Madalas Biruin ng Anak ang Kaniyang Ina Kaya Pinakiusapan Siya Nitong Tumigil Na; Bandang Huli ay Pagsisisihan Niya Ito

Madalas Biruin ng Anak ang Kaniyang Ina Kaya Pinakiusapan Siya Nitong Tumigil Na; Bandang Huli ay Pagsisisihan Niya Ito

HeartbreakingKarmaStories

“Mama! Mama! Hindi po ako makahinga! Mama!” patuloy na pagtawag ni Troy sa kaniyang ina. 

“Mama! Mama!”

Ilang sandali pa ay nariyan na ang humahangos na ina. May sabon pa sa kaniyang mga kamay at braso mula sa paglalaba. Natataranta niyang nilapitan ang anak. 

“A-anong nangyayari sa iyo, Troy? May masakit ba sa iyo?” hindi na alam ni Aling Tess ang gagawin sa sobrang kaba. 

Dali-dali nitong hinanap ang asawa. Panay ang sigaw niya habang hinihimas niya ang dibdib ng anak. 

“Nestor! Si Troy raw hindi makahinga. Pumarito ka nga at tulungan mo ako! Dalhin natin siya sa ospital! Nestor!” patuloy sa pagsigaw itong si Aling Tess. 

Ilang saglit pa habang hindi na mapakali ang ginang ay biglang nagsalita itong si Troy. 

“Mama, prank lang ‘to! Hindi masikip ang dibdib ko! Nakakahinga talaga ako!” tumatawang saad ng binata. 

“Ayon ‘yung selpon ko. Tinago ko sa may tukador para hindi mo makita. Baka kasi makahalata kang prank lang ito, e! Kung nakita mo lang ang itsura mo, ‘ma, sobrang nakakatawa! Halos magkanda dulas-dulas ka na sa kakatakbo! May sabon ka pa sa kamay at braso!” patuloy sa pagtawa ang binata. 

“Sira ulo kang talaga, Troy! Hindi mo ba alam na muntik na akong atakihin sa puso sa ginawa mo? Aba’y nerbyos na nerbyos ako! Hindi ko alam ang gagawin ko!” naiinis na sambit namna ng ina. 

“Sa sobrang hindi mo nga alam ang gagawin mo, ‘ma, ay tawag ka ng tawag kay papa. Nakalimutan mong wala siya rito at nasa trabaho! Nagapatulong ka pa na dalhin ako sa ospital! Papanoorin ko nga ang bidyo para makita ko ang buong reaksyon mo!” walang tigil sa kakatawa si Troy. 

“Anak, hindi magandang biro ang ginawa mo! Halos malaglag na ang puso ko! Huwag mo nang uulitin ito, anak. Hindi talaga maganda. Hindi ako natutuwa,” pakiusap pa ng ina na nakahawak sa dibdib. 

“Huwag kang mag-alala, ‘ma, wala ka namang sakit sa puso kaya hindi ka aatakihin! Hindi pa rin mawala sa isip ko ang reaksyon mo! Kapag siguro ipinakita ko ito sa mga kaibigan ko ay matatawa rin sila,” saad pa ng binata na naiiyak na sa paghagalpak. 

Madalas kung i-prank ni Troy ang kaniyang ina. Minsan ay nakikitawa rin ang kaniyang ina. Ngunit nang dumadalas na at lumalala na ang mga biro nito ay nakikiusap na si Aling Tess na itigil na ito ng binata. 

Kinabukasan ay sinabi ni Aling Tess sa kaniyang asawa ang walang sawang pagpa-prank sa kaniya ng anak. 

“Pagsabihan mo nga si Troy, Nestor. Palagi niya akong binibiro. Nauuso kasi ang pagpaprank. Kaya naman walang ginawa ang anak mo kung hindi lokohin ako. Kahapon, sumakit ang dibdib ko dahil ang sabi nga sa akin ay hindi raw siya makahinga. Tapos, tatawa-tawa lang noong nakitang grabe na ‘yung pag-aalala ko!” saad ni Aling Tess sa mister. 

Dahil napagsabihan na ng ama ay bahagyang natigil ang pagbibiro ni Troy sa kaniyang ina. Ngunit dahil nakantiyawan muli ng mga barkada ay naisipan ni Troy na i-prank na naman ang ina. 

