Binigyan ng Mayamang Don ang Dalawa Niyang Apo ng Pera at Inutusang Ubusin Iyon sa Loob ng Isang Linggo; Pagsubok pala Iyon para sa Susunod na Heredero

Ipinatawag ni Don Flavio—isang negosyanteng ubod ng yaman—ang dalawa nitong apo para isalang sa isang pagsubok na magsasabi sa kaniya kung sino ang nararapat bilang kaniyang susunod na heredero. Tutal ay ilang buwan na lamang at pareho nang matatapos ng kolehiyo ang magpinsan, siguro ay oras na rin para siya ay magretiro ay ipasa sa isa sa kanila ang kaniyang mga ari-arian. Ipinahanda na niya sa kaniyang abogado ang lahat ng kailangan para doon na mabilis naman nitong tinalima.

“Bibigyan ko kayong pareho ng tiglimang milyon at gusto kong ubusin n’yo iyon sa loob lang ng dalawang linggo. Kayo ang bahala kung saan n’yo gagamitin ang pera, ngunit hindi ninyo ito maaaring itago sa bangko,” turan ni Don Flavio sa dalawang binatang sina Frank at Ferdie na nang mga sandaling iyon ay halata ang pagtataka sa mukha.

“Para saan po ito, lolo?” tanong ng isa sa kanila, si Ferdie na sinagot lamang ng Don sa pamamagitan ng isang kibit-balikat. Si Frank naman ay walang pakialam dahil ngayon pa lang ay iniisip niya na kung saan niya gagastusin ang pera. Wala siyang pakialam kung para saan ito, dahil katuwiran niya’y hindi magandang tumanggi sa biyaya.

Matapos iabot sa kanila ng abogado ng kanilang lolo ang bag na may lamang tumataginting na tiglimang milyong salapi ay pinahayo na sila ng Don dahil anito ay ngayon ang simula ng kanilang pagsubok.

Sumakay sa magkahiwalay na kotse ang dalawa. Si Frank ay dumiretso agad sa casino dahil alam niyang dito niya mabilis na mauubos ang perang ibinigay ng kaniyang lolo. Habang si Ferdie naman ay malalim na nag-isip kung papaano gagastusin sa mas maayos na paraan ang perang ’yon.

Matagal nang inaasam ni Ferdie na makabili ng bahay at lupa, hindi para sa kaniyang sarili kundi para sa kaniyang Yaya Anita na siyang nag-alaga sa kaniya simula pagkabata, at tila ito na ang pagkakataon niya upang tuparin ’yon. Naglaan siya ng mahigit isang milyon upang sa isang pitik ay mabili niya ang inaasam na bahay at lupa para dito na noon ay ipinangako niyang pag-iipunan niya oras na siya ay magkatrabaho na.

Bukod doon, noon pa man ay madalas nang tulungan ni Ferdie ang mga batang lansangan na palaging nagpapaturo sa kaniya kung paano bumasa sa tuwing iistambay sila ng kaniyang mga kaibigan sa plaza. Naisipan niyang maglaan din ng pera para sa mga ito upang sila ay makapag-aral. Nagbayad ng tao si Ferdie upang mabilis na matapos ang proseso n’on kaya naman naging napakasaya ng mga bata sa kaniyang balitang maaari na silang pumasok sa susunod na pasukan! Handa na ang kanilang uniporme at mga gamit pang eskuwela na talaga namang lalong nagpasabik sa mga ito!

Naisipan ni Ferdie na maglaan din ng pera sa pagbili ng isang negosyong palugi na upang ito ay muling umpisahan at pagyamanin. Dahil may pera, sa loob lang ng tatlong araw ay natapos na agad niya ang kaniyang nais gawin. Ang huling dalawang araw ay inilaan niya sa pagha-hire ng mga taong nangangailangan ng trabaho kabilang na ang anak ni Yaya Anita at ang mga ama ng mga batang tinulungan niya. Ang natitirang pera ay inilaan niya naman para sa paunang sweldo ng kaniyang mga tauhan na tuwang-tuwa naman sa kaniyang kabutihan!

Advertisement

Samantala, si Frank naman ay ‘proud’ pa sa kaniyang sarili dahil dalawang araw pa lang ay nagasta na niya ang lahat ng perang ibinigay ng kaniyang lolo. Inilaan niya iyon lahat sa pagsusugal at ngayon ay wala nang natitira sa kaniya ni piso!

Sa muli nilang pagharap sa kanilang lolo ay pawang masaya ang dalawang binata dahil pareho na nilang natapos ang utos ng kanilang lolo. Ngunit hindi nila akalain ang susunod na sasabihin nito…

“Nakita ko kung paano n’yo parehong sinunod ang utos ko na akin namang ikinatutuwa, ngunit ngayon ay alam ko na kung kanino ko ipamamana ang lahat ng ang aking mga ari-arian. Nakita ko na kung sino sa inyong dalawa ang mangangalaga nito at gagamitin ito sa mabuti, hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi pati sa ibang tao, at iyon ay walang iba kundi si Ferdie.”

Halos manlumo si Frank sa narinig at sinubukang magprotesta sa kaniyang lolo na siya raw ang mas matanda kaya siya ang mas may karapatang maging heredero, ngunit isang sampal ng katotohanan ang sinabi sa kaniya ng kaniyang lolo.

“Ikaw nga ang mas matanda ngunit ikaw ang hindi nag-isip ng tama. Nilustay mo ang pera sa walang katuturan na para bang isang batang paslit na kailangan pa ng gabay upang makagawa ng maayos na desisyon.”

Napaisip si Frank sa sinabi ng kaniyang lolo at pinagkumpara ang ginawa nila ng kaniyang nakababatang pinsan, doon ay napagtanto niyang tama ito na siyang naging dahilan upang matanggap niya ang kaniyang pagkatalo. Simula noon ay natuto si Frank na magpakumbaba sa kaniyang nakababatang pinsan at matuto rito ng mas maayos na pagdedesisyon sa buhay.

Dahil sa pagbabagong nakita ni Ferdie sa kaniyang Kuya Frank ay napagdesisyonan niyang hatian na lang ito sa mana mula sa kaniyang lolo. Dahil ngayon ay alam niyang ’tulad niya ay karapat-dapat na rin ito.