
Pumayag ang Misis sa Hiling ni Mister na Tumira sa Kanila ang Biyenang Ayaw sa Kaniya; Mayroon Pala Itong Masamang Plano sa Kanila
Sikat na ang araw at narinig ni Marie ang iyak ng kaniyang sanggol na anak sa kabilang silid. Agad siyang tumayo upang patahanin ang sanggol at ibigay ang kailangan nito. Nang makarating siya sa silid, amoy niya ang halimuyak ng sabon ng kaniyang anak na para bang ito’y bagong ligo. Laking pagtataka naman niya dahil tanghali na siya nagising. Matapos siguruhing panatag na ang anak, bumaba si Marie upang puntahan kung saan nanggagaling ang mabangong amoy na niluluto at labis niyang ikinatuwa nang makita ang mister na si Ben na nagluluto ng simpleng agahan.
“Aba! Anong meron?” masaya at nagtatakang tono na tanong ni Marie sa mister.
“Wala naman. Masama bang ipagluto ko ang misis ko?” malambing na tugon naman nito. Bilang sagot, niyakap siya nang mahigpit ng kaniyang misis. Ilang sandali pa…
“Ah eh… Mahal?” nakangiting nagkatitigan ang mag-asawa habang sila ay masayang nag-aagahan.
“Pupunta sana dito si mama…” mabilis na banggit ni Ben kay Marie na ikinapawi ng ngiti nito.
“Ahh. Bibisita? Kailan ba? Para maiayos ko ang mga dapat lutuin at mamamalengke ako-” tugon nito.
“Hindi bisita eh. Dito na sana siya titigil,” agad na wika ng lalaki. “Please, alam kong hindi kayo nagkakasundo pero wala naman akong magagawa dahil nagkakasakit siya dahil mag-isa lang siya sa bahay niya,” paliwanag muli ni Ben matapos tumayo at hinakan ang kaniyang misis na wala namang tugon kundi buntong hininga na lamang.
Ilang araw ang lumipas at tuluyan na ngang dumating sa pamamahay ng mag-asawa ang ina ni Ben. Masiyahin ang matanda na si Aling Puring. Subalit noon pa man ay ayaw na niya kay Marie dahil hindi raw ito nakatungtong sa kolehiyo. Dagdag pa rito, ikinaiinis din ni Marie ang ugali ng matanda dahil lubos itong naniniwala sa mga sabi sabi.
Kahit na labag sa kalooban ni Marie, patuloy pa rin ang kaniyang pakikisama sa biyenan. Kahit na nagpupumilit itong agawin ang lahat ng gawaing bahay tulad ng pagluluto, pamamalengke pati na pagdedesisyon sa bahay ay mabuti pa rin ang ipinapakita niya rito. Ito ay alang-alang na rin sa kaniyang mister na walang ibang nais kundi ang makasama ang kaniyang ina.
Isang umaga ang dumating sa bahay nina Marie, narinig niya ang malakas na agos ng tubig na nagmumula sa banyo. Agad siyang tumayo upang isarado kaagad ito dahil umapaw na ang timba na nakasahod dito, maging sahig ay binabaha na rin. Kahit wala pa sa ulirat, mabilis niya itong nilinis dahil maaaring madulas ang sinumang maglakad dito. Ngunit inis ang bumabalot sa misis sa mga oras na iyon. Nagpatuloy ang maagang araw na naiinis na naman ang babae.
“Ay! Naku, Marie! Hindi dapat ganiyan, ako na nga, tumabi ka nga riyan!” sigaw ni Aling Puring sa kaniyang manugang. Agad namang tumabi si Marie at hinayaan ang kaniyang biyenan na magpaligo sa kaniyang sampung buwan na anak.
“Dapat hindi mo binabasa ang bracelet na binigay ko sa kaniya! Mamalasin ang bata! Ganito lang dapat, itagilid mo siya. O kaya, ako na ang magpapaligo sa apo ko. Doon ka na at kuhain ang mga damit,” utos ni Aling Puring kay Marie. Muli na namang sumunod si Marie at nagkulong sa kaniyang silid na parang batang nagmamaktol.
Buong araw ay hindi lumabas ng kaniyang silid si Marie.
“Kaya na ng matandang ‘yon ang lahat! Bahala na siya! Bahala kayo!” sambit ni Marie sa kaniyang sarili bilang pagtukoy sa kaniyang biyenan at asawa.
