Nang nasa ika-pitong taon na ng relasyon sina Andre at Kris, kaya’t hindi maiiwasan ang mga kwentuhan kung paano ang magiging sitwasyon nila kapag sila’y nagpakasal na.
“Babe, paano na kaya ‘pag kinasal na tayo?” tanong ni Kris sa kanyang nobyo.
“Siyempre kung paano ang pakikitungo ko sa’yo ngayon, lahat ng pinaparamdam ko sa iyo ay dodoble,” naka-ngiting sagot naman ni Andre sa nobya sabay halik sa noo.
“Magiging sweet ka pa rin? Magiging loyal ka pa rin at maalaga?” muling tanong ng dalaga.
“Oo naman, palagi kitang aalagaan kasi mahal kita. Lagi kang relax at hinding-hindi kita bibigyan ng dahilan para sumakit ang ulo mo,” sabi naman ng binata.
“Wow! Grabe naman. Baka magmukhang alipin ka naman kapag ganoon. Ayaw ko, gusto ko hati tayo sa trabaho,” sabi ni Kris sa kanyang nobyo na ikinagulat naman nito.
“Hindi naman pwede ‘yun. Babae ka, lalaki ako. Hindi naman pwedeng equal tayo sa gawaing bahay. Mapapagod ka lang, kaya ako na lang ang gagawa,” inis na sabi naman ng nobyo na siyang ikinabahala ng dalaga.
“Teka, bakit naiinis ka? Nag-uusap lang naman tayo pero bakit napipikon ka?” takot na tanong ni Kris sa kanyang nobyo.
“Wala! Bahala na. Bakit kasi nagtatanong ng tungkol sa mga ganyan, nagmamadali ka ata e. Makaalis na nga muna dito,” sagot ni Andre sabay nagmadaling lumabas ng kanilang tinutuluyan. Sa sobrang takot ng dalaga ay hindi niya nagawang linisin ang kanilang pinagkainan dahil baka magalit lang sa kanya si Andre. Humiga ito sa kama at tuluyang nakatulog.
Ilang oras ang lumipas nang magising si Kris dahil nakaamoy ito ng rosas sa paligid. Pagmulat niya ng kanyang mata ay tumambad sa kanya ang napakaraming rosas at kandila na nakapaligid sa buong bahay. Sa kabilang dulo ay nakita niya ang kanyang nobyo na may dalang isang bugkos ng pulang rosas at dahan-dahang naglalakad papunta sa kanya.
“Sorry. Hindi ko alam kung bakit naging ganoon kainit ang ulo ko kanina. Alam ko mali ako. Sana mapatawad mo ako, babe,” sabi nito habang ini-aabot ang dalang rosas sa nobya. Kinuha naman ito ni Kris at hinalikan ang kanyang nobyo bilang pasasalamat.
“Sorry din kung pakiramdam mo ay nagmamadali ako. Hindi lang ako makapaghintay na maikasal sa’yo,” paliwanag naman ni Kris. Magsasalita pa sana ito subalit naunahan siya ni Andre kaya wala siyang nagawa kundi ang manatiling tahimik.
“Bago matapos ang gabi na ito ay sana buong puso mo akong mapatawad. Sana rin ay magbago na ang estado ng relasyon natin. Dahil ayaw na kitang maging girlfriend lamang,” sabi ni Andre na siyang nagpalito sa kanyang nobya.
“Will you marry me?” tanong nito na labis na ikinagulat ng dalaga. Napatalon ito sa tuwa at agad na niyakap ng mahigpit ang binata.
“Yes, love. Siyempre. Pangarap kong ikasal sa’yo,” sagot ng dalaga na siyang dahilan ng pagiging kumpleto ng kanilang gabi.
Kinabukasan nang magising si Kris ay nagulat siya ng wala na sa kanyang tabi si Andre. Nagulat siya dahil kahit kailan ay hindi naunang magising si Andre sa kanya. Kaya naman agad siyang tumayo para hanapin ang nobyo. Pagpasok nito ng kusina ay nagulat ito ng makita ang binata na nakangiti sa kanya habang hinihintay siyang samahan sa hapag-kainan.
“Good morning, love,” masayang bati ni Andre.
“Good morning din, love. San galing ‘tong food? Anong oras ka nagising?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“Sabi sa’yo e. Prinsesa ka sa akin ‘pag kinasal na tayo,” sagot naman ng nobyo niya. Natuwa naman ang dalaga sa surpresa ng kanyang nobyo kaya hindi na niya napansin ang huling sinabi nito.
“Babe, mamaya aalis tayo ha? Mag-asikaso na tayo agad ng kasal natin para next month, misis na kita,” pag-aaya ni Andre sa kanyang nobya. Tinanguan naman siya ng dalaga at nginitian bilang pagsang-ayon dahil puno ng pagkain ang kanyang bibig.
Ilang oras ang lumipas ay natapos nila ang ilan nilang mga lakad sa pag-aasikaso ng kanilang kasal kaya nagkayayaan muna silang magpahinga.
