
Tamang Hinala Palagi ang Misis ng Lalaking Ito Kahit Wala Naman Talaga Siyang Kalokohan; Tuluyan na Kaya Siyang Mahulog sa Tukso?
“Hoy, Fernan! Late ka ng sampung minuto. Saan ka na naman nanggaling ha? At bakit amoy alak ka?! Sinasabi ko sa’yo, umayos ayos ka diyan. Kung akala mo hindi kita mahuhuli dahil nandito lang ako sa bahay at nag-aalaga ng anak mo, nagkakamali ka! Dahil magaling ako, matalino ako at alam ko lahat ng kinikilos mo!” panenermon na naman ni Maricel sa kaniyang mister.
“Inalok lang ako ni kumpare diyan, umisa lang ako tapos sumibat na rin kasi nga alam kong magagalit ka. Kahit itanong mo pa-” marahang paliwanag ni Fernan sa kaniyang misis.
“Siguraduhin mo lang talaga!” huling sambit nito at saka binalibag ang pinto ng silid.
Agad na naligo si Fernan dahil ayaw ni Maricel ng amoy alak. Kinagabihan, nang makita na kalmado na ang asawa, niyakap niya ito nang mahigpit at binulong kung gaano niya ito kamahal at hinding-hindi iyon magbabago.
Labis ang pagmamahal ni Fernan kay Maricel. Kahit hindi ito labis na kagandahan, hanga siya sa ugali nito noong nagtatrabaho ito para sa kaniyang pamilya. Simula pa noong nasa kolehiyo sila hanggang sa ngayon na tatlong taon na silang kasal, hindi pa rin humuhupa ang kaniyang pag-ibig para sa misis. Kahit na sobra itong mabunganga, pinagtitiisan niya ang ugaling ito ni Maricel.
Isang hapon, habang naglalakad pauwi si Fernan, muli na naman siyang hinarang ni Lito na kaniyang kumpare na nag-iinuman sa may kanto. Inakbayan siya nito at niyakag palapit sa grupo ng mga nag-iinuman doon. Hindi na nakatanggi si Fernan dahil tuloy tuloy na siyang pinainom ng alak nina Lito at ibang mga kaibigan. Subalit bumalik na lamang ang kaniyang tamang pag-iisip nang makita sa ‘di kalayuan ang simangot na mukha ni Maricel na papunta kung saan siya nakaupo.
“Hoy, Fernan! Halika nga ditong peste ka! Hindi ka talaga titino, ‘no? At, ikaw, Joselito! Huwang ka ngang makayaya yaya dito sa asawa ko. Nakita mo ng pamilyado na ‘to igagaya mo pa sa’yong tambay at walang trabaho! Pwe!” pambubunganga ni Maricel sa mga tambay sa kanto at kinaladkad pauwi si Fernan.
Buong gabi, ganoon na naman ang nangyari. Walang preno ang panenermon ni Maricel kay Fernan hanggang sa ito ay mapagod at makatulog. Tikom naman ang bibig ng mister palibhasa’y naiintindihan niyang mayroon din siyang pagkakamali.
Dumaan ang mga araw at pinilit ni Fernan na iwasan na ang kaniyang kaibigan na si Lito upang wala ng away. Araw ng linggo, walang pasok si Fernan, habang siya ay nakahiga sa sofa at nanonood ng telebisyon, muli na namang umentra si Maricel nang makita nito ang marka ng postura sa isa sa mga uniporme ni Fernan.
“Ano ‘to, Fernan? Ano na naman ‘to!” galit na tanong ni Maricel sa asawa matapos nitong tanggalin sa pagkakasaksak ang telebisyon kung saan nanonood si Fernan.
“H-ha? Ano ‘yan? Hindi ko alam ‘yan-” sinubukang magpaliwanag ni Fernan dahil hindi naman talaga niya alam kung paano iyon nagkaroon ng marka.
“Huwag ka ng magmaang-maangan pa!” huling sambit ni Maricel kay Fernan at agad itong umalis sa harap ng lalaki. Ilang saglit pa at muli siyang nagbalik sa harapan ng mister bitbit ang isang malaking bag na naglalaman ng mga damit ni Fernan.
“Huwag ka nang babalik dito. Huwag na huwag na!” sigaw muli ni Maricel at mabilis na pumasok sa silid nila kasama ang kanilang anak na isang taong gulang at sinarado ito. Pilit man itong buksan ni Fernan at kausapin siya, sarado ang utak ni Maricel dahil sa kaniyang hinala. Wala namang magawa ang lalaki at malungkot na umalis sa bahay.
Ilang araw ang lumipas, bawat kaluskos ay mabilis itong tinitignan ni Maricel. Ito ay sa pag-aakalang muling babalik si Fernan. Subalit sa tuwing sinisilip niya, lalo lamang siyang nalulungkot at nasasaktan dahil bigo siyang makita ang mukhang nais niyang masilayan.
Isang buwang na ang lumipas at patuloy na nagpapadala ng mensahe si Maricel kay Fernan, nagmamakaawang balikan siya nito. Subalit wala siyang makuhang detalye dahil hindi ito nasagot. Maging pamilya nito ay hindi alam ang kinaroroonan ni Fernan.
Isang hapon, habang siya ay bumibili sa tindahan, nagulat siya nang makita si Fernan na nag-iinom kasama sina Lito at ilan pang mga tambay sa kanto. Nais sana niya itong sugurin at sermonan subalit nang akma niyang gagawin na ito, napatigil siya nang maalala kung paano niya ito pinalayas. Malungkot na tumalikod si Maricel at umuwi ng bahay.
“Nakita ko si Fernan. Balita ko pa may bago nang babae.”
“Hala, talaga ba?! Eh, heto kasing si Maricel akala mo baril kung rumatrat ang bunganga-” dinig ni Maricel ang usapan ng mga kapitbahay nang siya ay pauwi sa kaniyang bahay. Agad namang tumigil ang mga iyon nang makita ang presensiya ni Maricel.
Napaupo si Maricel dahil sa labis na panghihina. Labis ang kaniyang pagsisisi dahil pakiramdam niya ay nawalan siya ng mister na labis ang pagmamahal sa kaniya sa kabila ng pagiging bungangera niya. Ilang saglit pa, isang haplos ang kaniyang naramdaman at mga kamay na yumakap sa kaniya- si Fernan!
Mabilis niyang niyakap ang mister habang patuloy ang kaniyang pagluha at paghingi ng tawad. Nangako siyang babaguhin ang pangit na ugali at pipigilan na ang pagiging bungangera. Nanghingi naman ng tawad si Fernan dahil siya ay umalis. Kahit kasi siya, hindi niya alam kung paano nagkaroon ng postura sa kaniyang uniporme. Dahil alam niyang kahit kailan ay hindi niya niloko ang misis. Muling nagbalik si Fernan matapos magpahinga ng isang buwan na malayo kay Maricel. Sa kaniyang pag-iisa, napagtanto niyang mas kaya niyang tiisin ang sermon ng asawa kaysa ang mabuhay nang wala ito sa piling niya.