Inday TrendingInday Trending
Ang Pedyak Drayber na Masama kung Makatingin

Ang Pedyak Drayber na Masama kung Makatingin

Masama ang kutob ng dalagang si Betty sa isang pedikab drayber sa kanilang lugar. Kung titignan mo kasi ang lalaki ay humpak ang mukha nito at sobra ang pagkapayat ng katawan. Hindi rin maiiwasan na pansinin ang mga wirdo nitong mga ikinikilos. Sa tingin ni Betty ay gumagamit ng ipinagb*bawal na gam*t ang binata.

Malayu-layo rin ang kanto ng eskinita sa bahay nila Betty kaya napipilitan siya na mamasahe dahil sa rin sa pagod niya sa pagtatrabaho bilang isang call center agent. Ngunit sa tuwing makikita niya ang wirdong lalaki na nakapila ang padyak sa kanilang kanto ay gumagawa siya ng paraan upang iwasan na ito ang maghatid sa kanya pauwi.

“Saan ka, miss?” tanong ng binata sa kanya.

“Ah, hindi po ako sasakay kasi may nakalimutan pa pala akong bilhin,” pagsisinungaling ni Betty. “Sige, ale, kayo na po ang sumakay,” sambit niya sa matandang babae na nasa kanyang likuran.

“Maaga pa naman, hindi naman siguro kung saan dadalhin nung drayber na ‘yun ang matandang ale,” bulong niya sa sarili.

Isang gabi ng papauwi muli si Betty, nakita niyang nakatitig sa kanya ang pedikab drayber. Namumula ang mga mata nito at sa tuwing tinitignan niya ang lalaki ay iniaalis nito ang tingin sa kanya.

“Hoy! Bumatak ka na naman kanina, ano?” kantiyaw ng isang pedikab drayber sa wirdong lalaki.

“Alam ko na ang binatak niyan! Honda ng gingsa!” patuloy sa tawanan ang mga lalaki.

“Aba, parang iba ‘yan, ah! Ano ‘yang honda nang ginsa na ‘yan na sinsabi mo?” wika ng isang drayber sa kapwa niya drayber.

“Eh ‘di, dahon ng saging! Wala namang pera yang si Amor! Kaya hanggang dahon lang ng saging ‘yan o kaya sunog na tsinelas! Kahit katol kasi ay hindi niya kayang bilhin!” pang-iinis muli nila sa binata.

Hindi naman siya umiimik kahit walang tigil sa pang-iinis sa kanya ang ibang mga nakapilang drayber.

“Amor pala ang pangalan nitong ad*k na ‘to” sambit ni Betty sa kanyang isipan.

“Miss, sasakay ka ba?” tanong ni Amor sa dalaga.

Dahil sa lubusang takot ay gumawa na naman ng dahilan si Betty. “Hindi, kuya, hinihintay ko ‘yung tatay ko, susunduin daw niya ako dito,” wika niya sa lalaki. Kaya ang kasunod muli niyang buntis na may kasamang bata ang sumakay sa pedikab. “Sana naman ay walang mangyari sa mag-inang ‘yun. Kawawa naman at buntis pa ang ‘yung babae,” bulong na naman n’ya sa sarili habang pasakay sa susunod na pedikab.

Nang sumunod na gabi ay nag-iisa lamang na nakapila si Amor sa kanilang kanto. Nang makita ng binata si Betty ay agad niya itong pinasakay.

“Miss, sakay ka na!” giit nito. Dahil nga masama ang kutob ni Betty sa binata ay mas nanaisin na lamang nito ang maglakad kaysa sumakay sa pedikab ng binata.

“Baka kung saan pa ako dalhin nito. O kaya mas matindi ay kung anong masama ang gawin niya sakin. Hinding-hindi ako sasakay d’yan kahit anong mangyari” natatakot niyang wika sa sarili.

“Ah, eh, hindi kuya, maglalakad na lang po ako, may dadaanan pa kasi ako,” sambit niya.

“Sumakay ka na miss at delikado diyan at madilim na. Ituro mo na lamang sakin kung saan ‘yung dadaanan mo at ihihinto kita doon,” giit muli ng binata.

“Sige, kuya, ako na pong bahala at maglalakad na ako,” saad niya. Dahan-dahan na naglakad si Betty pauwi ng kanilang bahay. Habang binabagtas niya ang madilim na daan ay nararamdaman niyang sinusundan pa rin siya ng pedikab. Nang lumingon siya ay malapit na ito sa kanya. Hindi niya pinapahalata sa lalaki ngunit gusto nang tumakbo ni Betty sa takot.

