Inday TrendingInday Trending
Ang Call Center Agent na May Pusong Lalaki

Ang Call Center Agent na May Pusong Lalaki

InspiringStoriesSuccess

Madalas kung kantiyawan ni Josh ang t*mboy na si Leslie. Walang araw ata na hindi niya ito inabangan sa opisina para lang ipahiya. Kung magkakasalubong ay sila ay kung anu-ano din ang mga sinasabi ng binata dito. Malaking usapin sa kaniya ang pagiging t*bo ni Leslie.

“Hoy, Leslie!” pasigaw na tawag ni Josh. “Siguro kaya ka nagpapakalalaki ay dahil alam mong ang panget mo bilang babae. Eh, ni bilang lalaki ay hindi ka makakapasa!” tatawa-tawa niyang sambit kay Leslie habang pabalik ito ng kaniyang mesa.

“Gusto mo, Leslie, ako na lang ang magbabalik ng pagkababae mo!” muling sambit ni Josh na walang humpay sa kakatawa. 

Hindi na lang ito pinansin ni Leslie at naglakad na lamang palayo sa binata.

“Pinagtripan ka na naman ni Josh, ano?” wika ni Belle, matalik na kaibigan ni Leslie. “Nakabusangot na naman ‘yang mukha mo, eh. Naku, huwag mo nang pansinin ‘yun. Wala lang magawa sa buhay niya kaya ‘yun ganun,” dagdag pa ng kaibigan. 

“Alam mo sa totoo lang gusto ko nang umalis dito sa kompaniya. Kung hindi ko lang talaga kailangan ‘tong trabaho na ‘to baka matagal na akong umalis,” saad ni Leslie.

“Hindi ko alam kay Josh kung anong problema niya sa’kin o sa kahit kaninong t*mboy. Ayaw niya akong tigilan na para bang may kasalan ako sa kaniya,” pagpapatuloy ni Leslie.

“Minsan ay napipikon na rin ako kasi ‘yung ibang mga sinasabi niya ay madalas nakakabastos na talaga,” sambit pa ni Leslie. 

“Huwag mo na lang pansinin. Baka may gusto lang siya sa’yo,” natatawang tugon naman ni Belle. Napaismid naman si Leslie sa sinabi ng dalaga.

“Maiba na lang ako, Leslie,” wika ng kaibigan.

“Narinig mo na ba ang balita? May naghihintay daw na promotion para sa magiging top agent ngayong buwan. Naku, Leslie, baka naman ito na ‘yung pagkakataon mo para ma-promote!” natutuwang sambit ni Belle. “Talaga? Magandang balita nga ‘yan. Alam mo kailangan ko kasi talaga ngayon ng pera. At magandang oportunidad ‘yan para mapataas ko ang sahod ko,” tugon ni Leslie. 

“Kaya nga ikaw agad ang naisip ko. Galingan mo dahil ang pinakamahigpit mong kakumpetensya ay ‘yang mortal mong kaaway na si Josh,” wika ni Belle. 

“Naku, wala naman ako talagang pakialam diyan kay Josh. Bahala siya sa buhay niya. Basta gusto kong makuha ‘yung promotion na ‘yon kaya pagbubutihan ko talaga,” saad naman ni Leslie. 

Tamang-tama naman na napadaan si Josh at nakita niya ang dalawa na nag-uusap.

“Belle, kung ako sa’yo ay hindi ako didikit diyan kay Leslie at baka mamaya ay mahawahan ka ng ka-t*mboyan niyan!” pagpaparinig ni Josh. Tumigil ka nga, Josh! Palagi mo na lang nakikita si Leslie,” tugon naman ni Belle.

“Aba, ipinagtatanggol mo! Siguro ay kayo nang dalawa, noh?” sambit ng binata.

“Hindi ka masasarapan sa pakikipagrelasyon diyan, Belle, kaya habang maaga pa ay iwan mo na ‘yang tib* na ‘yan. Ano ang mapapala mo diyan” Eh, hindi ka naman niyan mabibigyan ng anak!” sabay halakhak ni Josh.

Papatulan na sana ni Belle ang binata ngunit inawat siya ni Leslie. 

“Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga taong walang kwenta, Belle. Pabayaan mo na siya sa mga sinasabi niya kung diyan siya naliligayahan,” saad ni Leslie.

“Talaga lang, t*bo, ah!” tugon ni Josh.

“Kapag ako ang na-promote ay humanda ka sa akin. Hahanap ako ng butas para matanggal ka na sa kompaniyang ‘to!” pagbabanta ng binata. 

