
Masipag na Rakitera ang Babaeng Ito; Ano Kaya ang Makapagpapaawat sa Kaniya Upang Huwag Masyadong Maging Subsob sa Pagpapayaman?
Limang minuto bago pa man pumatak ang alas kuwatro ng hapon ay nakahanda na si Judith upang magtime out sa kaniyang full-time na trabaho bilang isang office associate. Wala siyang sinasayang na oras. Kailangang mabilis ang kilos.
Kailangan niyang makauwi kaagad para sa gagawin niyang live online selling. Nagbebenta kasi siya ng mga ukay-ukay sa gabi. Sayang kasi ang oras kung tutunganga lamang siya. Umaabot ito hanggang 11 ng gabi o paminsan pa nga ay lagpas pa, lalo na kapag marami siyang paninda.
Kapag Sabado naman, hindi rin siya nagpapahinga. Ang buong umaga niya ay nakalaan sa pagtuturo. Isa siyang tutor sa apat na mga bata na magkakaiba ang grade level. Malaki ang bayad ng mga magulang kaya tinanggap niya.
Sa gabi naman, ipagpapatuloy niya ang online selling.
Hindi rin siya nababakante sa Linggo. Matapos makapagsimba, tumutulong naman siya pag-gawa ng leche flan na itinitinda ng kaniyang kapatid na si Mariz.
Ang gabi naman, online selling pa rin.
“Napakasipag mo naman talaga, friend. Aba magpahinga ka naman at baka magkasakit ka! Baka magulat na lang ako isang araw at mas mayaman ka na kay Bill Gates ha?” biro sa kaniya ng kaibigang si Alexa nang minsang ihatid niya ang binili nitong leche flan.
“Alam mo namang hindi uso sa akin ang pahinga. Hindi pahinga sa akin ang pagtulog sa umaga o tanghaling-tapat, o kaya kapag walang ginagawa. Ang tawag ko roon ay pagsasayang ng oras,” sagot ni Judith.
“Sabagay, sabi mo nga. Pero sana magpahinga ka rin kasi mahirap magkasakit. Baka mamaya lahat ng ipon mo mapunta lang sa pagpapaospital at gamot,” paalala ni Alexa sa kaibigan.
“Huwag kang mag-alala, kahit minsan madaling-araw na, natutulog pa rin naman ako. Umiinom din ako ng bitamina ko at kumakain ng prutas at gulay. Mabuti nga at wala akong jowa dahil sakit lang sa ulo iyan,” sabi naman ni Judith.
“Basta tatandaan mo, lahat ng sobra ay masama. Maghinay-hinay ka rin. Friendly reminder lang naman ito. Meron kasi akong napanood na foreign film, nagtrabaho lang siya nang nagtrabaho, hindi niya ginalaw ang suweldo niya. Kung kukuha man siya, kurot lang,” kuwento ni Alexa.
Sa pagpapatuloy ni Alexa, “Tapos isang araw, nagkasakit siya. Nalaman niya sa doktor na may taning na pala ang buhay niya. Sabi niya, walang problema dahil may pera siya. Saka niya lang nalaman na milyon na pala ang laman ng bank account niya. So yung pera niya, nasayang lang sa pinampagamot niya. Ang punto ko lang dito, enjoy mo lang ang bawat araw na dumaraan. Baka mauwi rin sa wala ang iyong mga pinaghihirapan.”
Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Judith. Umuukilkil sa isip niya ang mga sinabi ng kaibigan.
Bakit nga ba kayod-kalabaw siya?
Ayaw na niyang maranasang mag-ulan ng ‘de-sabog’ o asin dahil wala silang pambili ng pagkain, noong bata pa siya.
Ayaw na niyang sugurin ng kasera ng kanilang inuupahan dahil hindi pa sila makabayad ng renta nila. Ipinahihiya sila sa mga kapitbahay na para bang isang napakalaking pagkakasala ang kanilang ginawa.
Ayaw na niyang maghirap sila. Hindi na niya kakayanin.
Ngunit isang araw, binawian na siya ng kaniyang katawan. Nagkasakit siya nang malala. Lagnat, ubo, sipon, pananakit ng katawan, kawalan ng ganang kumain.
Nang lumabas ang resulta ng kaniyang lab test, may pneumonia siya. Kinailangan niyang magpahinga upang gumaling.
Mabuti na lamang at may ipon siya. Hindi na siya namroblema at kaniyang ina sa gastusin para sa ospital, lab test, at mga gamot. Makalipas ang halos isang buwan ay saka pa lamang siya gumaling. Gumugol pa siya ng dalawang linggo para sa pahinga.
Habang siya ay nagpapagaling nang husto, marami siyang bagay na napagtanto. Kausap niya ngayon sa video call si Alexa.
“Mabuti naman friend at maayos ka na. Nagpapasalamat ako sa Diyos at dininig niya ang panalangin ko,” naiiyak na sabi ni Alexa.
“Friend, salamat ah, alam mo tama ka. Tama ka sa mga paalala mo sa akin. Aanhin ko nga ang maraming pera kung mauubos din ito sa pagpapagamot dahil sa sakit? Tama ka. Dapat maghinay-hinay at huwag abusuhin ang katawan,” paliwanag ni Judith.
Simula noon ay naghinay-hinay na nga sa subsob na pagtatrabaho si Judith, bagama’t hindi pa rin siya huminto sa kaniyang trabaho sa opisina, binawasan na lamang niya ang iba pa niyang mga ginagawa upang ilaan ang oras sa pamamahinga.
Napatunayan niya ang kasabihang ang kalusugan ay tunay na kayamanan!