Naglayas ang Anak upang Mapatunayang Mali ang mga Magulang; Isang Babae ang Kaniyang Makikilala at Ito ang Sasagip sa Kaniya

Naglayas ang Anak upang Mapatunayang Mali ang mga Magulang; Isang Babae ang Kaniyang Makikilala at Ito ang Sasagip sa Kaniya

InspiringKarmaStories

Alas nwebe na ng gabi at alalang-alala na ang mag-asawang Bill at Rowena dahil wala pa rin ang kanilang dalagang anak na si Donna. 

“Saan ba talaga nagsuot ang batang iyon? Hindi ba nagsabi sa iyo?” tanong ni Bill sa kaniyang misis. 

“Ang sabi lang niya sa akin ay gagawa raw sila ng asignatura ng mga kaklase. Ayaw ko na ngang payagan pero nangulit. Kailangang kailangan daw nila iyong matapos dahil babagsak daw sila kung hindi maipapasa. Kaso kanina ko pa tinatawagan ‘yung mga sinasabi niyang kasama niya. Ang sabi lang sa akin ay kanina pa raw sila natapos. Kanina ko pa tinatawagan si Donna pero hindi sinasagot ang kaniyang selpon!” nag-aalalang sambit naman ni Rowena. 

Dahil hindi mapanatag ang kalooban, nais na sana ng mag-asawa na magsabi sa mga pulis para matulungan silang hanapin ang anak. Hindi kasi nila alam, baka may nangyari nang masama kay Donna. 

Paalis na ang mag-asawa nang makasalubong nila ang anak. 

“Donna! Halos atakihin  na kami sa puso ng daddy mo! Saan ka ba galing bata ka?” sigaw ni Rowena sa anak. 

“Hindi ba nagsabi na po ako sa inyo na galing ako sa mga kaklase ko? Pumayag pa nga kayo ‘di ba?” sagot naman ng dalaga. 

“Pero anong oras na? Saka tinawagan namin ang ilang kaklase mo, ang sabi ay maaga raw kayong natapos. E, saan ka nagpunta? Alalang-alala kami! Sa katunayan nga ay papunta na kami sa himpilan ng pulisya para i-report na nawawala ka dahil hindi ka sumasagot sa mga tawag at text namin ng daddy mo, e!” bulyaw muli ng ina. 

“Ang OA n’yo talaga, mommy at daddy! Nagkasiyahan lang naman kami ng mga kaibigan ko! At saka pumayag naman kayo na umalis ako, ‘di ba? Papayagan n’yo ako tapos paghihigpitan n’yo rin ako sa oras. Malaki na ako! Alam ko na kung paano alagaan ang sarili ko!” pabalang na sagot pa ni Donna sa mga magulang. 

Hindi na nakatiis si Billy at napagbuhatan niya ng kamay ang anak. 

“Ito? Ito ba ang tinuturo sa iyo ng mga kaibigan mo? Alalang-alala kami ng mommy mo rito. Hindi namin alam baka nadisgrasya ka. Kaunting respeto naman sa amin, sana man lang nagsabi ka! Simula ngayon ay hindi ka na pwedeng umalis ng bahay! Ituwid mo muna ang ugali mo dahil namimihasa ka na!” sambit naman ni Bill. 

Dahil sa mga sinabing ito ng mga magulang ay labis na nagdamdam itong si Donna. 

“Nasasakal na ako sa paghihigpit nila sa akin! Makikita nila, patutunayan ko sa kanila na kaya ko na ang sarili ko!” sambit ng dalaga sa kaniyang sarili. 

Nagplanong maglayas si Donna para pasakitan ang damdamin ng kaniyang mga magulang. Ng gabi ring iyon ay lumayas siya bitbit ang ilang damit. Patuloy siyang nagtatawag sa kaniyang mga kaibigan upang makitulog ngunit walang nagpaunlak sa kaniya. 

Nagtungo sa isang convenience store si Donna at saka bumili ng kaniyang makakain habang naghihintay ng kaibigan na maaring magpatuloy sa kaniya ng gabing iyon. 

Habang nakaupo sa labas ng convenience store ay may lumapit sa kaniyang isang babae. 

“Miss, ayos ka lang ba?” saad ng ale. 

Hindi naman pinansin ni Donna ang babae. Ngunit patuloy pa rin siya nitong kinausap. 

“Miss, sa tingin ko pa lang sa iyo ay naglayas ka sa bahay mo. Alam mo bang hindi tama na layasan mo ang mga magulang mo? Hindi tama na ang isang babaeng tulad mo ay narito pa sa lansangan sa dis oras na ng gabi. Delikado para sa iyo,” dagdag pa ng ginang. 

