“Mars, punta ba kayo mamaya?” tanong ng kwarenta’y siyete anyos na si Edna sa mga kaibigan niya. “Saan ba? Puwede naman ako mamaya pagkatapos kong paliguan ang mga apo ko,” sagot naman ni Annie.
“Sumama na kayo! Doon kina Lorna. Nagyayaya kasi siya ng kaunting kainan. Salu-salo lang ba dahil aalis daw muna siya papuntang America para magbakasyon,” singit ni Elena, kwarenta’y dos anyos, ang pinakabata sa magkakaibigan.
“Eh, iniisip ko nga. Tinatamad akong kausap iyang si Lorna, eh. Palaging siya ang bida. Siya ang magaling. Siya na ang lahat! Panigurado magyayabang na naman ‘yon,” tugon ni Edna sa dalawang kaibigan.
Magkakaklase ang mga babaeng ito noong sila ay nasa elementarya pa lamang. Ngayong lahat sila’y may kani-kaniya ng mga asawa’t anak napagdesisyunan ng kanilang batch na magkita-kita nitong nakakaraang buwan pa lamang. Matapos magkitang muli sa kanilang reunion ay doon na napadalas ang pagkikita nila Edna, Annie, Elena, Lorna at Zenaida.
Nagdesisyon pa rin ang magkakaibigan na pumunta sa bahay ni Lorna sa kabila ng pag-alma ni Edna. Tunay ngang may ganoong pag-uugali si Lorna ngunit kahit papaano’y may kabutihan naman ito sa puso na siyang nakikita ng iba lalo na ni Elena at Annie.
“Nariyan na pala kayo! Halika, pasok kayo! O, dahan-dahan, ha? Baka mabangga at matisod kayo sa bago kong paso. Mahal ‘yan! Ang ganda, noh,” pambungad ni Lorna sa kaniyang mga kaibigan.
“Siyang tunay! Ang ganda nga, Lorna. Mahilig din akong mangolekta ng mga paso, eh. Mayroong pasalubong ang anak ko sa akin. Nabili niya ng P20,000.00 mula pang Vigan!” kuwento naman ni Elena sabay beso sa kaibigan.
“Ganoon? Mas mahal naman ang bigay sa akin ng anak ko. Binilhan ako ng bag. P100,000.00 ang isa! Grabe, ang suwerte ko sa anak ko, noh?” sagot ni Lorna rito.
Hindi naman napigilan ni Edna ang pagtawa niya. Mabuti’t hindi ito narinig ni Lorna. Nagtuluy-tuloy na sila papasok sa malaking sala ng bahay at doon naupo upang ipagpatuloy ang kuwentuhan.
“O, kain muna kayo ng meryenda. Mamayang gabi darating ang mga pina-deliver kong pagkain. Masasarap iyon. Pinakamahal iyon sa lugar natin, eh!” wika ni Lorna sa mga kaibigan.
Patuloy na nagkuwentuhan ang magkakaibigan. At tulad ng inaasahan ni Edna ay patuloy sa pagyayabang ng kung anong mayroon si Lorna. Hindi rin ito nagpapadaig sa mga kuwento ng iba pa nilang mga kasama kaya naman bago pa lumubog ang araw ay hindi na nakapagpigil pa itong si Edna.
“Lorna! Ano bang nangyari sa’yo? ‘Di ka naman ganiyan dati. Ganiyan ba ang nangyayari kapag nagkakapera? ANG YABANG MO! Puro kahusayan mo ang lumalabas sa bibig mo. Hindi ka papadaig. Eh, mga kaibigan mo kami, ‘di ba?” bulalas ng kanina pa nagpipigil na si Edna.
Nanlaki naman ang mata ng kanilang mga kasama dahil hindi nila aakalaing makakaya ni Edna na sabihin iyon sa harap mismo ni Lorna.
“Ah… Eh…” uutal-utal na sagot ni Lorna. Kahit gusto niyang magsalita upang magpaliwanag ay walang salitang lumalabas sa kaniyang mga labi. Mabuti na lamang at sumabat itong si Zenaida upang ipagtanggol siya.
“Edna? Alam mo naman ang lahat ng pinagdaanan ni Lorna simula pagkabata, hindi ba? Tama ka. Magkakaibigan tayo. Bakit hindi mo siya iniintindi?” inis na sagot ni Zenaida.
“Tama si Zenaida. Ganiyan nga ang ugali ni Lorna, tama ka. Minsa’y naririndi rin naman kami pero madalas mangibabaw sa akin ang kabutihang ginagawa niya sa ibang tao lalo na sa mga kaibigan niya. Nito lang nung nagkasakit ang anak ng isa sa mga batchmate natin. Nag-donate iyang si Lorna ng malaking pera upang makatulong sa kanila,” dagdag naman ni Elena.
Tahimik na nakikinig lamang si Edna at unti-unting inaalala ang mga kabutihang nagagawa ni Lorna sa kabila ng mayabang nitong pag-uugali.
“Pasensiya na kayo. Lalo ka na, Edna. Hindi ko alam na nakakahiya na pala ako kung magmalaki sa inyo. Naging masaklap lang ang pinagdaanan ko mula bata hanggang magdalaga kaya’t ngayong nakakaluwag na ako sa buhay hindi ko maiwasang ipagmalaki sa inyo na sa wakas ay nakabangon na ako. Patawarin niyo ako, mga kaibigan,” naiiyak na sabi ni Lorna.
Agad namang niyakap ni Edna si Lorna na sinundan ng yakap ng iba pa niyang mga kaibigan.
“Pangako babawas-bawasan ko na rin ang ganoong pag-uugali,” nakangiting sabi ni Lorna.
Nang dahil sa usapang iyon ng magkakaibigan ay lalo silang nagkaintindihan sa ugali ng isa’t isa at lalo ring tumibay ang kanilang pagsasama. Hanggang ngayon na sila ay pare-pareho ng mga senior citizen matatalik pa rin silang magkakaibigan at palaging nagpapasensiyahan at nagbibigayan.