
Walang Oras ang Lalaki sa Nobya at Maging sa Araw ng Kasal Nila ay Ipinagpalit pa Ito sa Ibang Bagay; Laking Panlulumo Niya sa Iginanti Nito
Nang muling magtagpo sina Amir at Josephine ay simula na ng kanilang pagtutuos.
“Bakit mo ginawa ito sa akin? Alam mong minahal kita at inakala kong mahal mo rin ako. Bakit nangyari ang gayon? Bakit sa dinami-dami ng lalaki sa mundo’y ang kapatid ko pang si Uriel?” sunud-sunod na tanong ng lalaki na nagpupuyos ang damdamin.
Saglit na katahimikan bago nakasagot si Josephine.
“Minahal kita, Amir, alam ng Diyos kung gaano kita kamahal ngunit sa mga sandaling kailangan kita, nasaan ka? Sa mga panahong hinahanap ko ang pagmamahal mo, nasaan ka? Palagi kang maraming dahilan, maraming palusot,” naluluhang sagot ng babae.
Muling nanariwa sa kanya ang lahat.
Halos tatlong taon na ang nakakalipas, silang dalawa ni Amir ay magkasintahan. Mahal na mahal nila ang isa’t isa, ang akala nga nila ay walang makakapaghiwalay sa kanila ngunit sadyang abala si Amir sa trabaho bilang Bise Presidente ng kumpanya.
“A-ano? Hindi matutuloy ang outing natin sa Ilocos sa darating na Sabado? P-pero, Amir, ikaw ang nagplano at nag-set niyon,” wika ni Josephine habang kausap ang nobyo sa telepono.
“Sorry na, babe, ‘di ko kasi ini-expect ang biglaang board meeting namin sa Sabado. I-iskedyul na lamang natin sa ibang araw ang outing natin ha?” sagot ni Amir sa kabilang linya.
Naiintindihan naman ni Josephine na sobrang busy ng nobyo niya ngunit sayang lang dahil ang araw kung kailan sana sila magbabakasyon ay ang mismong araw ng anibersaryo nila bilang magkasintahan.
Kinaumagahan, nang isinama siya ng lalaki sa restawran ay ‘di niya inasahan na kahit na sa simpleng araw na iyon ay hindi pa rin ito makapaglaan ng oras sa kanya.
“You mean, pagkakain natin, ihahatid mo na ako agad sa bahay? Akala ko ba ay manonood pa tayo ng sine?” gulat niyang tanong.
“Gusto ko nga rin sana, eh, pero may appointment pa ako mamaya sa isa sa mga major clients ng kumpanya,” tugon ni Amir na halatang nagmamadaling kumain.
Ngunit kahit ganoon ang nobyo ay patuloy pa rin itong inuunawa ni Josephine. Nangako naman ito na sa susunod na araw ay mamamasyal sila sa mall at pupunta sa club kaya pinaghandaan niya ang isusuot doon.
“Magustuhan kaya ni Amir itong damit na binili ko? Alam ko kasing paborito niya ang kulay asul kaya ito ang pinili kong kulay nitong blusa. Tiyak kong mas lalo siyang mai-inlab sa sa akin. P-pero teka, bakit wala pa siya? Sinabi niyang maaga akong susunduin dito sa bahay,” sambit niya sa isip.
Kinabahan siya at ‘di maiwasang mag-alala.
“Ibig bang sabihin nito’y postpone na naman ang lakad namin? Palagi na lamang bang ganito? Gaano ba siya ka-busy para hindi na naman ako siputin?”
Maya-maya ay may narinig siyang sasakyan na huminto sa tapat ng bahay niya. Nabuhayan siya ng loob.
“Narito na siya! Akala ko’y hindi na siya darating,” wika pa ni Josephine sa sarili ngunit ikinabigla niya na hindi lang pala ang nobyo ang dumating, mayroon itong ibang kasama.
“Good evening, babe. Sorry na-late kami. Meet Uriel, my younger brother. Uriel, si Josephine ang future sister in law mo,” bungad ng nobyo.