“Ginang, mawalang galang na po sa inyo! Kung ano man po ang problema ko ay labas na po kayo roon. At saka, anong pakialam mo sa akin kung naglayas ako sa bahay namin? Hindi mo kilala ang mga magulang ko! Hindi ko na sila makayanan dahil sa sobrang paghihigpit nila sa akin! Buhay ko ito, at ako ang magdedesiyon kung ano ang gusto kong gawin!” sagot naman ni Donna. 

“Miss, kung ano man ang nangyari sa pagitan mo at ng mga magulang mo ay huwag mong idaan sa ganito. Hindi sagot ang paglalayas. Lahat ay nadadaan sa maayos na usapan. Mahal ka ng mga magulang mo kaya ka nila pinangangalagaan. Kung ako sa iyo ay uuwi na ako. Hindi ligtas para sa iyo ang magpagala-gala ng ganitong oras,” dagdag pa ng ginang. 

Dahil sa labis na pagkairita ni Donna ay nilayasan rin niya ang ale at naglakad muli. 

“Akala mo naman kung sino kung magsalita. Hindi naman niya ako kilala! Hindi ako natatakot kahit kanino! Malaki na ako at kaya ko na ang sarili ko at papatunayan ko ito sa lahat!” saad ng dalaga sa kaniyang sarili. 

Habang naglalakad mag-isa ay naramdaman ni Donna na parang may sumusunod sa kaniya. Paglingon niya ay may dalawang lalaki nga na nakasunod sa kaniya. 

Doon ay bahagya siyang nakaramdam ng takot. Upang masigurado niayng hindi siya masusundan ng mga lalaki ay binilisan niya ang paglalakad ngunit nakasunod pa rin ang mga ito sa kaniya. 

Takot na takot na si Donna nang biglang dumaring ang babaeng kumakausap sa kaniya sa convenience store. 

“Lyka, kanina pa kita hinahanap! Sabi ko sa iyo huwag kang aalis, ‘di ba? Tara na at bumalik na tayo doon dahil naroon na ang papa at mama mo. Sa pagmamadali nga nila ay ginamit na ng papa mo ang kotse niya sa trabaho bilang isang pulis. Tara na at naghihintay na sila,” saad ng ale. 

Kahit hindi alam ni Donna ang tunay na nangyayari ay sinakyan na lamang niya ang sinasabi ng ale. 

“Pasensiya na po, tita. Sige po at bumalik na tayo doon kina papa at mama,” pinipilit ni Donna na iwasan na mangatog ang kaniyang boses dahil sa takot. 

Dahil sa ginawa ng ale ay umalis na ang dalawang lalaking sumusunod kay Donna. 

“Maraming salamat po sa ginawa ninyo, ale. Kung hindi po dahil sa inyo ay baka kung ano na po ang nangyari sa akin!” umiiyak na sambit ni Donna. 

“Nag-aalala kasi ako sa iyo, miss. Nakita ko kasing parang nagugulumihanan ka. Tapos napansin ko rin na kanina ka pa tinitingnan ng dalawang lalaking iyon. Nasa convenience store pa lang tayo. Sa susunod ay huwag mo na itong gagawin. Baka mamaya ay tuluyan ka nang mapahamak!” saad ng ginang. 

“Opo, uuwi na po ako ngayon sa mama at papa ko. Pwede po bang pakitawagan sila para sa akin para po sunduin nila ako? Huwag n’yo po muna akong iiwan dahil natatakot po ako,” saad muli ng dalaga. 

“Ako nga pala si Mildred. Alam mo, ganiyan din ako dati. Matigas ang ulo ko at ayaw kong napagsasabihan. Ayaw kong kinokontrol ako ng mga magulang ko. At dahil doon ay naglayas ako. Kaso, napariwara ang buhay ko. Kung anu-anong nangyari sa akin. Bandang huli, hindi ko napatunayan ang nais kong patunayan. Sa huli, tama pala ang mga magulang ko. Inaalagaan lang pala nila ako. Sana noon ay nakinig ako sa kanila,” pahayag pa ng ginang. 

Patuloy lang sa pag-iyak itong si Donna. 

Nang dumating ang mga magulang ng dalaga ay niyakap niya ang mga ito ng mahigpit. Humingi siya ng kapatawaran sa lahat ng kaniyang nagawa. Ikinuwento na rin niya ang nangyari sa kaniya nang gabing iyon at kung paano siya iniligtas ng ginang na si Mildred. 

Labis-labis ang pasasalamat ng mag-asawa dahil sa kabayanihan na ginawa ng ginang para sa kanilang anak. Kung hindi dahil kasi sa pagmamalasakit ni Mildred ay kung ano na sanang masamang nangyari kay Donna. 

Napagtanto ni Donna ang isang mahalagang aral ng gabing iyon. Mula noon ay hindi na siya sumuway pa sa kaniyang mga magulang. Palagi na siyang nakikinig sa mga pangaral at payo ng mga ito.

Kung sabagay, wala naman talagang hiniling ang mga magulang kung hindi ang ikabubuti para sa kanilang mga anak.

More Stories