Habang naghihintay sina Regina at ang mga anak niya ng pagkain ay napansin niya ang kanyang dalagang anak na si Jerlie na panay kuha ng litrato sa sarili.
“Jerlie, ‘di ka ba nagsasawa sa mukha mo? Puro ka na lang picture tapos post sa social media,” tanong ng ina.
“Mama, ayun nga ang dahilan kung bakit ko ginagawa ‘to e. Nagpopost ako ng picture para i-like ako ng maraming tao. Para mapansin nila ako,” masungit na sagot ng dalaga sa ina. Saktong namang dumating ang kanilang pagkain sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap kaya naman ay tumigil na ang dalawa sa pag-aalitan.
“Kain na tayo!” masayang sabi ni Paolo bago pa nito simulan ang kanyang pagkain.
“Wait lang! ‘Wag mo munang guguluhin yan, pi-picturan ko muna,” singit naman ni Jerlie. Dahil dito ay agad na sinita ni Regina ang kanyang anak sa pag-aabuso sa paggamit ng telepono.
“Kung gusto mong kuhanan ng litrato ang pagkain mo, ‘wag mo idamay yung sa amin ng kapatid mo. Uunahin mo pa ‘yan kahit alam mong nagugutom na si Paolo? Grabe ka na! Baka gusto mong kunin ko ‘yang cellphone mo,” inis na sabi ng ina nito at padabog na kinuha ang pagkain nila ng kanyang bunsong anak.
Matapos kumain, napagdesisyunan na nilang umuwi upang makapagpahinga. Subalit habang naglalakad ang mga ito ay nakaramdam si Paolo ng pananakit ng tiyan at pagkahilo kaya naman ay agad silang sumakay ng taxi.
“Ano ba naman yan? Hanggang dito ba naman, Jerlie?” pikon na sabi ni Regina matapos makita ang anak na kinukuhaan ng litrato ang kanyang kapatid na namimilipit sa sakit.
“Ano na naman? Bawal ko bang kuhaan ng litrato yung kapatid ko? Wala namang problema kung i-post ko sa Facebook lahat ng ito ah,” inis na sagot ng dalaga sa kanyang ina. Dahil dito ay pinatigil ni Regina ang sasakyan at pilit na pinababa ang kanyang anak.
“Oo na! Bababa na! Masyadong mainitin ang ulo,” sabi ni Jerlie bago pa bumaba ng kotse. Agad naman na umalis ang sinasakyan ng kanyang ina at kapatid papuntang ospital habang siya ay naiwan sa isang hindi malayong lugar sa pinagkainan nila kanina.
Habang naglalakad ito ay sunod-sunod ang mga abiso na nanggagaling sa kanyang telepono dahil sa mga litrato na inilapag nito sa social media.
“Wow naman! Ang ganda naman ng frenny ko!” komento ng kaibigan nito.
“Bagong routine bago kumain, kuhaan muna ng litrato imbes na magdasal,” sabi naman ng isa.
“Ano ba yan! Halatang may sakit yung kapatid tapos ipopost pa. Alagaan mo uy!” isa pang komento na nabasa nito.
Pansin ng dalaga na puro negatibo ang natanggap na niya sa mga pinost nito na litrato. Dahil dito ay nag-isip siya ng paraan para bumalik sa pagiging positibo ang kanyang reputasyon sa social media. Lumapit ito sa isang pulubi kasama ang dalawa nitong anak at binigyan ito ng pera, habang nakahanda na ang kanyang cellphone para kuhaan ito ng litrato.
“Nakita ko sila na kanina pa namamalimos sa mga tao pero kahit isa ay walang nag-abot. Sana makatulong ang kaunting pera na ibinigay ko sa kanilang mag-iina,” caption nito bago pa ilapag ang litrato sa internet.
Dahil sa litrato na kanyang inilapag ay lumagpas agad ng ilang daan ang nagustuhan ang magandang asal na kanyang ginawa at umani siya ng sandamakmak na papuri mula sa iba’t ibang tao.
“Wow! Sana nga ay matulungan ng iba ang kawawang mga pulubi,” sabi ng isa nitong kaibigan.
“Sigurado akong marami ka pang matutulungang tao,” sabi pa ng isa.
Sumikat si Jerlie sa kanyang ginawa kaya naman ay nagpatuloy ang kanyang pagbabalat kayo sa mga tao para lamang makakuha ng mga papuri.
Matapos ang ilang linggo ay tuluyan nang kinilala ng mga tao si Jerlie bilang isang halimbawa ng isang mamamayan na may puso para sa mga mahihirap at taong lansangan.
“Mama, si Jerlie yun oh? Siya yung sikat sa internet ngayon kasi lagi siyang tumutulong sa mga mahihirap at pulubi,” sabi ng isang bata sa ospital habang kausap nito ang ina. Tila ba isang halik sa langit ang kanyang narinig dahil sa sinabi ng isang bata kaya naman ay nilapitan niya ito at kinausap.
“Hi, narinig kita kanina ah. Anong pangalan mo?” nakangiting tanong ng dalaga sa bata.
