
Bugbog Sarado Ni Misis Si Mister!
Uso sa pandinig natin ang chismis na binubugbog ni mister ang kaniyang misis at talagang nakakagigil ang ganitong balita. Pero paano naman kung kabaliktaran ang mangyayari? Si mister ang bugbog sarado ni misis. Ano ang iyong dapat maramdaman?
Si Erwin bente singko anyos habang ang asawa niyang si Belen ay bente tres anyos. Maayos naman ang pagsasama nila hanggang sa bigla itong gumulo nung naging kapitbahay nila si Jean.
Maganda si Jean, sexy at flawless ang daming lalaking kapitbahay nila ang nagpapantasiya dito. Ngunit hindi siya kabilang sa mga iyon. Ngunit hindi iyon pinapaniwalaan ng misis niyang si Belen, dahil selos na selos ito sa babae. Kabit daw niya si Jean!
“Nakita kita kanina, Erwin, nung dumaan si Jean lumaki ang mga mata mo at para kang asong naglaway sa ganda niya!” singhal nito kay Erwin.
“Sa isip mo lang iyan, Belen. Buti ka pa nga alam mo na naglaway ako nung dumaan si Jean, pero ako sa sarili ko hindi ko alam,” saad ni Erwin.
“Kasi totoo naman ang sinasabi ko!” wika ni Belen sabay hampas sa kaniya ng sandok na hawak nito.
“Aray naman, Belen! Andiyan ka na naman ah, nananakit ka na naman kahit wala akong ginagawang masama sa’yo,” naiinis na wika ni Erwin.
Nasobrahan na sa pagkaselosa ang asawa niya mula ng lumipat si Jean katabi sa bahay nila. Kahit nagtatanong lang si Jean ay iba na ang nasa isip ni Belen. Sinasabi nitong baka magho-hotel silang dalawa ng babae, na napaka-imposibleng mangyari. Hindi pa naman siya nasisiraan ng bait. Kasal sila ni Belen at hindi niya naisip na lokohin ito dahil mahal niya ang asawa.
“Anong pinag-usapan niyo kanina ni Jean?” tanong nito sabay kurot sa kaniyang tagiliran.
“Aray! Sumosobra ka na ah,” wika ni Erwin sa asawa.
“Aminin mo na kasing may relasyon kayo ng babaeng iyon!” galit na wika ni Belen.
“Ano bang aaminin ko, Belen?” naguguluhang tanong ni Erwin.
“Na may relasiyon talaga kayo ni Jean!” sagot nito.
“Oo na! Sige na! Aaminin ko na! Iyan ang gusto mo ‘di ba? Kaya manahimik ka na! Nakakabanas na ang pagiging selosa mong wala sa lugar,” inis na wika ni Erwin. Hindi na nagsalita si Belen pero ang sumunod na ginawa nito ang labis na nagpagulat sa kaniya. Ibinato nito sa kaniya ang maliit na upuang kahoy kaya tumama ito sa may kilay niya at agad lumabas ang dugo.
Natauhan naman ang babae at panay ang hingi sa kaniya ng tawad. Handa siyang patawarin ang babae, dahil kasal sila at asawa niya ito. Kahit lagi siyang sinasaktan ng asawa ay wala sa isip niya ang gumanti. Minsan sa grabing pagseselos ni Belen ay na sisipa siya nito at nasusuntok.
Minsan nababatukan sa ulo at kahit saan. Pero nasagad na siya ng ibinuhos ni Belen sa kaniya ang laman ng takuring kakakulo pa lang. Tumama iyon sa kaniyang braso at dibdib, buti hindi natamaan ang kaniyang mukha. Agad niyang pinabaranggay ang asawa.
“Kap, ayoko na po sa asawa ko. Hindi ko na siya kilala. Sobra na ang ginagawa niyang pananakit sa’kin at mukhang nais na niya akong patayin katulad na lang ngayon na binuhusan niya ako ng mainit na tubig sa katawan,” paliwanag ni Erwin.
“Bagay lang iyan sa kaniya kap kasi isa siyang manloloko,” sagot naman ni Belen.
“Kailan kita niloko, Belen?” tanong ni Erwin.
“‘Di ba nga inamin mo sa’kin na may relasyon kayo ni Jean?!” saad pa nito.
“Dahil pinipilit mo akong umamin! Kaya para manahimik ka na umamin ako kahit hindi naman totoo! Pero ayoko na Belen, maghiwalay na tayo. Hayaan mo, hindi ko pababayaan ang anak natin, susuportahan ko sila dahil ako ang ama nila. Pero ayoko nang makasama ka. Natatakot na ako sa’yo, baka sa susunod hindi lang ito ang kaya mong gawin sa’kin. Baka lasunin mo na ako at pat*yin. Nagawa mo na akong saktan ng ganito kalala. Hindi kataka-takang gagawa ka pa ng higit pa rito. Kaya maghiwalay na tayo,” pinal na wika ni Erwin.
Nagkapirmahan sila sa Barangay at nagkasundong susuporatahan ni Erwin ang dalawa nilang anak. Panay ang hingi ng tawad ni Belen kay Erwin, pero ayaw na ni Erwin makipagbalikan sa asawa. Nasasagad ang tao at sagad na siya rito.
“Mahal kita Belen, kaya nga kita pinakasalan e. Pero wala kang tiwala sa’kin at masyado kang mapanakit. Mahal kita pero takot na akong makasama ka,” wika ni Erwin.
“Pangako babaguhin ko na ang sarili ko, Erwin. Titigilan ko na din ang kakaselos, basta huwag mo lamang akong iwan. Mahal na mahal din kita…” lumuluhang pahayag ni Belen.
Pinili ni Erwin na lumisan ng ilang linggo, ngunit matimbang talaga ang pagmamahal niya sa asawa. Binalikan niya ito. Pero sa pagkakataong ito, ginawa nilang sentro ng kanilang relasyon ang Diyos at pinagtibay pa ang pagmamahalan sa isa’t isa.
Laking pasasalamat ni Erwin dahil sa mga lumipas na panahon ay kita naman agad ang pagbabago sa ugali ni Belen. Di na ito mapanakit at hindi na rin ganoon kaselosa.
Minsan sa sobrang pagseselos at takot natin ay hindi maiwasang masaktan natin ng hindi sinasadya ang mga taong mahal natin. Makabubuting matutunan din natin muling magtiwala at umasa sa kapangyarihan ng pagmamahal.