Malugod naman niyang kinamayan ang lalaki na napansin niyang guwapo rin at matipuno gaya ng nobyo niyang si Amir. Ang akala niya ay ipinakilala lang nito sa kanya ang kapatid ngunit ang pagsama nito sa bahay niya ay may iba palang dahilan.
“Isinama ko siya rito para makasama mo sa pamamasyal sa mall at sa club. Hindi kasi ako available ngayon, babe. May importante akong pupuntahang meeting sa Laguna. May mga kakausapin akong bagong investor kaya itong si Uriel muna ang bahala sa iyo. Huwag kang mag-alala, gentleman at mapagkakatiwalaan ang kapatid kong ito,” saad pa ni Amir.
Sa pagsama ni Uriel kay Josephine ay hindi napigilan ng babae na ihinga ang mga sama ng loob nito kay Amir.
“Pagod na ako na palagi na lang siyang walang oras sa akin. Parang hindi niya ako nobya sa mga ginagawa niya,” himutok ni Josephine.
“Try to understand, Josephine. Kuya Amir is a busy man, talagang madalas ay kulang ang panahon niya sa maraming bagay. Mabigat ang responsibilidad niya bilang Bise Presidente ng aming kumpanya. Sinasanay na kasi siya ni papa dahil siya ang future CEO. Sa dami ng mga commitments niya, kung minsan, pati kanyang sarili ay napapabayaan na niya,” tugon ng lalaki.
Sa sinabing iyon ni Uriel ay binigyan pa rin niya ng pagkakataon si Amir sa kanilang relasyon dahil mahal niya ito at naiintindihan niya na ginagawa iyon ng nobyo para rin naman sa kinabukasan nila.
Mas lalong tumibay ang pag-asa niya at laking tuwa pa nang si Amir mismo ang nagyaya sa kanya ng kasal.
“Sa lalong madaling panahon ay isasaayos at aasikasuhin na natin ang lahat para sa ating kasal, babe,” wika ng lalaki na binigyan na rin siya ng engagement ring.
“Oh, Amir, napakasaya ko!” tangi niyang nasambit sa sobrang kaligayahan.
Lalo siyang nagalak nang…
“Guess what, babe? Meron na tayong marriage license, ready na ang simbahan kung saan tayo ikakasal, naabisuhan ko na rin ang ating mga sponsors, naibigay na rin ang mga invitations, ayos na ang reception at iba pa,” masayang balita sa kanya ni Amir na excited na sa kasal nila.
“Wow, wedding ceremony na lang talaga ang kulang,” aniya.
Ngunit ang kasiyahang iyon ni Josephine ay biglang naglaho nang…
“Sorry, babe, postpone ang kasal natin. Hindi ko gustong mangyari ito pero hinihingi ng pagkakataon,” bagsak ang balikat na sabi ng nobyo sa kanya.
“W-What? P-pero b-bakit?”
“Hindi ko maaaring pakawalan ang biglaang dumating na oportunidad. Ipapadala ako ni papa sa Amerika para pamahaalan ang bagong branch ng aming kumpanya roon. Bukod du’n ay may mga kakausapin pa akong foreign investors na malaki ang maitutulong sa paglago ng aming kumpanya. Malaking pera ang maipapasok niyon sa amin. Pero huwag kang mag-alala, pansamantala lang naman akong mawawala, hindi rin naman ako magtatagal doon. Sa ngayon ay si Uriel naman ang sinasanay ni papa para siya ang mamahala ng branch namin sa Amerika. Kapag ready na ang kapatid ko’y babalik ako rito para pumalit kay papa bilang CEO sa kumpanya at siya naman ang pupunta roon. Habang wala ako ay si Uriel muna ang bahala sa iyo, inihabilin na kita sa kanya,” paliwanag nito.
“P-pero kelan matutuloy ang kasal natin? Gaano katagal akong maghihintay?”
