Inday TrendingInday Trending
Ang Sabi Mo Pagkatiwalaan Kita

Ang Sabi Mo Pagkatiwalaan Kita

Dahil sa hirap ng buhay ay nakapag desisyon si Bobet na pumuntang Maynila upang mag-hanap ng trabaho. Lima ang anak nila ng kanyang asawa at parehong malalaki na. Isang koleheyo, tatlong highschool at ang isa ay nasa elementarya pa lang.

“Clara, mahirap na ang buhay natin. Hindi na natin pwedeng asahan ang kinikita sa tindahan. Kulang na kulang na talaga,” nahihirapang wika ni Bobet sa kaniya.

“Pero natatakot ako Bobet na kapag nagkahiwalay tayo ay baka matukso ka sa ibang babae,” malungkot naman niyang saad.

“Magtiwala ka lang sa’kin Clara,” wika nito.

Laging baon ng babae ang sinabi nitong magtiwala lamang siya sa asawa. Umalis si Bobet at naiwan sila ng kaniyang limang anak sa probinsya. Maayos ang naging takbo ng lahat. Masayang-masaya siya nang malaman na may trabaho na ang kaniyang asawa at natanggap ito bilang isang call center agent. Malaki ang sahod nito kada-buwan habang siya naman ay patuloy na nagtitinda upang kahit papaano ay may sarili siyang kinikita. Ngunit makalipas ang siyam na buwan ay biglang nagloko ang padala ni Bobet. Kung ang dating pinapadala nito ay diyes mil kada-buwan. Ngayon ay naging limang libo na lang iyon.

“Pasensya ka na talaga, Clara, kaunti na lang kasi ang natira sa sahod ko. Nagbayad ako ng bahay, tubig, kuryente at tsaka may utang pa ako sa trabaho ko,” paliwanag ni Bobet.

Inintindi niya ang bagay na iyon dahil alam niya ang hirap ng buhay sa Manila at hindi madali ang lahat para sa asawa. Lumipas pa ang maraming buwan at ang limang libo ay dahan-dahang bumaba at naging isang libo na lang.

“Bobet paano ko naman pagkakasiyahin ang isang libo? Alam mo naman kung ilan ang anak nating pinag-aaral ko. Ano ba ang pinag gagawa mo d’yan? Bakit ganito na lang ang pinapadala mo sa’min? Bakit ka pa lumayo kung wala din naman pa lang kwenta ang suportang binibigay mo. Baka mas mabuti pang umuwi ka na lang dito sa’tin,” naiinis na wika ni Clara sa asawa.

Sa labis na duda at hinala ay nagpaalam siya sa kaniyang mga anak na luluwas muna siyang Manila upang tignan kung ano ba talaga ang ginagawa ng asawa. Agad namang pumayag ang mga ito at nangakong hindi pababayan ang sarili sa panahong wala siya. Lumuwas nga siya at agad na pinuntahan ang sinasabing address na inuupahan ng asawa. Tatlong katok ang ginawa niya at maya-maya pa ay bumukas ang pinto at bumungad sa harapan niya ang isang babaeng nakasuot lamang ng tuwalya. Nagkamali ba siya ng address na napuntahan?

“Nandiyan ba si Bobet?” tanong niya sa babae.

“Love, may naghahanap sa’yo,” tawag nito sa lalaki na agad namang naglakad palapit sa pinto at agad ding natigilan nang makita siya. Labis na galit ang naramdaman niya sa asawa. Gustong-gusto niya itong gulpuhin at p*tayin ngunit pinigilan niya ang sarili.

“Sino siya?” tanong niya rito.

“S-si Gretchen, girlfriend ko,” nauutal nitong wika.

Nais niyang matumba sa narinig. Sa labis na galit ay sinugod niya ito at pinagsasampal na siya namang pinagtakhan ng babae. “Ang kapal ng mukha mo! Akala ko ba ang magtiwala lang ako sa’yo? Tapos ngayon, ito ang makikita ko?! Wala kang kwentang asawa at ama!” gigil na gigil niyang wika habang panay ang sampal sa mukha ni Bobet. “Nagtiwala ako sa’yo, Bobet. Dahil ang buong akala ko ay napagkakatiwalaan ka! Akala ko ay pangarap para sa pamilya natin ang baon mo nung sinabi mong luluwas ka ng Manila para mas mapagaan ang buhay natin! Sana sinabi mo na lang sa’kin noon na sawa ka na! Para hindi ganitong nabigla pa ako. Umaasa kasi akong matino kang kausap! Wala ka rin pa lang kwenta,” umiiyak niyang wika.

