Tinulungan ng Mayamang Lalaki ang Dalagitang Hindi Kaano-Ano; Sa Paglipas ng Panahon ay Labis-Labis ang Ibabalik Nito sa Kanya

Pagtitinda ng mga prutas ang ikinabubuhay ng pamilya ni Aiza ngunit nang mabaldado ang ama dahil sa stroke at nagkaroon ng sakit sa bato ang ina ay mag-isang pinasan ng dalagita ang paghahanap-buhay para sa mga magulang.

Bilang panganay ay siya rin ang nag-aalaga sa kanyang dalawang nakababatang kapatid. Huminto na nga siya sa pag-aaral upang mas lalong tumutok sa pagtatrabaho. Kailangan niyang kumita ng pera para sa kanyang pamilya.

“Bili na kayo ng sariwang prutas. Meron akong hinog na mangga, saging, pinya at iba pa. Bili na kayo mga suki!” araw-araw niyang litanya habang nagtitinda sa tabi ng simbahan.

Isa sa mga masugid niyang kustomer ay si Don Mauro na mahilig mamakyaw ng mga paninda niyang prutas. Kahit ubod ng yaman ang may edad na lalaki ay napaka-simple nitong tao. Hindi ito gumagamit ng kotse kapag umaalis ng bahay at pumupunta sa kung saan. Sumasakay ito sa pampublikong sasakyan o naglalakad kapag malapit lang ang pupuntahan. Hindi rin mahilig na magsuot ng mamahaling damit ang don na mas gustong magsuot ng payak na kasuotan. Kagaya sa araw na iyon ay naisipan nitong magsimba, malapit lang kasi ang tinitirhan nitong mansyon sa simbahan kung saan sa tabi niyon ay naroon ang munting puwesto ni Aiza.

“Naku, magandang umaga po, Don Mauro. Sariwang-sariwa ang mga prutas ko ngayon. Marami po akong manggang hinog na tinda na paborito niyo,” masayang bati ng dalagita.

“Magandang umaga rin, hija. Alam na alam mo talaga ang paborito ko ha? Sige, ipagbalot mo ako, bigyan mo ako ng limang kilo ng manggang hinog at limang kilo ng mansanas,” nakangiting sabi ng lalaki.

Mabilis na inilagay ni Aiza sa supot ang mga inorder ng mayaman niyang kustomer at iniabot dito. Nagulat ang dalagita sa laki ng ibinayad sa kanya ni Don Mauro.

“Teka po, Don Mauro, sobrang laking halaga naman po ng ibinigay niyo sa akin. Wala pa po akong isusukli sa inyo. Kayo nga po ang buena mano ko, eh,” sabi niya.

Advertisement

“Keep the change, hija. Sa iyo na ang sukli. Tulong ko na iyan sa iyo,” sagot ng lalaki.

“P-pero, palagi na lang pong ganito ang ginagawa niyo. Sa tuwing bibili kayo sa akin ng mga prutas ay hindi kayo nagpapasukli.”

“Alam ko ang pinagdadaanan mo sa buong araw na pagtitinda mo rito, hija. Galing din ako sa hirap kaya alam ko ang nararamdaman mo at ng iba pang mga nagtitinda rito,” tugon ni Don Mauro.

Nagmula rin sa mahirap na pamilya ang lalaki na nagsumikap at nagtiyaga hanggang sa umangat ang estado at naging pinakamayaman sa kanilang lugar. Tindero at tindera sa palengke ang mga magulang ni Don Mauro ngunit nang pumanaw ang mga ito ay naiwan siyang mag-isa. Sa kabila ng pangungulila at hirap ng buhay ay tiniis niya ang lahat at nagsikap. Naging iskolar at nang makapagtapos sa kolehiyo ay ginamit ang angking talino sa pagnenegosyo kaya umunlad ang itinayong pagawaan ng tela na nagluklok sa kanya bilang isa sa pinakamatagumpay na negosyante.

Laking pasasalamat ni Aiza dahil nakilala niya ang kagaya ni Don Mauro na may pagpapahalaga sa mga tulad niyang mahirap.

