Nagtapos ng may mataas na karangalan itong si Kenneth sa isang sikat na unibersidad sa Maynila, kaya’t hindi kataka-taka na maganda kaagad ang trabahong nakuha niya isang buwan pa lamang matapos ang graduation nila. Dahil matayog ang pangarap sa buhay na maging isa sa pinakasikat na advertising producer, ginawa ni Kenneth ang lahat upang magpakitang gilas na napasukang kompanya.
Isa sa pinakamahuhusay na producer, at ang direktang boss ni Kenneth, ay ang ginang na si Marcela. Kwarenta’y singko anyos pa lamang ang babae, ngunit dala na rin siguro ng pagiging beterano sa kanyang trabaho ay naging likas na sa kanya ang pagiging masungit, mainitin ang ulo, at metikulosa pagdating sa lahat ng bagay lalong-lalo na sa kanilang trabaho.
“Kenneth! Pinapatawag ka ni Madam! Bilisan mo, baka uminit na naman ang ulo nun!” sigaw ni Cheska, kasamahan ni Kenneth bilang isa sa limang apprentice ni Marcela.
“Nako, heto na papunta na ‘ko,” tugon ni Kenneth na kumakain ng kanyang pananghalian. Naiwan niyang nakabukas ang lalagyan niya ng tubig dala ng labis na pagkataranta sa takot na magalit si Marcela.
Matapos kumatok ng tatlong beses, gaya ng mahigpit na bilin ni Madam Marcela, dahan-dahang ipinihit ni Kenneth ang hawakan ng pintuan at saka pumasok sa opisina ng ginang.
“Kenneth! Sa wakas. Kanina pa kita pinapatawag!” panimula ni Marcela sa halatang kabadong lalaki.
“Yes, Madam, sorry po. Lunch break po kasi namin, pero narito na po ako. Ano pong maipaglilingkod ko, Madam?” hinihingal pang sagot ni Kenneth.
Ngumisi ang ginang na siyang ikinabilis ng tibok ng puso ng binata. Pilit niyang pinipiga sa kanyang isip kung may nagawa ba siyang mali.
“Congrats, Kenneth! Ang proposal mong isang commercial ang nagustuhan ng kliyente! Pang anim mo na itong proyekto na natatanggap ng mga customer, samantalang ang mga kasabayan mo e hindi pa nakakakuha kahit na isa. Mahusay! Bravo, Kenneth! Bravo!” wika ni Madam Marcela, na siya namang labis na nagpasaya kay Kenneth.
Nagpo-produce o gumagawa kasi ng mga TV advertisements o commercial si Kenneth at ang mga kasamahan niya. Tila napakahusay at epektibo ng gawa niya kaya’t palaging ang proposal niya ang pinipili ng mga kliyente.
“Wow, Madam! Maraming salamat po! Nasa labas po ang proposal ko. Sandali lamang po at kukunin ko,” wika ni Kenneth sabay takbo pabalik sa kanyang mesa kung saan naroon ang USB flash drive. Naka-save sa loob noon ang video o commercial na kanyang ipinroduce.
Sa kanyang pagmamadali, hindi sinasadyang masanggi niya ang naiwang nakabukas na lalagyanan ng tubig. At saktong tumapon ang laman nito sa flash drive na dapat ay kanyang ibibigay kay Madam Marcela! Naku po! Lagot na!
Mabilis niyang dinampot ang basang-basang flash drive, at saka tinuyo gamit ang kanyang unat na unat na polo.
“T*ngina, lagot na! Lagot na!” bulong ni Kenneth sa sarili matapos isaksak sa kanyang laptop ang flash drive at pilit itong pinapagana.
Sa kasamaang palad, tuluyan nang nasira ang flash drive. Dahil proposal pa lamang iyon, at hindi niya inaasahang iyon ang mapipili, hindi niya naisipang i-save noon sa iba pang gadget o device ang nasabing video. Napalunok na lamang si Kenneth dahil hindi niya maisip kung anong paliwanag ang sasabihin kay Madam Marcela, nang bigla na lamang itong sumulpot mismo sa harapan niya.
“Kenneth! What took you so long? Naghihintay ako!” sigaw nito.
“Ahm… Ma- madam… I’m really sorry, pero sa tingin ko po ay kailangan kong gawin ulit ang video,” uutal-utal na sabi ni Kenneth sabay paliwanag sa sinapit ng kanyang USB flash drive.