“Babe, pahinga muna tayo sa kainan or coffee shop. Pagod na kasi ako,” hingal na sabi ni Kris. Pumayag naman si Andre at inalalayan na ang kanyang nobya hanggang sa makarating sila sa coffee shop.
“Grabe ‘no, ang daming kailangan asikasuhin pag ikakasal pero sobrang sulit naman nito pagkatapos kaya ayos lang,” sabi ni Kris nang makarating na sila sa coffee shop.
“Kaya nga e. Pero habambuhay na kaligayahan naman ang kapalit nito,” sagot ng kanyang nobyo. Habang nagpapahinga ang dalawa ay halos madura ni Kris ang kanyang inumin ng makita ang kanyang mga magulang at ang magulang ni Andre na naglalakad papalapit sa kanila.
“Ma! Pa! Bakit po kayo nandito? Hello po tito, tita,” gulat na tanong ni Kris sa mga kanilang magulang. Natawa naman ang nobyo nito at doon siya nakahalata na pinapunta ni Andre ang kanilang magulang para sabihin ang balita.
“Tita at tito ba talaga? Hindi ba dapat mama at papa na rin ang tawag mo sa magulang ni Andre?” tanong ng ina ni Kris na lalong ikinagulat ng dalaga.
“Alam niyo na po?” muling tanong ni Kris na halatang nalilito pa rin sa nangyayari.
Dahil dito ay ipinaliwanag na ni Andre ang lahat sa kanyang kasintahan. Sinabi niya rin na pinapunta na niya ang kanilang mga magulang sa coffee shop nung umaga pa lang.
Nang natapos ang kwentuhan ng dalawang pamilya ay dito na sila nagkasundo na umuwi sa kani-kanilang bahay.
Pagkatapos ng kasal at selebrasyon nila Kris at Andre bilang mag nobyo ay dito na ibinahagi ni Andre ang kanyang mga plano sa kanilang dalawa.
“Babe, dito ka na lang sa bahay. Ako na ang magtatrabaho para sa atin. Hindi ka na rin pwede umalis ng hindi ako kasama,” nagulat naman si Kris sa mga utos ni Andre kaya sinubukan niyang kontrahin ito.
“Babe, sayang naman yung pinag-aralan ko kung hindi ako magtatrabaho tsaka paano yung social life ko? May mga kaibigan pa rin naman ako,” sagot nito. Halos bumaliktad ang mala-prinsesang buhay ni Kris nang bigla siyang ambahan ng sapak ni Andre.
“‘DI BA SABI KO DITO KA LANG? TSAKA BAKIT KAILANGAN MO NG KAIBIGAN, LALANDI KA LANG ATA SA IBA E!” nanggigigil na sabi ni Andre habang nakaakmang sasapakin ang asawa.
Sa sobrang takot ni Kris ay wala siyang nagawa kundi ang maluha. Ibinaba naman ni Andre ang kanyang kamay at umalis saglit ng kanilang bahay. Dito na nagmadaling nag-empake ang dalaga at umalis ng kanilang bahay. Nagpunta ito sa mga magulang ni Andre para kausapin tungkol sa anak. Laking gulat naman ng mga ito sa ikinuwento ng dalaga kaya agad nilang tinawagan si Andre para pumunta sa kanila.
Nang makarating sa bahay ang lalaki ay agad siyang sinalubong ng sampal ng kanyang ina.
“Anong plano mo? Mananakit ka ng babae? Tapos ano? Mabubulok ka sa kulungan? Bakit mo sinasakal ang asawa mo? Ginagawa mo siyang preso,” galit na sabi ng ina ni Andre.
“Sorry, ma. Ako kasi ang lalaki kaya ako dapat ang provider sa amin,” pagpapaliwanag ni Andre sa ina. Natawa naman ang ama nito at saka nagsimulang pagsabihan ang anak.
“Sa tingin mo, aasenso kayo kung isa lang ang gumagawa sa inyo? Sa tingin mo, anong buhay natin kung hindi nagtrabaho ang mama mo? Hindi pinag-aral si Kris ng magulang niya para lang ikulong mo sa bahay niyo.”
Dahil dito ay natauhan si Andre at humingi ng tawad sa asawa. Nangako rin siyang hinding-hindi na mauulit ang nagawa niyang pang-aambang pananakit sa asawa, at hindi na rin niya ito itatratong para bang isang bilanggo sa kanilang bahay.
At dahil mahal na mahal ni Kris ang mister niya, nagtiwala siyang gagawin nito ang lahat ng mga pangako niya. Lumipas ang ilang buwan, mabuti na lamang at muli niyang pinagkatiwalaan si Andre. Dahil simula nang nangyari ang komprontasyon noon, nag-iba na ito ng pakikitungo kay Kris.
Natutunan din ng mag-asawa na ang sapat na pag-uusap at magandang komunikasyon ay isa sa mga susi sa magandang pagsasama.