Isang gabi, sinubok ng pagkakataon ang pamilya ni Aiza nang magkaroon ng sunog sa maliit na kalye kung saan nakatirik ang maliit nilang barung-barong. Sa kasamaang palad ay napasama sa mga natupok ng apoy ang bahay nila. Mabuti na lamang at nakaligtas sila sa kapahamakan. Namomroblema sila kung saan sila titira gayong naabo na ang barung-barong nila at wala man lang silang nailigtas na mga gamit. Akala nga nila ay sa kalsada na sila pupulutin dahil wala rin naman silang sapat na pera para magpagawa ng bagong tirahan. Ngunit nang malaman ni Don Mauro ang nangyari sa kanila ay ‘di ito nagdalawang isip na tumulong. Pinatira ang mga ito sa mansyon. Dahil mag-isa lang naman ang mabait na Don sa malaking bahay ay natuwa pa nga ito na roon sila pansamantalang manunuluyan.

“Sobra-sobra naman po itong tulong na ibinigay niyo sa amin, Don Mauro. Ayos lang po sa amin kung sa bodega o sa kuwarto ng mga kasambahay niyo kami tumuloy. Nakakahiya naman po na dito sa magandang kuwarto na ito pa kami mamalagi,” nahihiyang sabi ni Aiza nang makitang sa malaking guest room sila pinatuloy ng lalaki.

“Hindi ako makakapayag na sa bodega kayo titira. Ang totoo’y wala namang maids’ quarters dito sa bahay ko. Ang mga kasambahay ko’y sa mga kuwarto rin dito sa itaas natutulog. Maraming kuwarto rito kaya kung gusto ninyo ay may kanya-kanya kayong kuwarto,” tugon ni Don Mauro.

Advertisement

Nanlaki ang mga mata ng pamilya ni Aiza, pati na rin ang dalagita sa sinabi ng lalaki.

“Naku po, okay na po kami rito, Don Mauro. Sa laki ng kuwartong ito ay parang nakatira na kami sa isang bahay. Huwag po kayong mag-alala, hindi po kami magiging pabigat sa inyo, magtatrabaho po kaming magkakapatid dito sa mansyon para sulit po ang pagtulong niyo sa amin,” sabi ng dalagita.

Umiling ang lalaki.

“Hindi niyo na dapat gawin iyon. Gusto kong maging maayos at kumportable ang pagtira ninyo rito. Hindi niyo kailangang magtrabaho rito sa bahay. Ang gusto ko’y ipagpatuloy ninyong magkakapatid ang pag-aaral upang balang araw ay kayo naman ang magkaoon ng magandang buhay para sa inyong mga magulang. Kung gusto mong ituloy ang pagtitinda ng prutas ay hindi kita pipigilan basta huwag niyo lang pababayaan ang pag-aaral. Ako ang bahala sa lahat, pag-aaralin ko kayong magkakapatid. Ako rin ang tutustos sa mga pangangailangan ng nanay at tatay ninyo habang narito kayo sa aking poder,” sagot ni Don Mauro.

Napaluha ang nanay at tatay ni Aiza, pati na rin siya sa tinuran ng kausap.

“Napakabuti niyo po, Don Mauro. Ba-bakit niyo po ito ginagawa? Hindi niyo naman po kami kaano-ano at lubos na kilala, pero labis-labis po ang pagtulong niyo sa amin,” naiiyak na sabi ni Aiza.

“Dahil nakikita ko ang sarili ko sa iyo, hija. Ganyan din ako noon, nagpupursige kahit mahirap ang buhay kaya gusto kitang tulungan,” sambit ng lalaki.

Mula sa araw na iyon ay hindi nagsayang ng oras si Aiza. Kahit itinuloy niya ang pagtitinda ng prutas ay sinikap niyang makatapos sa pag-aaral hanggang sa naka-gradweyt siya sa kolehiyo sa kursong medisina. Iginapang ni Aiza ang pag-aaral dahil malaki ang utang na loob niya kay Don Mauro na nagpapa-aral sa kanilang magkakapatid. Hanggang sa lumabas ang resulta ng board exam at laking tuwa niya nang mapasama ang pangalan niya sa top 10 na nakakuha ng mataas na marka. Hindi lamang sa karerang iyon nagtagumpay ang dalaga, dahil ang negosyo niyang pagtitinda ng prutas ay lumago. Mga malalaking establisyemento na ang umoorder sa kanya hanggang sa nakapagpatayo siya ng sarili niyang maliit na kumpanya

Advertisement

Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga magulang at ni Don Mauro ay tuwang-tuwa ang mga ito.

