Inday TrendingInday Trending
Humanap ng Init sa Taglamig

Humanap ng Init sa Taglamig

FunLoveStories

Noong dalaga pa si Michelle, halos hindi naman siya nawawalan ng nobyo dahil sa tuwing magwawakas ang isa’y may panibagong lalaki na ang nakapila at nagkakandarapang manligaw sa kanya. Ngunit lahat nang iyon ay natigil nang magdesisyon siyang ituon ang buong atensyon sa kanyang trabaho at karir.

Ngayong trenta’y dos na siya at maganda at naging maganda na ang kanyang karir, hindi niya mawaglit sa isipan niya ang paghahanap muli ng pag-ibig. Kung noong dalaga pa siya ay madali lamang iyon para sa kanya, ngayong nagkakaedad na siya’y nag-iba na ang lahat. Nadagdagan kahit papaano ng timbang ang dating seksi at balingkinitan niyang katawan, nagkaroon na rin ng kaunting bakas ng pagtanda ang dati ay makinis at banat na banat niyang mukha, at ‘di mapagkakailang hindi na siya masyadong nakapag-aayos ng sarili nang dahil sa pagtutok sa trabaho.

Isang gabi, habang nakahiga sa malawak at malambot niyang kama ang dalaga ay bigla siyang napaisip.

“Tumatanda ka na, Michelle. At isa pa, lumalamig na naman ang gabi. Malapit na naman kasi ang pasko! Bakit hindi ka magsimulang humanap na ng lalaking maaari mong makasama hanggang pagtanda?” bulong niya sa sarili habang yakap-yakap ang kanyang malambot na unan.

Nakatulog na ang dalaga sa kaiisip, ngunit maya-maya pa’y bumangon siya sa kama na buo na ang kanyang isip. Iyon na ang araw na sisimulan niyang hanapin ang lalaking magpapainit sa kanyang taglamig.

Pagpasok sa opisina, kapansin-pansin ang kanyang pag-aayos nitong umaga. Pulang-pula ang lipstick niya, habang suot-suot ang isa sa mga pinakamagaganda niyang damit. “Wow, blooming!” kantyaw pa sa kanya ng isa niyang kaopisina.

Kinagabihan, imbes na dumiretso ng uwi ay nagpunta muna si Michelle sa isang kilalang Bar & Restaurant sa kanilang lugar. Doon na siya kakain ng hapunan, at hindi naman niya inaasahang isang lalaki ang maglalakas loob na lumapit sa kanya.

“Hi, miss! Mag-isa ka yata?” pambungad ng lalaki.

Halos mapatalon pa sa gulat itong si Michelle, ngunit agad siyang kumalma nang makita ang mapupungay na mata ng lalaki pati na rin ang napakatangos nitong ilong.

“Oo e. Pero kung sasamahan mo ako, e ‘di hindi na,” nakangiti naman niyang sagot.

“Trevor nga pala. Ikaw?”

“Michelle,” nakangiting tugon ng dalaga.

Nang gabing iyon, lubos na nagkakilanlan ang dalawa. Nakakagulat na napakarami nilang pagkakapareho pagdating sa mga gusto at sa pag-uugali. Kaya’t bago maghiwalay ng landas upang umuwi sa kani-kanilang bahay ay nagkahingian muna sila ng numero.

Kinabukasan, nagising si Michelle nang may ngiti sa kanyang mga labi. Paano ba nama’y ang text ng binata ang bumungad sa kanyang inaantok pang kaluluwa. Hindi nagtagal, tuluyan nang nagkamabutihan ang dalawa at naging ganap na magkasintahan.

Sa unang tatlong buwan ng kanilang pagsasama, naging napakaganda ng takbo ng kanilang relasyon. Hatid sundo ni Trevor ang dalaga sa opisina, at sabay silang kakain ng hapunan bago niya ito ihatid sa sarili nitong bahay. Hindi rin nag-aaway ang dalawa dahil para sa kanila, wala naman silang dapat na pag-awayan dahil pareho nang nasa trenta ang edad nila.

Ngunit nagbago ang lahat isang Biyernes ng gabi. Habang masayang kumakain ang dalawa sa isang restawran upang iselebra ang kanilang monthsary, isang galit na galit na lalaki ang lumapit sa kanila.

“Hayop ka! Kaya pala hindi ka na nagpakita sa akin?! Dahil may kinakalantari ka nang iba!” sigaw ng lalaki, na nakaharap mismo kay Trevor.

