Maitim, pango, pandak at mabaho. ‘Yan ang madalas na naririnig ni Bernice mula sa mga kaklase at kapitbahay nila. Kaya naman ay minsan nawawalan na siya ng gana sa sarili at sa pangarap nitong maging artista.
“Kapag ako naging artista, babawiin niyo ang lahat ng masasakit na sinasabi niyo,” iyak na sigaw nito pagkatapos siyang punasan ng pambura ng blackboard.
“Ay sorry, akala ko kasi ikaw yung blackboard. Ang itim mo kasi,” pangungutya ng isa nitong kaklase. Dahil dito ay nagtawanan ang lahat ng kaklase ni Bernice dahilan para lalong lumakas ang kanyang pag-iyak. Agad naman itong narinig ng isang titser kaya nagmadali itong nagpunta sa kanilang silid-aralan para silipin ang nangyayari.
“Anong nangyayari rito? Bakit umiiyak ang isa niyong kaklase?” tanong ng titser habang nililinis ang nadumihang bahagi ng mukha ni Bernice. Wala namang sumagot sa mga bata kaya dinala ang kanilang buong klase sa guidance para malaman ang tunay na nangyari.
“Gusto kong ikwento mo, Bernice, ang totoong nangyari sa classroom niyo,” sabi ng guidance councilor pagkarating ng mga bata sa kanyang opisina. Dito, sinabi ng dalaga ang lahat ng pangungutya ng kanyang mga kaklase dahil lamang sa lagi niyang sinasabi na magiging artista siya paglaki.
“Alam mo hija, mas maganda kung ang iyong pangarap ay itatago mo na lang sa sarili mo. Hindi dahil sa totoo yung sinasabi nila, ito ay para pag natupad mo na yung pangarap mo, magugulat ang lahat sa tagumpay mo,” nakangiting sabi ng kausap ni Bernice. Kahit na alam ng dalaga na binobola lang siya nito ay nginitian niya ito pabalik para matapos na ang kanilang usapan.
Ngunit, dahil sa pagsusumbong nito ay lalong lumala ang pang-aasar sa kanya ng mga kaklase niya. Natapos ang pagiging third year high school nito na punong-puno ng mapapait na alaala. Dahil dito ay nanonood si Bernice ng mga palabas tungkol sa pag-aayos sa sarili at pagpapaganda.
Sa loob lamang ng isang buwan ay natutunan na niya ito at dinagdagan pa ng surpresa ng pagdadalaga ay bumilis ang pagiging matangkad niya pati na rin ang paglaki ng kanyang dibdib at beywang. Ang ilong niya rin ay nagkahulma at bumagay sa kanyang itsura.
“Anak? Ikaw na ba ‘yan?” tanong ng ina nito habang kausap si Bernice sa videochat.
“Opo Ma, ang galing ‘no? Nagdalaga lang ako, ganto na yung nangyari sa akin,” masayang sagot nito na hinaluan pa ng pagpatak ng luha.
“Masaya ka pero umiiyak ka, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong pa ng ina nito.
“Opo ma, pasukan na naman kasi. Baka kung ano anong kabulastugan na naman ang sabihin sa akin ng mga kaklase ko,” nanginginig na sagot ng dalaga.
“Alam mo, anak? Hayaan mo lang sila. Ganyan ang mga taong walang sariling pangarap. Talagang hihilahin nila pababa ang mga taong nakikita nilang nagpupursigi sa buhay. Nang sa gayon ay hindi sila nag-iisang sadlak sa buhay,” nakangiting sabi ng ina na siyang nagpatahan kay Bernice. Natapos naman ang usapan nila na masaya ang dalaga kaya nakatulog ito ng mahimbing at handa sa unang araw ng pasukan.
Kinaumagahan ay agad na nag-ayos si Bernice para sa klase at pumasok. Pagdating nito sa kanilang silid, laking pagtataka niya nang mapansing titig na titig sa kanya ang mga kamag-aral at maging ang titser nila. Kinabahan na naman siya dahil sigurado siyang pipintasan na naman siya ng mga ito.
“Excuse me, miss. Naliligaw ka po ba?” sabi ng dati nitong kaklase.
“Huy, hindi mo ba ako naalala?” nagtatakang tanong niya sa dating nanlalait sa kanya.
“Ha? Nagkita na ba tayo?” sagot naman ng binata. Dahil dito ay napangiti ang dalaga at umiling na lamang at nagpatuloy sa paglalakad. Habang naglalakad ito ay nilapitan siya muli ng dating kaklase para humingi ng isang litrato.
“Bakit gusto mong magpapicture?” nagtatakang tanong niya.
“Mukha ka kasing artista,” sagot ng kaklase nito sabay pakuha ng litrato kay Bernice. Pagkatapos ay nagtuloy ito sa guidance councilor na nakausap niya dati.
Pagkarating nito sa opisina ay saktong kakalabas lang ng huling kausap ng councilor.
“Yes, tuloy ka. Anong maipaglilingkod ko?” sabi nito sa babae.
“Ma’am Angel, ganito po pala ang pakiramdam ng sikat. Gusto nila yung picture ko. Akala nila artista ako,” tuloy tuloy na sabi nito kaya naman nagtaka si Angel kung sino ang kanyang kausap.
“Bernice? Ikaw na ba yan? Grabe ha. Sobrang ganda mo na! Anong nangyari sa’yo?” masayang tanong nito sa dalaga.
“Yes, ma’am. Sinampal lang po ako ng pagdadalaga at natutong mag-ayos kahit kaunti,” sagot naman ni Bernice na buo na ang kompiyansa sa sarili. Dahil sa malaking pagbabago sa dalaga ay ipinakilala ni Angel si Bernice sa kanyang pinsan na nagtatrabaho sa isang TV show para matingnan kung kayang mag-artista ni Bernice.
Dahil sa galing na ipinakita ni Bernice sa lahat ng talentong hiniling sa kanya ay nakapasa siya sa pagiging artista. Pinatawad rin niya ang kanyang dating mga kaklase at sila’y naging magkakaibigan.
Sa kabila ng tagumpay na nakamit, palagi niya pa ring ipinapalaganap ang adbokasiya ng “Anti-bullying Campaign” dahil sigurado siyang napakarami nang pangarap na nasira nang dahil sa panghahamak ng mga tao sa isang taong nangangarap.