Agad na lumuhod sa harapan niya ang asawa. “Patawarin mo ako, Clara.”

“Hindi kita mapapatawad sa ginawa mo! Ito lang ang masasabi ko sayo, Bobet. Ibigay mo ang tamang sustento para sa mga anak natin dahil kung hindi ay ipapakulong ko kayong dalawa ng kabit mo!” wika niya sabay labas ng cellphone upang kunan ng litrato ang dalawa tsaka umalis. Itong litrato ang maipapakita niyang ebidensiya na niloko siya ng kaniyang asawa.

Malungkot na umuwi si Clara sa probinsya bitbit ang masamang balita na lagi niyang iniiyakan tuwing gabi. Kung maibabalik niya lang sana ang panahon, sana hindi na lang niya pinayagan pa ang asawang lumayo sa kanila. Sabay-sabay naman na nag-iyakan ang mga anak sa nalaman. Ngunit nang sinabi niyang idedemanda niya ang papa ng mga ito ay agad nila itong tinutulan.

“Sikapin na lang nating mabuhay ma. Tutal sama-sama naman tayong lahat kahit wala na si papa. Tama na iyong alam natin na nagloko siya, huwag na nating kaladkarin ang pamilya natin sa kahihiyan,” wika ng panganay niyang anak na si Camile.

Ganun na nga lang ang ginawa ni Clara. Hinayaan si Bobet at hindi na idenimanda. Tama ang anak mas maiging gawing pribado ang lahat at lutasin ang problema sa tahimik na paraan dahil ang kahihiyan ng isa ay kahihiyan ng lahat. Sinikap ni Clara na buhayin ang limang anak sa pamamagitan ng kaniyang maliit na sari-sari store. Nagpapadala naman lagi si Bobet ng anim na libo kada-buwan kaya kahit papaano ay nakakatulong rin sa kanila.

Isang araw ay nagulat sila ng biglang sumulpot sa kanilang harapan ang asawa na may bitbit na maleta. “Patawarin niyo ako,” malungkot na wika nito. “Patawarin niyo ako mga anak kung nagkasala ako sa inyo. Patawarin mo rin sana ako, Clara. Natukso ako dahil nahirapan ako noong nalayo ka sa’kin. Naging mahina ako at nagpadala sa tukso, patawarin mo ako, Clara. Kayo ang pamilya ko kaya sa inyo ako uuwi at kayo lagi ang pipiliin ko kahit ano man ang mangyari,” wika nito habang umiiyak na nakaluhod.

Agad na nagsitakbuhan ang mga anak nila palapit rito upang yakapin ang amang halos dalawang taon na hindi umuwi sa kanila. Kaya anong karapatan niyang hindi tanggapin si Bobet? Kung ang mga anak nga nila ay hindi magawang magalit sa ama nito. Naalala niya ang pinangako nila noong ikinasal sila sa harap ng karamihan. Parang sirang plaka na paulit-ulit niyang naririnig ang ipinangako nila sa isa’t-isa.

“Asawa kita at ama ka nila. Masakit ang ginawa mo sa’kin dahil pakiramdam ko trinaydor mo ako pero sisikapin kong patawarin ka, Bobet. Dahil mahal ko ang pamilyang ito. Huwag ka na ulit umalis ayoko nang masira ulit tayo,” humihikbi niyang wika.

“Oo, Clara patawarin mo ako. Hindi na tayo magkakalayo,” sambit ng lalaki sabay yakap ng mahigpit sa kaniya.

Walang perpektong pagsasama. Minsan nakakagawa tayo ng isang bagay na pagsisisihan natin sa bandang huli. Ang mahalaga ay naging mapagpatawad si Clara kay Bobet at hindi ipinagkait sa mga anak ang kaligayahan at ang isang buong pamilya. Para sa mga anak niya ay handa siyang ibaba ang kaniyang pride huwag lamang itong mawasak. Kung tanging pagpapatawad ang sulosyon para mabuo sila ulit. Bakit ipagdadamot niya iyon sa asawa at mga anak niya.

Advertisement