“Ha? Anong sinasabi mo? Nababaliw ka na ba, kuya?” nagtatakang tanong ni Michelle sa lalaki.

“Oo, magkasintahan kami dati! Dati, noong ‘di ka pa umeepal sa eksena!” bulyaw pang muli ng lalaki kay Michelle.

Nangilabot itong si Michelle. Pinagtitinginan na sila ng mga tao, at hindi niya alam ang kanyang sasabihin. Gusto na niyang umiyak dahil sa sakit na nararamdaman, ngunit kahit pilitin niyang magsalita ay walang boses na lumalabas sa kanyang bibig.

Pinilit tumayo nitong si Michelle upang umalis, ngunit hinila ni Trevor ng mahigpit ang kanyang mga kamay.

“Babe, magpapaliwanag ako. Please, huwag mo akong iwan!” nagmamakaawang sabi ni Trevor, habang hinihila naman siya sa kabilang kamay ng lalaki.

“Niloko mo ako, hay*p ka! Ano ‘to, pinagti-tripan mo lang ako? B*kla ka pala?!” sigaw ni Michelle, saka pilit na nagpumiglas sa kapit ng nobyo.

Nang makawala, tumakbo ang dalaga upang makasakay ng taxi. Nang makasakay, agad namang humarurot ng takbo ang drayber. Ngunit bago pa sila makaalis ay nakasakay na sa kanyang tabi si Trevor.

“Ano?! Doon ka na! Bakit mo pa ‘ko hinabol?! Porke’t hindi na ako sariwa, pwede na akong loko-lokohin ng ganito?!” hiyaw ng galit na galit na si Michelle.

“Ipapaliwanag ko ang lahat, Michelle. Mahal na mahal kita, sana’y makinig ka,” umiiyak na paki-usap ni Trevor.

“Siya si Mike, ang dati kong “nobyo”. Napilitan akong sunggaban ang alok niya noon dahil naghihingalo sa ospital ang tatay ko. Napakalaki ng kailangan naming bayaran sa ospital, kung kaya’t nang alukin niya akong maging nobyo niya kapalit ng kalahating milyong piso ay hindi na ako nag-alinlangan pa. Para mabuhay pa ang aking ama,” umiiyak na panimula ng binata.

“At kung iniisip mo man, walang nangyari sa amin. Sinasamahan ko lamang siya sa mga lakad niya. Ipinakilala niya lamang ako sa mga kaibigan niya. Ngunit pangako, walang nangyari sa amin,” patuloy pa nito habang pilit na hinahawakan ang kamay ni Michelle.

“Anim na buwan na magmula nang iwan ko siya. Hindi ko na rin kasi kayang pilitin ang sarili ko na makisama sa taong hindi ko mahal. At isa pa, babae ang itinitibok ng puso ko. Lalo na noong nakilala kita. Michelle, maniwala ka, sinusubukan kong ayusin ang pagkakamaling iyon. Kaya ngayon, doble kayod ako sa trabaho dahil buwan-buwan ay binabayaran ko siya upang maibalik ang kalahating milyong ibinigay niya noon,” wika ni Trevor habang patuloy ang pag-agos ng kanyang mga luha.

Hindi na rin napigilan ni Michelle ang kanyang mga luha at umagos na rin ito kasabay ng pag-agos ng luha ng kanyang nobyo. Kaya pala todo ang pagkayod ni Trevor sa pagtatrabaho ng dalawa, iyon ay para mabayaran na si Mike at para makapagsimula nang bago kasama ang babaeng nais niya na sanang makasama habambuhay.

Mahigpit na niyakap ni Michelle si Trevor. Hindi niya maipaliwanag, ngunit alam niyang lahat ng sinasabi ni Trevor ay totoo. Sa ilang buwan nilang nagsasama, kitang-kita sa pakikitungo ni Trevor sa kanya kung gaano ito kabuting tao. Talagang nagipit lamang siya noong sinubukan siya ng pagkakataon noon, ngunit ngayon nama’y sinusubukan niyang ayusin ang lahat.

“Tahan na, babe. Tutulungan kita. Aayusin natin ang lahat,” bulong ni Michelle sa binata.

Tinulungan ni Michelle si Trevor na makabayad kay Mike. Kinausap na rin ni Trevor ng maayos si Mike upang hindi na ito manggulo pa sa masaya nilang pagsasama ni Michelle. Nang dahil sa pagsubok na iyon, mas pinagtibay ang relasyon ni Michelle at Trevor. Napatunayan nilang hindi hadlang ang nakaraan sa mga taong tapat na nagmamahalan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.