“Pare, kumusta ang panliligaw mo kay Rosie?” bungad ni Mark ng makita ang kanyang kaibigang si Jordan sa trabaho. “Balita ko kasi, pare, pang-anim na beses ka na raw nababasted ni Rosie,” natatawang wika pa ng binata.
“Hindi anim, pare, kundi walong beses. Halos magdadalawang taon ko na nga siyang nililigawan pero wala pa din,” tugon naman ni Jordan habang nag-aayos ng kanyang uniporme. “Hindi ko na nga alam ang gagawin pero ayoko namang sumuko. Tinamaan talaga ako d’yan kay Rosie,” dagdag pa niya.
Limang taon ng OFW ang binatang si Jordan bilang isang chef sa isang tanyag na restawran sa Canada ng makilala niya ang bagong saltang si Rosie na nagtatrabaho naman bilang isang waitress. Lubusan siyang nabighani sa dalaga kaya agad niya itong niligawan. Ngunit kahit anong gawin ng binata ay hindi niya mapasagot si Rosie.
“Grabe sigurong magmahal ‘yang si Rosie kaya ganoon. Ang sabi kasi sakin ni Mely, yung lagi niyang kasamang waitress din, ‘yan daw si Rosie ay nabigo sa pag-ibig sa Pilipinas kaya nagpunta dito,” kwento ni Mark sa kaibigan. “Ang sabi pa nga, eh, patago daw kasi ang relasyon nila nung lalaki kasi hindi maayos ang katayuan sa buhay noon nila Rosie. Malaman na lang niya na ikakasal na pala ‘yung nobyo niya sa iba,” saad pa niya. “Kaya kung ako sa’yo, Jordan, ‘wag ka ng umasa d’yan kay Rosie. Tingin ko hindi na ‘yan makaka-move on kahit kailan,” sambit ng binata habang parehas nila pinagmamasdan si Rosie mula sa malayo na abala sa pag-aayos sa restawran.
“Wala namang imposible, pare. Malay mo isang araw pagkagising niya ay mapagtanto niya na pwede ko na palang palitan ‘yung lalaking nanakit sa kanya,” tugon naman ni Jordan.
“Mahirap magmahal, pare ng babaeng may mahal pang iba. Baka maging panakip-butas ka lang. Kung ako sa’yo ay tantanan mo na ‘yang si Rosie. Tutal walong beses naman na pala niyang sinabi sa’yo na hindi ka niya gusto,” payo ni Mark.
Kahit ano pa ang sabihin kay Jordan ng kaibigan ay hindi nagpapatinag ang binata. Lubusan na kasing nahulog ang loob niya kay Rosie at handa niyang gawin ang lahat upang mapa-ibig lamang ang dalaga. Isang araw habang nag-aayos si Rosie ng mga mesa bilang paghahanda sa pagbubukas ng restawran ay nilapitan siya ni Jordan.
“Rosie, nakikiusap ako sa’yo,” wika ni Jordan sa dalaga. “Hindi naman ako manyakis, hindi naman ako masamang tao. Hindi naman din ako babaero. Napakatagal na kitang nililigawan at ilang beses ko na napatunayan na malinis ang intensyon ko sa’yo. Bakit ba hindi mo ako magustuhan?” tanong niya sa kay Rosie.
“Jordan, wala naman akong sinasabing salbahe ka o masamang tao ka. Ang sa akin lang ay hindi ko pa talaga kayang magkaroon ng nobyo ngayon kasi gusto kong magfocus sa trabaho ko,” tugon naman ng dalaga.
“Hindi naman ako magiging hadlang sa pagtatrabaho mo, eh. Matutulungan pa nga kita,” pangungulit niya. Ngunit walang imik ang dalaga na abala lamang sa kanyang ginagawa. Isang pagkakataon na lang, Rosie. Hayaan mo akong patunayan ang nararamdaman ko sa’yo ng isang pang beses. Kung sa pagkakataon na ‘to ay hindi pa rin ang sagot mo sa akin ay lalayo na ako sa’yo at hindi na kita gagambalain,” giit niya. Natigilan naman si Rosie sa narinig sa binata.
“Hindi mo na talaga ako gagambalain? Pangako?” tanong ng dalaga.
“Oo, Rosie, pangako. Hinding hindi na talaga kita kukulitin pa kahit kailan. Bigyan mo lang ako ng isang pagkakataon,” mariing sambit ni Jordan. Pumayag naman ang dalaga dahil alam niyang hindi pa siya handang umibig muli.
