
Tinupad ng Lalaking Ito ang Hiling ng Kaniyang Maysakit na Lolo; Tinupad Niya Ito, Subalit Bakit Nagalit ang Kaniyang Ina?
Kanina pa alam ni Miguel, 23 taong gulang, ang tungkol sa kalagayan ng kaniyang Lolo Samuel, na siyang nag-alaga sa kaniya. May malalang sakit umano ito subalit ayaw ipaalam sa kanilang mga apo kung ano.
“Ma, gagaling pa ba si Lolo?” tanong ni Miguel sa kaniyang inang si Aling Barbara.
“Sana anak, sana. Medyo may edad na rin kasi ang lolo mo eh. Sana makayanan niya ang gamutan, yung chemotheraphy. Wala namang kaso sa pera dahil nakapagtabi naman siya, at may pera naman siyang makukuha sa insurance plan niya at sa retirement plan niya,” tugon naman ng kaniyang ina.
“Sana nga po gumaling si Lolo Samuel,” malungkot na nasabi na lamang ni Miguel.
Nagtungo si Miguel sa kaniyang kuwarto. Sinariwa niya ang mga panahong si Lolo Samuel ang nag-alaga sa kaniya noong maliit pa siya. Ito na ang tumayong tatay niya dahil nasa ibang bansa ang kaniyang Papa, na isang OFW.
Hindi niya malilimutan ang sinabi nito sa kaniya noong sila ay nagpapalipad ng saranggola sa malawak na parang sa probinsya nila noon.
“Apo, sana tumagal pa ako sa mundong ito para naman makita ko pa ang mga magiging anak mo at makalaro ko pa.”
Kaya naman, tila biglang may suminding ilaw sa tuktok ng ulo ni Miguel. 23 taong gulang na siya ngayon. Kung tutuusin, isa na siyang young adult. Kumikita na rin naman siya sa kaniyang trabaho bilang IT specialist.
Habang malakas pa ang kaniyang lolo, ibibigay na niya ang matagal na nitong hiling.
Makalipas ang isang dalawang buwan.
“Ano ka ba naman, Miguel! Alam mo namang may problema pa tayo sa lolo mo ganyan pa ang balita mo sa amin?” umiiyak na sabi ni Aling Barbara sa anak.
“Ma, pananagutan ko po si Rachelle. Huwag po kayong mag-alala. Nag-usap na po kami. Magpapakasal po kami at haharap po ako sa pamilya niya ngayong magkakaanak na kami,” nakayukong paliwanag ni Miguel.
“Alam na ba ito ng pamilya mo, hija? Anong ginagawa mo sa buhay? Nag-aaral ka ba? Nagtatrabaho?” usisa ni Aling Barbara sa nobya ng anak.
“N-Nagtatrabaho na po ako, Tita. Pagkatapos po nito, ihahatid po ako ni Miguel at ipapaalam na po namin sa pamilya ko na magkaka-baby na kami ni Miguel.”
“Huwag kang mangamba, Rachelle. Pananagutan kita,” saad ni Miguel sa kasintahan.
Walang nagawa si Aling Barbara sa mga pangyayari. Nariyan na iyan at paninindigan na lamang. Bagama’t nasa tamang edad na naman na si Miguel. Hindi ito ang nakita niyang buhay para sa kaniyang anak. Nais pa sana niyang makitang may ipon ito sa bangko, o kaya naman ay may naipundar nang sariling bahay o negosyo.
Tanging mga magulang lamang ang makauunawa sa pakiramdam na kahit malalaki na ang mga anak, mananatili silang paslit sa paningin nila.
Nagulat naman si Aling Barbara sa reaksyon ni Lolo Samuel nang malaman nitong nabuntis ng apo ang nobya nito. Parang sumigla pa nga ito. Ganoon din ang Papa ni Miguel sa ibang bansa ay tuwang-tuwa.
“Tatay, natutuwa pa kayo na nakabuntis si Miguel? Bakit naman?” nagtatakang tanong ni Aling Barbara
Sa kauna-unahang pagkakataon, sumilay ang ngiti sa mga labi ni Lolo Samuel, kahit hinang-hina ito, simula nang ito ay sumailalim sa gamutan ng chemotherapy.
“I-Ibig sabihin, makikita ko pa ang magiging mga anak niya, ang mga apo ko sa tuhod bago man lamang ako mawala sa mundong ito.”
“Lolo,” naiiyak na sabi ni Miguel sa kaniyang lolo. Ginagap nito ang kanang kamay ng matanda.
“Magagalit ba kayo sa akin kung aaminin kong kaya ko minadali ang lahat, dahil gusto kong makita mo pa ang anak ko, ang magiging apo mo sa akin? Hanggang ngayon po, naaalala ko pa yung sinabi mo sa akin na sana, humaba pa ang buhay mo dahil gusto mong makita ang magiging mga apo mo sa tuhod,” naiiyak na paliwanag ni Miguel.
“Hayaan mo apo, lalaban ako para makita at mayakap ko siya… pangako…”
Kaya naman talagang lumaban sa kaniyang sakit si Lolo Samuel sa loob ng siyam na buwan, hanggang sa maisilang na nga ang anak ni Miguel at ni Rachelle.
Noon ay payat na payat na si Lolo Samuel at talagang kalunos-lunos na ang hitsura. Nang maaari nang maglakad si Rachelle at ilabas ang kanilang anak, ipinasilip nila ang bata kay Lolo Samuel.
“Masaya akong lilisan sa mundong ito na natupad natin ang hiling natin, Miguel, aking pinakamamahal na apo. Maging mabuting ama ka sa kaniya,” naluluhang bilin ni Lolo Samuel sa kaniyang apo.
At ilang araw, sumakabilang-buhay na nga si Lolo Samuel. Hindi na nito nakayanan ang lahat.
May ipinangako si Miguel sa kaniyang lolo nang ilibing ito.
Makalipas ang ilang buwan at bininyagan na rin ang anak nina Miguel at Rachelle. Pinangalanan nila itong Samuel Jr., kapangalan ng kaniyang pinakamamahal na lolo. Alam niya, maraming magbabantay kay Samuel Jr. mula sa langit.

Naimbitahan ang Mahusay na Guro Upang Magbigay ng Lektura sa mga Kapwa Guro sa Isang Liblib na Lugar; Madismaya Kaya Siya sa Bayad na Matatanggap?