Nang maabutan siya ng binata ay agad siya nitong hinintuan. “Sumakay ka na miss. Hindi ligtas ang buhay mo ngayon dito,” pabulong na wika ng binata.

“Huwag kang papahalata pero tumanaw ka sa banda roon,” patuloy niya habang palihim na itinuturo ang daliri sa isang malaking poste. “Magkabilang poste niyan ay may nag-aabang sa’yong mga kalalakihan. Kung sasakay ka rito ay mas mabilis tayong makakalagpas doon ng walang nangyayari sa’yo,” wika ng binata.

“Baka naman kasama ka ng mga ‘yan!” tugon naman ng dalaga.

“Magtiwala ka miss, sumakay ka na bago pa sila makaramdam,” sambit muli ng binata.

Tuluyan na ngang sumakay ng pedikab si Betty. “Huwang kang mag-alala miss, nakatawag na din ako ng mga tanod, maya-maya ay kasunod na rin natin sila,” aniya.

Lubusan namang nagtataka si Betty ang ginawa ng binata kaya napatanong ito. “Paano ninyo nalaman na may mga lalaking nandoon?” sambit niya sa drayber.

“Isang gabi habang pabalik ako sa pilahan ay narinig ko ang dalawang iyan sa may sulok sa pangalawang iskinita na nag-uusap. Narinig ko na aabangan nila ang isang babae sa ganitong dis-oras na gabi. Nang ilarawan nila ay ikaw agad ang aking naisip. Pasensya ka na kung natakot ka sa aking pagtititig. Tila kasi namanmanan na nila ang oras ng iyong pag-uwi. Sa katunayan ay kanina pa ako diyan sa kanto at inaantay kita. Hindi ko kasi masabi sa iyo ang narinig ko sapagkat hindi natityempo na makasakay ka sa pedicab ko,” paglalahad ng binata.

Nakonsensya naman si Betty sa kanyang mga naisip sa drayber. Ang akala niya pa naman ay ito ang may balak na masama sa kanya. Ang nais lang pala nito ay ang tulungan siya. Maya-maya pa ay nariyan na nga ang tanod sa kanilang likuran at dinampot nila ang mga lalaki na nagsipagtakbuhan ng makita ang mga ito. Dinala nila ito sa himpilan upang imbestigahan.

Samantala ay naihatid naman ni Amor si Betty sa kanilang tahanan ng ligtas. Laking pasasalamat naman ng dalaga sa ginawang kabutihan sa kanya ng binata.

Kinabukasan ay nagtanung-tanong si Betty sa mga kapwa drayber ni Amor. Nagtawanan ang mga ito ng sabihin niyang akala niya ay isang ad*k ang binata.

“Naku hindi, Ineng!” tugon ng isang drayber na natatawa sa kanyang sinabi. “Wirdo nga ang binatang ‘yon pero hindi siya ad*k. Madalas lang namin siyang tuksuhin na bumabatak dahil sa kanyang itsura,” patuloy ito sa pagtawa.

“Ang totoo ay napakabait noong si Amor. Kasama niya ang kanyang ate na maraming anak sa isang maliit na bahay na tinutuluyan niya. Siya na ang nagtatrabaho kasi ‘yung ate daw nun binubugbog ng asawa kaya kinupkop na niya. Napakadaming pamangkin nun at ‘yung dalawa pa daw doon ay nag gagatas pa. Kaya todo kayod talaga ‘yang si Amor,” dagdag pa ng lalaki.

“Eh, bakit ho laging namumula ang mga mata niya. Ang akala ko talaga ay gumagamit siya,” muling pagtataka ni Betty.

“Dahil nga kailangan niyang kumita ay halos kulang na sa tulog n’yang si Amor. Tuloy-tuloy ang pasada niya kaya halos dito na matulog sa pilahan,” sagot ng lalaki.

Awang-awa si Betty sa sa binatang si Amor. Hindi niya lubusang isipin na ang itsura pala ng binata ay bunga ng kaniyang pagtityaga sa kanyang hanapbuhay upang matustusan lamang ang kanyang kapatid at mga pamangkin.

Nagbago nang tuluyan ang pananaw ni Betty sa pedikab drayber. Mula noon ay naging magkaibigan na si Betty at si Amor. Minsan din ay inaabut-abutan ng dalaga ang drayber upang may maipandadag sa gatas ng kanyang mga pamangkin.

Hindi talaga sa itsura at antas sa buhay nababatay ang pagkatao ng isang nilalang. Hindi dapat tayo mabilis manghusga ng ayon lamang sa nakikita nating panlabas na kaanyuan. Tandaan natin na may mga taong sa kabila ng kahirapan ay bukal at ginintuan pa rin ang kanilang kalooban.

Advertisement