“Mamayang gabi, Rosie, aantayin kita sa plaza,” masayang paanyaya ng binata. “Hindi ako pwede mamaya, Jordan, sa ibang araw na lang,” tugon naman ng dalaga. Alam ni Jordan na umiiwas lamang si Rosie kaya ipinilit pa rin niya ang kanyang gusto. Basta mamayang gabi sa plaza, Rosie, hihintayin kita kahit anong mangyari,” wika ni Jordan. At nagbukas na ang restawran at nagsimula na siya sa kani-kaniyang mga trabaho.
Kinagabihan ay matiyagang naghintay si Jordan sa plaza ngunit walang Rosie na sumipot. Kinabukasan naman ay hindi nakapasok si Jordan dahil mataas ang lagnat nito. Palinga-linga naman ang dalaga na tila hinahanap niya ang binata. Himala kasi na hindi ito nangungulit sa kanya.
“Hinahanap mo si Jordan, ‘no?” tanong ng kaibigan nilang si Mely. Napaismid naman ang dalaga. ”Wala, hindi pumasok si Jordan. Mataas daw ang lagnat. Sabi sa akin ni Mark ay buong gabi daw nag-intay sa plaza. Hindi pa naman huminto ang pagbagsak ng nyebe kagabi,” kwento pa ni Mely.
Tila na konsensya naman si Rosie sa ginawa niya sa binata kaya pagkatapos ng kanilang trabaho ay agad niya itong pinuntahan sa kanyang bahay. Nagulat naman si Jordan nang makita niya kung sino ang kumakatok sa kanyang pintuan.
“Hindi ba sinabi ko sa’yo kahapon na hindi ako makakarating? Bakit kasi naghintay ka pa ‘don?” naiinis na sambit ng dalaga.
“Hindi ba sinabi ko rin sa’yo na kahit anong mangyari ay hihintayin kita. Umuwi na lang ako nung umaga na at hindi ko na talaga kaya ang lamig. Pero alam mo kung ano ang mas hindi ko kinaya?” tanong niya sa dalaga habang nakatitig sa mga mata nito. “Mas hindi ko kinaya ‘yung lamig ng trato mo sa akin,” wika niya.
“Ewan ko sa’yo, Jordan! May sakit ka na nga kung anu-ano pang sinasabi mo riyan!” saad naman ni Rosie na bahagyang napahampas sa binata.
“Rosie, bakit ba hindi mo magawang magustuhan ako?” seryosong tanong ni Jordan.
“Hindi naman sa hindi kita gusto, Jordan. Natatakot lang ako na masaktan muli. Natatakot lang ako na baka maulit na naman sa akin ang nangyari. Ngayon ko pa lang kasi binubuo ulit ang sarili ko mula nung binigay kong lahat sa kanya ang lahat ng kaya kong ibigay kahit wala ng matira sa akin. Pero hindi pa pala ‘yun magiging sapat para ipaglaban niya kung anong meron kami,” pahayag ng dalaga.
“Hayaan mo akong alisin ang lahat ng panget mong nakaraan, Rosie. Hayaan mong sa pagkakataong ito ay ako naman ang mag-alay sa’yo ng lahat ng meron ako. Bigyan mo ako ng pagkakataon na tulungan kang buuin muli ang sarili mo. Pangako ko sa’yo mamahalin kita ng buong-buo bigyan mo lamang ako ng pagkakataon,” sambit ni Jordan sa dalaga.
Sa pagkakataon na iyon ay nakita ni Rosie ang sinseridad ng binata kaya pinayagan niya si Jordan na subukan nila ang mag date upang makilala ang isat-isa. Sa loob ng dalawang buwan ay laging magkasama sina Rosie at Jordan. Dinala siya ng binata sa ibat-ibang lugar sa Canada.
Ipinaramdam ni Jordan sa dalaga na nakapa espesyal niya para sa binata. Sa puntong iyon ay bahagyang nakalimutan ng dalaga ang kanyang mapait na karanasan. Napaisip si Rosie at napagtanto niya ang wagas na pag-ibig sa kanya ng binata. Dito siya nagdesisyon na tuluyan nang papasukin sa kanyang puso si Jordan. Handa na muli ang kanyang puso na magmahal muli.