“OH MY GOD! Napaka-careless mo! Sinong t*nga ang nag-iiwan ng ganoong kahalagang bagay sa tabi ng tubigan?! Gagawa ka na lang ulit?! Are you kidding me, Kenneth? That will take at least 5 days para matapos mo. Sa tingin mo, may limang araw ba ang mga kliyente para maghintay? Put*ngina!” nanggagalaiting sabi ni Marcela sa nakayuko lamang na si Kenneth. Pahiyang-pahiya na rin ito dahil sa harapan ng marami pang ibang empleyado siya napiling sigaw-sigawan ni Marcela.
“Pipilitin ko pong matapos in 2-3 days, Madam. Sorry po ta-,” hindi na natapos ni Kenneth ang kanyang sinasabi nang bigla na lamang sumigaw muli si Marcela.
“GET OUT OF MY OFFICE, RIGHT NOW! YOU ARE FIRED! Napakat*nga mo!”
Napakalungkot, ngunit wala nang nagawa si Kenneth kung hindi ang kunin ang lahat ng kanyang kagamitan doon sa opisina at umuwi na lamang sa kanilang bahay. Gusto pa sana niyang humingi ng pagkakataon, ngunit durog na durog na rin ang puso niya sa matatalim na salitang ginagamit ni Marcela upang pababain ang kumpiyansa niya sa sarili.
Isang buwan ang lumipas, taas noong naglalakad si Marcela papasok ng kanyang opisina nang bigla na lamang siyang nilapitan ng isa sa mga tauhan niya.
“Madam! You need to see this,” wika ng babae sabay abot sa kanya ng isang mahabang envelope.
Nang buklatin niya ito, halos mawalan siya ng malay sa kanyang mga nabasa. Halos lahat ng kliyente ng kanilang kompanya’y lumipat sa kabila! Bakit at paano iyon nangyari?!
“NO! Paano ‘yan nangyari?! Hindi ito maaari! Ikakalugi ito ng kompanya natin!” naghihimutok na sigaw ng ginang.
“Madam… Nasagap ko lang po sa balita. Napakahusay raw kasi ng bago nilang Chief Advertising Producer,” mahinang sabi ng dalaga.
“Ha?! Sino ba ‘yan?!”
“Ang lalaking ipinahiya niyo ng wagas dito sa opisina, Madam Marcela! Walang iba kung hindi si Kenneth! Grabe ho kayo kung mangmaliit ng mga tao. Hindi porket matagal nang mataas ang posisyon niyo rito sa kompanya ay pwede niyo na kaming api-apihin nang dahil sa simpleng mga pagkakamali namin. Nagreresign na rin ho pala ako, dahil hindi makatao ang boss dito!” sigaw ni Cheska, kaibigan ni Kenneth noong siya’y nasa kompanya pa.
Nanigas sa kanyang kinatatayuan si Marcela. Ang dating mala-tigreng tapang ay bigla na lamang naglaho nang biglang sunod-sunod na sumang-ayon ang kanyang mga tauhan.
“Ako rin, magreresign na ako! Kailangan ko ng pera para sa kapakanan ng mga anak ko, pero dahil sa ugali mo’y baka maaga akong sumakabilang buhay. Mas kawawa ang mga anak ko! Kaya lilipat na lang ako!” sigaw ng isa.
“Magreresign na rin ako! Sawa na akong maging bossing si Satanas!” natatawang hirit pa ng isang empleyado.
Ilang minuto pa ang lumipas, naiwang mag-isa at nakatulala sa malawak ngunit bakante niyang opisina si Marcela. Unti-unti, napasalampak na lamang sa sahig at napaluha ang ginang. Hindi niya inaasahang mauuwi sa ganoon ang lahat.
Matagumpay na matagumpay na si Kenneth sa kabilang kompanya, sa ilalim ng pamumuno ng magaling at mabait na boss niyang si Johanna. Habang ang bali-balita’y nag resign na raw sa trabaho itong si Marcela at namamahinga na lamang sa bahay kasama ang kanyang asawa.
‘Ika nga ng iba, walang masama kung kabutihan ang ipakikita mo sa iyong kapwa. Sa kasamaang palad, huli na bago pa iyon natutunan ni Marcela. Sa ngayon, ibinabaling na lamang niya ang buong atensyon sa kanyang asawa’t mga anak.