Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Ginang na Ito ang Lalaking Limang Araw Nang Naglalakad Mula Tarlac Hanggang Bicol; Masusuklian Ba Nito ang Kaniyang Kabutihan?

Tinulungan ng Ginang na Ito ang Lalaking Limang Araw Nang Naglalakad Mula Tarlac Hanggang Bicol; Masusuklian Ba Nito ang Kaniyang Kabutihan?

Gaya ng nakagawian ay masiglang binuksan ni Aling Jacklyn ang kaniyang munting karinderya.

Alam na niya ang siklo ng araw-araw na pamumuhay niya: gigising siya ng alas kuwatro ng madaling-araw upang magluto. Kailangang nakahanda na ang lahat ng putaheng ibebenta niya.

Magaan ang loob ng lahat kay Aling Jacklyn dahil palangiti siya at masayahin. Nagbibigay ito ng positibong enerhiya sa mga customers niya.

Hugas na dapat at nakasalansan nang maayos ang mga plato, platito, kutsara, tinidor, at baso.

Mga bandang alas siyete ng umaga, dadagsa na sa kaniyang karinderya ang mga parukyano. Masuwerte siya dahil halos nasa tabi ng kalsada ang puwesto niya kaya naaabot ito ng kahit sino. Isa pa, katabi ito ng iba’t ibang mga establisyimiento kaya ang karinderya niya ang puntahan ng mga mag-aagahan, manananghalian, o magmemeryendang mga empleyado.

Tamang-tama, nang siya ay magbukas ay naging abala si Aling Jacklyn sa pag-eestima ng kaniyang mga customers. Karamihan sa kanila ay mga manggagawa sa construction site na ilang hakbang lamang mula sa kaniyang karinderya.

Nang matapos nang kumain ang mga customers niya at nagsialisan na, nagsimula nang magligpit at maghugas ng mga pinagkainan. Habang ginagawa niya ito, isang may katandaan nang lalaki ang nabuwal sa harapan ng kaniyang karinderya.

“Hay naku, manong! Diyos ko, anong nangyari sa ‘yo?” dalo ni Aling Jacklyn sa lalaki.

Mukhang hilong-hilo ito dahil namumutla. Parang ibinabad sa suka ang mga labi nito.

Inakay ni Aling Jacklyn ang lalaki upang makaupo. Kinuha niya ang abaniko niya at ipinaypay sa lalaki.

“Magtubig ka, heto,” saklolo naman ng kaniyang katuwang na si Doray.

Uminom naman ng tubig ang lalaking nabuwal.

“Pasensya na po kayo, ale. Pagod na pagod na po kasi ako at napakainit ng panahon,” paghingi ng paumanhin ng mama.

“Saan po ba kayo papunta?’ tanong ni Aling Jacklyn nang mahimasmasan na ang lalaki.

At nagkuwento na nga ang kaawa-awang lalaki.

“Terio ho ang ngalan ko. Galing po ako sa Paniqui, Tarlac. Limang araw na po akong naglalakad pabalik sa amin, sa Bicol.”

Natulala sina Aling Jacklyn at Doray kay Terio.

“Hindi po kasi ako nakaipon ng pera ko dahil lahat ng suweldo ko ay ipinadadala ko sa pamilya ko sa Bicol.”

“Limang araw ka nang naglalakad pauwi? Sana po umutang na lang kayo ng pamasahe, o kaya naman ay sumakay sa bus at nagpalibre,” sabat naman ni Doray.

“Ginawa ko na ang lahat ng iyan. Nangutang na ako sa mga kasamahan ko pero wala silang maipautang sa akin. Hindi mo naman masisi. Hindi naman nila ako masyadong kakilala, at siguro wala silang tiwala na babayaran o mababayaran ko pa sila.”

“Kawawa naman ang sitwasyon mo,” maluha-luhang sabi ni Aling Jacklyn. “Mabuti pa kumain ka muna.”

“Naku wala po akong pambayad, sige po aalis na ako…”

“Hindi, ano ka ba, libre na ito. Umupo ka na at kumain.”

Hindi na nga nagpaawat pa si Terio. Halos hindi na nito nguyain ang mga ulam at kanin na inihain sa kaniya nina Aling Jacklyn at Doray. Tantiya nila ay tatlong order ang katumbas ng nakain nito.

“Maraming-maraming salamat po sa libreng pagkain,” naiiyak na turan ng lalaki.

“Heto, isang libong piso, maliit na tulong. Huwag ka na maglakad. Sumakay ka na sa bus, palagay ko ay kasya na iyan.”

“Naku ale, sapat na po ang mga kinain ko at pag-alalay sa akin. Malaking tulong na po iyan. Hindi ko po matatanggap iyang pera na iyan,” tanggi ni Terio.

“Sige na, Terio. Pamasko ko na ‘yan sa iyo, ayos lang ‘yan. Hindi kakayanin ng konsensya ko na may isang taong maglalakad nang napakalayo papunta sa pamilya niya. Iyon nga lang maglakad ka ng iilang minuto ay nakakapagod na, limang araw pa kaya?”

Hiyang-hiya man ay tinanggap na lamang ng lalaki ang perang ibinibigay niya.

“Maraming salamat po, ale. Hinding-hindi ko po makakalimutan ang ginawa ninyong ito! Napakabuti po ng inyong kalooban. bahala na sa inyo ang Diyos sa kabutihan ng inyong loob,” umiiyak na pasasalamat ni Terio.

“Mag-ingat ka, Terio. Mabuti pa ibigay mo sa akin ang numero ng telepono mo upang malaman ko kung ligtas ka bang nakarating sa Bicol,” sabi ni Aling Jacklyn.

Masayang-masaya ang pakiramdam ni Aling Jacklyn. Masarap sa pakiramdam na nakatulong sa kapwa.

Makalipas ang dalawang araw, may nag-text at tumawag na kay Aling Jacklyn. Si Terio. Ibinalita nito sa kaniya na nasa Bicol na siya. Nakausap pa niya ang misis nito na labis-labis ang pasasalamat sa kaniya. Nais nitong bayaran ang isang libong pisong ibinigay niya, subalit mahigpit ang bilin ni Aling Jacklyn na huwag na lamang, o kaya naman, i-donate na lamang sa simbahan.

Napansin ni Aling Jacklyn na panay ang buhos ng biyaya sa kaniyang pamilya simula nang tuluyan niya si Terio. Napatunayan niya na kapag ginawan mo nang kabutihan ang iyong kapwa ay babalik din ito sa iyo.

Advertisement