“Binabati ka namin, anak. Ipinagmamalaki ka namin,” masayang sabi ng nanay at tatay niya.

“Maligaya ako sa narating mong ito, hija. Isa ka ng ganap na doktora at isa na ring may-ari ng sarili mong kumpanya,” nakangiting wika ni Don Mauro na halata na sa hitsura ang katandaan.

“Iniaalay ko po ang lahat ng ito sa aking pamilya at sa inyo, Don Mauro dahil sa walang sawa niyong pagtulong sa amin,” sagot ni Aiza na ‘di napilang maluha sa sobrang saya.

Sa kabila ng magandang nangyayari kay Aiza ay kabaligtaran naman kay Don Mauro dahil nalaman niya na nalulugi na ang kanyang kumpanya dahil isa sa mga pinagkakatiwalaan niyang tauhan ay nagawa siyang pagnakawan. Wala siyang kamalay-malay na nalimas na ang lahat ng pera niya sa bangko pati na rin ang negosyo niyang matagal na pinaghirapan ay palugi na dahil sa gahaman niyang tauhan. Masyado kasi siyang nagtiwala at naging mabait kaya kahit mga importanteng bagay sa negosyo niya at kaperahan ay alam ng ganid niyang tauhan. Huli na nang matuklasan niya ang ginawa nito kaya sa sobrang sama ng loob ay inatake siya sa puso at isinugod sa ospital.

Sa pagamutan kung saan naroon si Aiza dinala ang matanda. Agad na inasikaso ng dalaga ang mabait na don. Napa-iyak pa nga siya nang malaman ang nangyari rito. Siya mismo ang tumingin at nagsagawa ng operasyon sa maselang kalagayan ni Don Mauro. Naging matagumpay naman ang operasyon at mabilis din itong gumaling. Sa husay ba naman ni Dra. Aiza San Juan ay imposibleng hindi mailigtas ang buhay nito.

Sobra-sobra ang pasasalamat ni Don Mauro sa dalaga.

“Utang ko sa iyo ang buhay ko, hija. Maraming salamat sa pagliligtas sa akin,” sabi ng lalaki.

Advertisement

“Kulang pa po iyan sa lahat ng naitulong niyo sa amin, Don Mauro. Hinding-hindi ko kailanman makakalimutan ang mga nagawa niyo sa akin at sa aking pamilya. Tunay na ama na rin po ang turing ko sa inyo at miyembro na kayo ng aming pamilya kaya hindi ko po kayo papabayaan. Alam ko na po ang nangyari sa inyong kumpanya, huwag kayong mag-alala, may kilala po akong magaling na abogado. Tutulungan ko kayong mabawi ang mga nawala sa inyo,” hayag ng dalaga.

Tumulo ang luha sa mga mata ni Don Mauro. Masayang-masaya siya dahil hindi siya nagkamaling tulungan noon ang dalaga. Hindi binago ng tagumpay ang malinis na puso ni Aiza.

Mabilis na nabawi ng matanda ang mga ninakaw sa kanya ng manloloko niyang tauhan sa tulong ni Aiza. Ang paluging negosyo ni Don Mauro ay naisalba rin. Agad ding pinagbayaran ng salarin ang ginawa nito sa kulungan.

Sa kasalukuyan ay masaya pa rin silang namumuhay sa iisang bahay. Kahit baldado na ang ama ay maayos pa rin ang lagay nito, ang ina naman ni Aiza ay gumaling sa sakit nito sa bato. Nakapagtapos na rin sa pag-aaral ang dalawa niyang kapatid at may kanya-kanya na ring mga trabaho. Si Don Mauro na uugod-ugod na ay inaalagaan din ng dalaga. Walang kaalam-alam si Aiza na naihanda na nito ang mga testamento na kapag dumating ang araw na pumanaw ito’y sa kanya iiwan ng matanda ang lahat ng yaman, ang mansyon at ang kumpanya nito.

Nais ipahatid ng kuwentong ito na ang pagtulong sa taong nangangailangan ay tiyak na babalik ng higit pa sa inaasahan. Laging tandaan na ang paggawa ng kabutihan sa kapwa ay palaging may katumbas na biyaya.