“Ako po si Angelo at gusto ko rin pong makatulong sa ibang tao tulad niyo,” masayang sagot ng bata dito. Dahil dito ay niyakap ni Jerlie ang bata at inabutan ng barya.
“Nakikita mo sila? ‘Yong dalawang naka-upo sa gilid, lapitan mo sila tapos bigay mo ‘yan. Tapos balik ka dito sa amin ng mommy mo,” sabi nito sa bata. Agad naman na tumakbo si Angelo sa dalawang pulubi para ibigay ang hawak hawak na pera. Pagkatapos ay agad itong bumalik kay Jerlie at sa kanyang ina.
“Anong pakiramdam ng nakatulong ka?” tanong ng dalaga kay Angelo.
“Ang sarap po sa feeling lalo na pag nagpapasalamat sila sa akin,” sagot naman nito. Dahil dito ay napangiti ang ina ng bata at pinasalamatan ang dalaga.
“Angelo, ipagpatuloy mo lang ang pagiging anghel mo at sigurado akong marami ka pang matutulungang tao,” sabi ni Jerlie bago pa ito tuluyang umalis dahil nagpapasundo na ang ina nito at kapatid sa ospital.
Buong pangyayari ng engkwentro niya sa batang si Angelo ay naka-videong muli sa kanyang cellphone.
Habang nakasakay sa jeep papuntang ospital ay isa na namang tiga-hanga ang nakapansin kay Jerlie.
“Ikaw yung mabait na babae sa internet na tumutulong sa mga tao ‘di ba?” tanong ng isang babae na nakaharap nito sa sasakyan. Agad naman itong tumango habang nakangiti sa babae.
Sa kalagitnaan ng biyahe, bigla na lamang na-lowbat ang telepono ni Jerlie dahil sa pagkakagamit nito buong araw. Hindi naman inaasahan na may isang pulubi na sasakay ng jeep para humingi ng tulong sa kanila.
“Magandang gabi po sa inyo, baka po pwede ako humingi ng sa inyo. Nawalan po ako ng trabaho at kailangan pamilya ko ng pangkain,” pagmamakaawa ng pulubi sa mga pasahero.
Palihim naman na binuksan ng babae ang kanyang telepono at nagrecord ng video kay Jerlie para makita ng lahat ang pagiging magandang asal nito.
Dahil naman wala nang baterya ang telepono ni Jerlie ay hindi ito nagpakita ng interes sa pagtulong sa nangangailangan.
“Kuya wala akong pera,” sabi nito sa pulubi ng siya na ang tapatan nito.
“Kahit magkano lang po ay makakatulong na sa aking pamilya,” muling pagmamakaawa ng lalaki.
“Put*ngina naman kuya, wala nga akong pera! Tsaka pwede bang lumayo ka sa akin? P*ta ang baho mo e. Kumakapit sa damit ko yung baho mo!” inis na sigaw nito bago pa man kusang bumaba ng jeep.
“Magtrabaho ka kasi ng maayos para may pera ka! Bwisit!” pahabol na sigaw nito sabay sakay ng taxi na nasa likod lamang ng jeep.
Nang makarating ito sa ospital ay pansin nito na pinagtitinginan siya ng mga tao pati na rin ng kanyang kapatid at ina.
“Ikaw talagang babae ka! Nag eskandalo ka pa sa jeep kanina! May gana ka pa talagang ipakita yung mukha mo sa mga tao?” galit na sabi ni Regina bago pa man ipakita ang video nito sa jeep. Halos maiyak ang dalaga sa kanyang nagawa kaya naman agad niyang isinakay ang ina at kapatid sa taxi.
Pagkauwi nila ay agad itong nagbukas ng kanyang laptop at nagdeactivate ng kanyang account sa social media dahil sa sandamakmak na negatibong komento na natanggap nito sa mga tao. Dahil dito ay nagkulong lamang siya sa kanyang kwarto at hindi lumabas ng bahay.
“Jerlie? Kumusta ka?” mahinahong tanong ni Regina sa kanyang anak.
“Masakit pa rin para sa akin yung nangyari, hindi ko alam kung paano ako mapapatawad ng mga tao,” naiiyak na sagot ng kanyang anak.
“Bakit hindi mo buksan muli ‘yang account mo at saka ka mag public apology sa mga tao. Ikaw naman kasi, hanap ka nang hanap ng atensyon sa social media. Ayan tuloy… ‘Di ba lagi kong sinasabi sa’yo na masama ang lahat ng sobra?” muling sabi ng ina habang pinapatahan ang anak.
Dahil dito ay nagkaroon ng lakas ng loob si Jerlie na buksan ang kanyang account sa tulong ng kanyang ina. Humingi ito ng tawad sa mga tao dahil sa kanyang nagawa at hindi nagtagal ay tinanggap ng mga tao ang public apology ng dalaga.
Nang dahil sa pangyayaring iyon, sinikap na ng dalaga na magbago ng kanyang pag-uugali upang hindi na niya ito madala sa kanyang pagtanda. Hindi na rin siya gaanong nagpo-post sa social media para lamang magpakitang tao. Tama nga ang kanyang ina, ang lahat ng sobra ay masama at ang susi sa masayang buhay ay moderasyon sa lahat ng bagay.