Isang araw ay inimbitahan ni Rosie si Jordan sa kanyang tinutuluyan. Gusto na kasi niyang ipagtapat sa binata ang tunay niyang nararamdaman para dito. Nang dumating ang binata ay agad niya itong pinapasok.
“Tuloy ka, nagluto ako para naman sa pagkakataon na ‘to ay may magluto para sa’yo,” bungad niya sa binata. Pinagsaluhan nila ang masarap na pagkaing inihanda ng dalaga.
“Jordan, kaya talaga kita pinapunta dito sa bahay ko sapagkat may sasabihin ako sa’yo. Gusto ko sana ay samahan mo akong sunugin ang mga ito,” wika niya sa binata habang tangan ang isang kahon na puno ng mga liham at litrato. “Gusto ko kasing magsimula muli ng kasama ka at tuluyan ng hayaan ang aking nakaraan.” dagdag pa niya.
Napukaw ng isang litrato ang atensyon ng binata, Kaya dali-dali niya itong kinuha mula sa kahon at tinigan. Laking gulat niya sa kanyang nakita.
“Siya ba ang dati mong kasintahan, Rosie?” sambit niya sa dalaga habang ipinapakita ang larawang kanyang hawak. Tumango naman si Rosie. “Oo, ‘yan si George ang dati kong nobyo,” napapikit na lamang si Jordan sa sagot ng dalaga.
“Rosie, ang lalaking ito ay ang kuya ko,” sambit ni Jordan sa dalaga. Nagulat naman si Rosie sa kanyang narinig, Dahil na rin sa pagkabigla ay dali-daling lumabas ng bahay si Jordan. Naiwan naman si Rosie na nagingilid ang luha.
Magulo ang isip ng binata ng mga sandaling iyon kaya ninais niyang kausapin ang kanyang kaibigang si Mark. “Eh, ano naman ngayon, pare, kung ex siya ng kapatid mo? Nakaraan na ‘yun. Hindi naman alam ni Rosie na kapatid ka ni George at hindi mo naman alam na siya ang ex ng kuya mo,” sambit niya sa binata. “Pare, ito na nga ang sinasabi ni Rosie kung bakit ayaw na niyang magmahal muli. Dahil sa pangalawang pagkakataon ay hindi na naman siya kayang ipaglaban ng taong mahal niya. Maaatim mo bang mawala siya sa’yo, pare? Sinayang mo lang ang lahat ng pinaghirapan mo!” payo niya sa kaibigan.
Naguguluhan man ay tinawagan ni Jordan ang kanyang kuyang si George at inikuwento niya ang lahat sa nakatatandang kapatid.
“Bata pa kami noon, tol, hindi ko pa alam ang mga ginagawa ko. Pero isa lang ang sigurado ko, na mabuting tao si Rosie. ‘Wag mo na akong alalahanin. Matagal nang tapos ang lahat sa amin. Sundin mo ang tinitibok ng puso mo,” sambit ng kanyang Kuya George sa kabilang linya ng telepono.
Dahil sa mga payong kanyang narinig ay tuluyan ng nabuo ang loob ni Jordan. Dali-dali siyang bumalik sa tinutuluyan ng dalaga. Laking gulat ni Rosie ng makita niya sa kanyang tarangkahan si Jordan.
“Patawad at bigla akong umalis kanina. Nabigla kasi ako sa mga nangyari. Pero alam ko na ang gusto ko, Rosie, kaya ako nagbalik dito — ikaw. Ikaw ang nais kong makasama. Wala akong pakielam sa nakaraan mo, Rosie. Mamahalin kita ng buong-buo. Ipaglalaban ko ang pag-ibig na nararamdaman ko sa’yo. Sana ay maging karapat-dapat din ako sa pagmamahal mo,” saad ni Jordan sa dalaga.
Hindi na napigilan pa ni Rosie ang kanyang sarili at patakbong niyakap ang binata. “Mahal din kita, Jordan, at handa na akong buksan muli ang puso kong umibig at masaktan. Handa na akong ibigay muli ang lahat ng kaya kong ibigay sapagkat alam kong karapat-dapat ka para dito,” saad ng dalaga.
Unti-unting naglapat ang kanilang mga labi at tuluyan ng hinayaan ang kanilang mga sarili na marmdaman ang pagmamahal ng bawat isa. Madaling sabihin na mahal natin ang isang tao pero ang higit na mahalaga ay kung mapapanindigan at maipaglalaban natin ang pag-ibig na ito.