Dumating si Ben ng gabi na iyon na makalat ang sala at nasa sofa ang kanilang anak na malapit ng mahulog. Mabilis niya itong kinuha at tinawag ang pangalan ni Marie nang malakas. Doon, agad na lumapit sa kaniya ang ina.
“Naku, ‘yang asawa mo ha. Pagsabihan mo ‘yan. Akala mo bata, tinuturuan ko lang kung paano ang tamang pagligo tapos ayan na! Nagkulong lang sa kwarto at hinayaan ang bata dito sa akin!” galit na sumbong ni Aling Puring kay Ben. Ikinagalit ito nang husto ng lalaki at agad na kinatok ang misis.
“Bakit na naman ba? Ano ba ang problema mo? Kahit naiinis ka sa nanay ko, hindi dahilan ‘yon para iwanan mo ang mga responsibilidad mo!” sigaw ni Ben kay Marie subalit walang tugon ang misis.
“Ano? Hindi ka ba sasagot? Sige, panindigan mo ‘yang katigasan ng ulo mo!” dagdag pa nito.
Nang gabi na iyon, naging malamig na ang pakikitungo ni Ben kay Marie. Hindi rin sila magkatabi matulog dahil mas nais ni Ben na matulog sa silid ng kaniyang ina. Araw araw, hindi matiyempuhan ni Marie na mag-isa si Ben dahil laging nakadikit ang kaniyang ina rito. Ramdam ni Marie ang lumalayong damdamin ng kaniyang noon ay malambing na mister.
“Okay na, Shaira! Pakiramdam ko talaga maghihiwalay na sila. Kaya maghanda ka na ha? ‘Di bale na, hindi ko naman hahayaang kunin na lang ng Marie na ‘yan ang apo ko pati na ang anak ko. Kaya, konting panahon na lang at ikaw na ang nandito. Magiging masaya rin tayo!” sambit ni Aling Puring sa kausap niya sa selpon na si Shaira. Mahaba pa ang kanilang pinag-usapan at masaya ang ginang sa kaniyang matagal ng plano.
Ilang sandali lamang at pumasok si Ben sa kaniyang silid. Nagulat naman si Aling Puring dahil buong akala niya ay wala pa ito dahil hapon pa lamang. Nagkunwari siyang pagod at nagreklamo sa anak.
“’Nak, hilot hilutin mo nga ang balakang ko, parang ang sakit eh. Ang dami kasi ng hinugasan ko kanina tapos nagkusot pa ako ng mga uniporme mo,” paawa ni Aling Puring sa anak. Agad itong sumunod sa ina at hinilot ang likurang bahagi nito.
“’Ma, ayusin mo na po ang mga gamit mo. Ihahatid ko na kayo ngayong gabi,” malungkot na sabi ni Ben sa ina. Ikinagulat naman ito ni Aling Puring at paulit-ulit na tinanong kung bakit.
“Narinig ko ang usapan ninyo ni Shaira, ‘ma. Wala ka nang dapat ipaliwanag pa… Sorry, ‘ma,” nakatungong wika ni Ben sa ina at naglakad palabas. Naiwan naman si Aling Puring na halos walang masabi sa hiya at nakitang dismayadong mukha ng kaniyang nag-iisang anak. Buong biyahe nila ay hindi man lang siya matignan nang diretso ni Ben hanggang siya ay makarating na sa kaniyang bahay. Kahit patuloy ang kaniyang paghingi ng paumanhin, wala itong tugon.
Nang makababa na ang ina, naiwan si Ben na lubos ang pagtangis dahil hindi makapaniwala na mayroong ganitong plano pala ang kaniyang ina. Isa pa, hindi man lang niya pinakinggan ang hinanaing ng kaniyang asawa. Agad niya itong tinawagan upang sabihin ang lahat dahil wala siyang lakas ng loob na harapin si Marie.
Nang makarating sa bahay, agad na dumiretso si Ben sa silid kung nasaan si Marie. Niyakap niya ito nang mahigpit at sa balikat ng kaniyang misis siya ay umiyak.
“Sorry, naging mahirap ata para sa’yo ang lahat…” paghingi ng paumanhin ni Ben. Agad naman siyang niyakap pabalik ni Marie bilang tugon.
Muling naayos ang relasyon nina Marie at Ben. Mabuti na lamang at hindi tuluyang nasira ang kanilang pamilya. Habang si Aling Puring naman ay naiwang nagsisisi sa kaniyang mga masamang hangad at gawain.