“Dalawang taon lang, babe. Sa bilis ng panahon ngayon, parang dalawang buwan lang ‘yon. Pagbalik ko’y itutuloy na natin ang kasal, promise!”
At muling bumalik sa kasalukuyan ang gunita ni Josephine. Ang pangakong dalawang taon ay naging tatlong taong paghihintay ngunit sa pagbabalik ni Amir sa buhay niya ay marami na ang nagbago, isa na ang pintig ng kanyang puso.
“Ang ipinangako mong dalawang taon ay napako, Amir. Ang tatlong taon ay hindi naging madali para sa akin. Iyon ay isang mahaba at kainip-inip na paghihintay. Kung tinupad mo lang ang pangako mo na babalik ka pagkalipas ng dalawang taon ay baka sakaling may pag-asa pa ang relasyon natin subalit hindi mo tinupad iyon,” sabi niya sa lalaki.
“Sorry, hindi ako agad nakabalik dahil naging abala ako sa paghahanap ng iba pang investors sa aming kumpanya at…”
Hindi na pinatapos pang magsalita ni Josephine si Amir.
“Tama na, Amir. Huwag mo nang idahilan ang tungkol diyan dahil matagal ko nang tinanggap sa sarili ko na mas mahalaga sa iyo ang propesyon mo at oportunidad. Mas nangingibabaw sa akin ngayon ang katotohanang mas mahal mo ang inyong kumpanya kaysa sa akin. Mas may importansya sa iyo ang salapi,” sumbat niya rito.
Natigilan si Amir. Gusto niyang lumubog sa kinatatayuan dahil totoo ang lahat ng sinabi ni Josephine. Mas naging mahalaga sa kanya ang negosyo ng kanilang pamilya at nakalimutan niya na may naghihintay na nobya sa kanya.
“Sa mga sandaling kailangan kita, wala ka. Madalas na mangyari ang ganoon, Amir. At sa mga sandaling wala ka, ang gumanap ng papel mo sa puso ko ay ang kapatid mong si Uriel. Hindi namin namalayan na nahulog na ang mga damdamin namin sa isa’t isa. Ibang-iba ang kapatid mo kaysa sa iyo. Iba siyang magmahal. Halos buong panahon niya ay kaya niyang ibigay sa akin, pati kanyang buong puso at kaluluwa. Dahil sa iyong pagpapabaya ay pinunan niya ang mga panahon na ikaw dapat ang kasama ko’t karamay. Kaya walang dapat na sisihin kundi ikaw, ikaw ang may kasalanan kung bakit napalitan ka ni Uriel sa puso ko,” patuloy niyang sumbat.
Parang lantang gulay na napaupo na lamang si Amir sa isang tabi at ‘di napigilang mapa-iyak. Sinisisi niya ang sarili dahil nawalan siya ng panahon kay Josephine. Kung maibabalik lang niya ang oras ay ibibigay na niya ang lahat ng panahon niya rito, pero huli na ang lahat.
“Sorry, pero hanggang dito na lang tayo. Nga pala, ang na-postpone nating kasal noon ay kami na ni Uriel ang magtutuloy. Congratulate him and wish me luck. Mahal kita, Amir ngunit bilang kaibigan na lamang at bilang future brother in law,” saad pa ni Josephine bago tuluyang nagpaalam sa dating kasintahan.
Hindi rin naman masisisi si Josephine dahil napagod ang puso niya sa paghihintay sa pangakong hindi naman tinupad ni Amir kaya gayon na lang ang hinanakit niya, pero sa tulong naman ng kapatid nitong si Uriel ay nagkaroon ulit siya ng tiwala na muling umibig.
Samantala, dahil sa nangyari ay natuto na si Amir na pahalagahan ang mga taong nagmamahal sa kanya. Ang pagkawala ng babaeng napupusuan niya ay ang matinding leksyong iginawad sa kanya.

Tinulungan ng Mayamang Lalaki ang Dalagitang Hindi Kaano-Ano; Sa Paglipas ng Panahon ay Labis-Labis ang Ibabalik Nito sa Kanya
