lang po kaya tayo sa bahay?” saad ng batang si John habang patuloy na naglalakad kasama ng inang si Glenda at kapatid na si Jake.

“John, tumigil ka nga! Nakita mo naman kung ano ang dinaranas natin sa bahay kasama si papa! Kung gusto mong umuwi ay ikaw na lang! Pero mas gugustuhin ko pang narito ako sa kalsada kaysa naman makasama ko pa ang masamang tao na ‘yun!” sambit naman ng panganay.

“Pasensiya na kayo, mga anak, kung kailangan n’yong danasin ang ganito. Pero hindi ko na talaga makakaya pa na bumalik sa bahay natin. Ayokong maging kayo ay pagbuhatan ng kamay ng papa n’yo. Konting tiis lang mga anak at hihingi ako ng tulong sa mga kamag-anak ko,” saad naman ng ina habang nangingilid ang luha.

Tinangay ni Glenda ang kaniyang dalawang anak paalis ng kanilang bahay. Itinakas niya ang mga anak mula sa mapang-abuso niyang asawa. Wala kasi itong ginawa kung hindi pagbuhatan ng kamay si Glenda. Bukod pa roon ay gumagamit rin ito ng ipinagbabawal na gamot.

Kaya kahit na pangarap ni Glenda na bigyan ng buong pamilya at magandang buhay ang mga anak ay wala siyang magawa kung hindi ialis niya ang mga ito sa masamang sitwasyon.

Tinawagan ni Glenda ang kaniyang nakatatandang kapatid. Ngunit nasa probinsiya ito. Para masundo sila ay kailangan ng labing dalawang oras na byahe. Hindi tuloy alam ng mag-iina kung saan sila pupunta. 

Maya-maya pa ay biglang bumuhos ang malakas na ulan.

“‘Ma, umuwi na po tayo! Ginaw na ginaw na po ako!” sambit ni John.

Advertisement

“Anak, hindi na tayo p’wedeng umuwi. Hindi ko hahayaan na may magawang masama pa sa inyo ang papa mo!” pagtangis ni Glenda.

Basang-basa na ang mag-iina. Hindi pa natapos doon ang pagsubok dahil nakita ni Glenda ang sasakyan ng kaniyang asawa at malamang ay hinahanap na sila nito. Kung hindi pa sila makakalayo ay matatagpuan sila nito. At malaki ang tyansa na muli silang saktan.

Dahil naawa na sa kalagayan ng mga anak ay nagpasya si Glenda na dalhin na ang mga ito sa isang mumurahing motel.

Nag-aalinlangan pa si Glenda na pumasok dahil alam niyang hindi kakasya ang perang kaniyang dala.

“May kailangan po ba kayo, ginang?” tanong ng isang bellboy.

Ngunit abala pa rin ang ginang sa pagbibilang ng kaniyang pera.

“Ginang, baka po may maitulong ako sa inyo. Magsabi lang po kayo. May nangyari po bang hindi maganda?” saad pa ng lalaki.

“Kwarto! Maaari n’yo po ba kaming bigyan ng kwartong kakasya dito sa pera ko? Parang awa mo na! Ito na lang ang lahat ng pera ko at kailangan ng mga anak ko ng matutulugan ngayong gabi,” mababanaag mo kay Glenda na hindi na siya makapag-isip nang maayos dahil sa takot, pag-aalala at pagkabalisa. 

Advertisement

“Ayos lang po ba kayo, ginang? Baka po may maitulong ako?” muling sambit ng ginoo.

“Hindi mo ba ako narinig? Kailangan nga namin ng kwarto! Kung kulang ang pera ko ay babayaran ko na lang sa susunod pero hayaan mo muna kaming magkaroon ng isang kwarto nang sa gayon ay makaligo at makapagpahinga na ang mga anak ko,” sambit pa ni Glenda.

“O sige po. Ako na po ang mag-aasikaso sa inyo. Sumunod po kayo sa akin,” saad ng lalaki.

Umakyat sa pangalawang palapag ang mag-iina kasunod ng naturang bellboy.

“Ito po ang kwarto n’yo. Tawagin n’yo lang po ako kung may kailangan pa kayo. Ako nga po pala si Estong. Ako po ang bellboy at nagbabantay sa lugar na ito. Pasensiya na po kayo sa lugar na ito. Talagang may katandaan na rin kasi. Sana po ay makapagpahinga kayo nang maayos,” saad ng lalaki na nakatayo lamang sa may pinto. 

Nang gabi ring iyon ay may maayos na matutulugan ang mag-iina. Ngunit dahil ibinayad na ni Glenda ang lahat ng kaniyang pera ay hindi niya alam paano malalamnan ang kumakalam na sikmura ng mga anak.

Kinabukasan ay ginising si Glenda ng tawag ng kaniyang nakatatandang kapatid.

“Hindi pa raw makakarating ang Tito Bert ninyo rito. Nasiraan daw kasi siya ng sasakyan. Baka mamaya ay abutin pa tayo rito ng gabi. Ang problema ko mga anak ay hanggang alas onse lang tayo ng gabi rito. Tapos ay paaalisin na nila tayo,” nag-aalalang sambit ni Glenda sa mga anak. 