“Akala mo ba ay natatakot sa’yo si Leslie, Josh? Siguraduhin mo lang na ikaw ang mapo-promote kung hindi ay baka ikaw ang pulutin sa labas ng kompaniya,” pagsingit ni Belle na talagang napipikon na sa binata. 

Dumaan ang mga araw at talagang pinaghusayan ng lahat ang kanilang mga trabaho upang makamit ang inaasam na promotion habang si Josh ay pa-easy-easy lamang sapagkat tiwala siya na siya ang makakakuha ng promotion. Matapos ang buwan na iyon ay araw na ng pag-anunsyo ng mga top agents at kung sino ang mapo-promote. 

Habang kabado ang lahat ay lumapit si Josh kay Leslie. “Talagang umaasa ka pa, t*bo, na ikaw ang mapipili? Akala mo naman ay may ibubuga ka! Kung ako sa’yo ngayon pa lang ay magliligpit na ako ng gamit dahil gagawin ko ang lahat para lang mapaalis ka dito dahil malas sa isang grupo ang katulad mo,” sambit pa ng binata. 

“Ano ba talaga ang problema mo sa akin, Josh? Hindi na nga kita pinapansin lapit ka pa rin nang lapit. Kung naaalibadbaran ka sa akin ay ipikit mo ang mga mata mo para hindi mo ako makita. Pero sinasabi ko sa’yo, Josh, hinding-hindi ako aalis dito dahil kailangan ko ‘tong trabaho na ‘to!” tugon naman ni Leslie. 

“Malamang may sinusustentuhan kang babae. Kailangan mo nga ‘yun para hindi ka iwan. Tignan mo kaming mga lalaki. Kami pa ang ginagastusan para lang huwag kaming magloko at para hindi namin iwan ‘yang mga babae,” muling pangangantiyaw ni Josh. 

Nakita ni Belle na muling inaalipusta ng binata ang kaniyang kaibigan kaya agad itong lumapit.

“Josh, tigilan mo na si Leslie! Ang init-init ng dugo mo sa kaniya wala namang ginagawa ‘yung tao sa’yo!” sambit ng dalaga.

“Kailangan ni Leslie ang trabahong ito kasi siya ang bumubuhay sa buong pamilya niya. May sakit ang lola niya at ang nanay naman niya ay may karamdaman sa pag-iisip mula nung iwan sila ng tatay niya. Siya na ang umako sa lahat ng responsibilidad na tustusan ang pamilya niya. Ultimo ‘yung mga kapatid niya pinapaaral niya. Ikaw, Josh? Ano ang pakinabang mo sa mundong ‘to?” galit na sigaw ni Belle. 

Napahiya si Josh sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na ang t*mboy pala na kaniyang tinutukso ay isang responsableng apo, anak at kapatid. Lalong nadagdagan ang kaniyang kahihiyan nang marinig niya ang pangalan ng top agent. Ang na-promote ay walang iba kung ‘di si Leslie.

Napatalon naman sa tuwa si Belle sa magandang balita habang si Leslie ay hindi makapaniwala. Nagsilapitan ang lahat sa kaniya upang siya ay batiin at kamayan.

Mayamaya ay nilapitan ni Leslie si Josh na sa panahong iyon ay halos wala ng mukhang maiharap sa kaniya. 

“Huwag kang mag-alala, Josh. Hindi ako kasing sama mo. Hindi ako gagawa ng paraan na ikatatanggal mo hangga’t nagtatrabaho ka ng maayos. Hindi ako maghihinanakit o magtatanim ng sama ng loob sa lahat ng sinabi mo sa akin sapagkat alam kong sa bandang huli ay ang Diyos naman ang huhusga sa atin,” saad ni Leslie sa lalaki. 

Hindi naglaon ay naging team leader na si Leslie. Kahit masama ang pinakita sa kaniya ni Josh ay pinatawad pa rin niya ito. Nalaman nila na kaya masama ang pakikitungo sa kaniya ni Josh ay sapagkat ipinagpalit ang binata ng kaniyang dating kasintahan sa isang t*mboy.

Natanggal sa trabaho si Josh makalipas ang ilang linggo sapagkat nahuli siyang nandadaya at gumagawa ng anomalya. Samantala, patuloy ang pagtustos ni Leslie sa kaniyang pamilya. Dahil sa kaniyang galing ay sunud-sunod na promotion ang kaniyang natanggap at naging asensado na ang kaniyang buhay. 

Kahit kailan ay hindi tama ang manghusga ng kapwa sapagkat hindi natin alam kung ano ang pinagdadaanan niya. Hindi natin alam kung ano ang nasa likod ng istorya ng kaniyang buhay. Kung hindi tayo makakapagsalita ng maganda sa ating kapwa ay mas mabuting itikom na lamang natin ang ating mga bibig. 

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.