Habang naglalaba si Aling Tess sa kanilang bakuran ay naroon rin si Troy. Nilagay ng binata ang kaniyang selpon sa mga halaman nang hindi ito mahalata ng kaniyang ina. Nang makakuha ng tiyempo ay nagsisigaw na naman itong si Troy. Hawak ang mahabang tali ay nagpanggap ito na sinugod ng isang ahas. 

“’Ma! Tulong! Tulungan mo ako, ‘ma! Ang laki ng ahas!” sigaw ni Troy. 

Pagtingin ni Aling Tess ay nakita nga niya ang isang bagay na tila ahas kaya tumayo siya mula sa paglalaba at saka niya tutulungan ang anak. Ngunit hindi niya alam na madulas pala ang sahig. Sa pagkataranta at pagmamadali ni Aling Tess na tulungan ang anak ay nadulas siya.

Matindi ang pagkabagsak ni Aling Tess. Tumama ang kaniyang ulo sa isang malaking bato. Nawalan ito ng malay at habang tumutulo ang dugo mula sa ulo ng ina ay napatitig na lamang si Troy. Parang nanigas ang kaniyang katawan at hindi niya alam ang gagawin. 

“‘Ma! ‘Ma! Sumagot po kayo, ‘ma!” sigaw ni Troy. 

Ngunit kahit anong lakas ng kaniyang pagsigaw ay hindi nagigising si Aling Tess. 

Humingi ng tulong si Troy sa mga kapitbahay upang dalhin ang ina sa ospital. Nangangatog siya dahil sa bawat pikit niya ay hindi makalimutan ni Troy ang sinapit ng kaniyang ina at dahil ito sa kaniyang kagagawan. 

Nang dumating ang ama ni Troy sa ospital ay agad siya nitong kinompronta. 

“Ano na naman ang ginawa mo sa mama mo, Troy? Hindi ba nag-usap na tayo sa mga prank na iyan? Tingnan mo ang nangyari sa mama mo?” halos saktan ni Nestor ang anak. 

“H-hindi ko naman po sinasadya, ‘pa. Hindi ko naman po alam na ganito ang mangyayari. Gusto ko lang naman pong biruin si mama,” umiiyak na sambit ni Troy.

“Sa tingin mo ba ay magandang biro pa ito? Troy, buksan mo naman ang utak mo! Nakiusap na sa iyo ang mama mo na itigil mo na ang mga prank na ‘yan ngunit hindi ka pa rin natuto! Kapag nawala ang mama mo ay hinding hindi kita mapapatawad!” sambit pa ng ama. 

Labis-labis ang panalangin ni Troy na bumuti ang kalagayan ng kaniyang ina.

Mabuti na lamang at hindi pa huli ang lahat at naagapan ng mga doktor ang posibleng pagkawala ni Aling Tess. Naging matagumpay ang walong oras na operasyon sa ulo ng ginang.

Dahil dito ay nangako si Troy na kahit kailan ay hindi na niya bibiruin ang ina.

“Patawarin po ninyo ako, ‘ma. Hinding-hindi ko na po uulitin. Makikinig na po ako sa inyo ni papa. Natutunan ko na po ang leksyon ko. Maraming salamat sa Diyos dahil hindi muna Niya kayo kinuha sa amin. Patawad, ‘ma!” hinagpis ni Troy habang nagsusumamo sa ina.

“Anak, kahit kailan ay hindi maganda na paglaruan mo ang pag-aalala namin sa iyo ng papa mo. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maisip kung bakit mo ito ginagawa sa akin. Pero nais kong sabihin sa iyo na pinapatawad na kita. Alam kong hindi mo na uulitin dahil nakita mo na ang posibleng mangyari, ‘di ba? May mga bagay na p’wedeng gawing biro. May mga bagay naman na hindi. Kaya lagi mong iisipin ang mga gagawin mo dahil baka mamaya ay ikapahamak pa ito ng ibang tao. Sa kaunting tawa ay maaari kang mawalan ng ina,” pahayag naman ni Aling Tess.

Dahil sa pangyayaring ito ay hindi na naulit pa ang pagpaprank ni Troy sa kaniyang ina o kahit sino pa man. Mabuti na lamang at nabigyan ng pangalawang pagkakataon si Aling Tess na mabuhay. Dahil kung hindi ay hindi kakayanin ng konsensiya ni Troy at habambuhay niyang dadalhin sa kaniyang puso ang bigat ng mawalan ng isang ina nang dahil lang sa isang walang katuturang biro.

More Stories