Advertisement

“Mama, nagugutom na rin po ako. Kahapon pa po tayo hindi kumakain. Ang sakit na po ng tiyan ko,” reklamo ni John.

“Hindi ka ba nakikinig kay mama, John? Kakasabi lang niya na wala na nga siyang pera! Konting tiis na lang at pag narito naman na si Tito Bert ay makakain na tayo,” saad naman ni Jake.

Hindi maiwasan ni Glenda na kaawaan ang kaniyang mga anak. Ngayon pa lang ay napapaisip siya kung kaya ba niya talagang buhayin ang mga ito.

Bandang tanghali ay nag-aayos ng gamit itong si Glenda at bigla siyang nakakita ng nakatiklop na papel. Nang kaniyang pakatitigan ay pera ito. 

“Dalawang libong piso! May dalawang libong piso pa pala ako dito sa bag ko na ito! Salamat sa Diyos!” masayang sambit ni Glenda.

Wala nang pinalagpas na pagkakataon si Glenda. Bumili agad siya ng makakain ng mga anak. At dahil matatagalan pa ang Kuya niya ay minabuti na lang niyang mamasahe sila pauwi ng probinsiya.

Mula noon ay nagbago na ang takbo ng buhay ng mag-iina. Pilit man silang kinukulit ng dating asawa sa muling magbalik sa piling nito ay hindi na talaga pumayag pa si Glenda. Maging ang nakatatandang kapatid niyang si Bert ay gumawa na rin ng paraan upang mapakulong ang mapagm*ltratong asawa ni Glenda. 

Sa probinsiya ay namuhay nang mapayapa sina Glenda, John at Jake. Mula sa isang libong piso na natira ay namuhunan si Glenda sa pagtitinda ng mga timba, batya, at hanger. Nang mapalago niya ito ay namuhunan rin siya sa mga damit at iba pang gamit sa bahay. 

Advertisement

Unti-unti ay lumaki ang negosyong ito ni Glenda. Napag-aral niya ang kaniyang mga anak. Humiwalay na rin siya ng tirahan sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Hindi inaakala ni Glenda na bandang huli ay kaya niyang bigyan ng magandang buhay ang mga anak. Sadyang kailangan lang niya ng tapang na umalis sa piling ng dating asawa.

Minsan ay nagmemeryenda ang mag-iina at napag-usapan nila ang dati nilang kalagayan.

“Hindi ko nga akalain na magiging maginhawa pa rin pala ang buhay natin kahit wala ang papa n’yo. Salamat sa Diyos at hindi Niya tayo pinabayaan kahit tayo lang tatlo,” saad ni Glenda sa mga anak.

“Maraming salamat po, ‘ma, kasi hindi rin kayo tumigil para mabigyan kami ng magandang kinabukasan. Sa tuwing binabalikan ko ang gabing umalis tayo sa bahay ni papa ay wala akong pinagsisisihan. Itong si John, uwing uwi na noon, e! Konting ulan at gutom lang, gusto na umuwi!” biro naman ng panganay na si Jake. 

“Ikaw talaga, wala kang ginawa kung hindi inisin itong kapatid mo! Siyempre mga bata pa kayo noon, e! Pero alam n’yo, sa tuwing binabalikan ko ang araw na iyon ay iba ang nararamdaman ko. Sobrang lugmok na ako noon. Malapit na akong mawalan ng pag-asa. Baka nga bumalik na lang tayo ulit sa papa n’yo dahil hindi ko kayang makita kayo sa ganoong kalagayan. Pero ang swerte kasi bigla na lang akong nakakita ng dalawang libong piso sa bag ko! Paano kaya iyon nakapunta doon, ano? Iyon talaga ang sumagip sa atin!” pahayag ni Glenda. 

“Nga pala, mama, sa tingin ko ay hindi ko pa ito nakukwento sa inyo. Pero napansin ko pala noong araw na iyon ay may inilagay ang bellboy sa bag n’yo. Nakalimutan ko nang sabihin kasi gutom na ako noon at sobrang giniginaw at pagod,” wika naman ni John.

Nagkatinginan si Glenda at si John. Ngayon ay napagtanto nila na ang dalawang libong piso pala na nakita sa bag ni Glenda ay inilagay ng lalaking iyon sa motel.

Advertisement

“Tinaasan ko pa naman siya ng boses. Ang hindi ko alam ay siya pala ang may malaking dahilan kung bakit narito tayo sa kinalalagyan natin. Isang araw ay babalik tayo sa lugar na iyon at magpapasalamat sa kaniya,” saad ni Glenda.

Hinanap ng mag-iina si Estong. Ngunit ang sabi ng mga nagtatrabaho sa motel ay matagal na raw itong yumao. Talaga raw mabait ang lalaking ito at matulungin.

Ipinagdasal ng mag-iina ang kaluluwa ng mabuting lalaki. Hindi man sila nakapagpasalamat nang personal dito ay habang buhay nilang dadalhin sa kanilang puso ang lubos na pasasalamat.

Hindi akalain ng mag-iina na minsan sa buhay nila ay isang estranghero pa ang gagawa sa kanila ng mabuti. Ipinagpapasalamat nilang mag-iina ang pagtulong nito sapagkat kung hindi dahil kay Estong ay hindi makakalaya ang mag-iina sa dating kinasasadlakang sitwasyon.