“Walang inang matitiis ang isang anak,” awit ng mga mag-aaral ng baitang sampu bilang pagpupugay sa kabutihang ginawa ng kani-kanilang mga magulang.
Isa sa kanila ay si Claire na pinakamagaling na mang-aawit sa buong klase nila. Bukod doon ay mayaman, matalino at maganda si Claire kaya naman halos mainggit sa kaniya ang mga babaeng nakakakilala sa kaniya. Inggit na para sa dalaga ay hindi dapat maramdaman ng kahit na sino ngunit narito siyang nakatitig sa mga kaklase niyang yakap-yakap ang kani-kanilang magulang.
Nagsibaba ang mga kaklase ni Claire at sinabitan ng kwintas na ribbon ang kani-kanilang magulang habang siya’y nasa itaas at patuloy na umaawit. Hiniling niya talagang maiwan sa gitna ng entablado dahil wala naman siyang magulang na sasabitan ng kwintas na laso.
Natapos ang awit. Bawat isang estudyante ay bakas ang saya sa kanilang mga mukha maliban kay Claire. Tumulo ang luha sa kaniyang mga mata na agad din niyang pinahid. Mabilis siyang umalis sa stage at tinawagan ang driver na susundo sa kaniya.
Nang marating ang malaking bahay na pagmamay-ari nila ay lalong nawalan ng gana si Claire. Sino bang ang nanaising tumira sa isang napakalaking bahay nang mag-isa at tanging mga katulong lang ang kasama? Pumasok sa kaniyang silid si Claire at doon ibinuhos lahat ng sakit na kanina niya pa nadarama.
Napangiti na lang ng mapait si Claire nang maalala ang minsang pagtatalo nila ng kaniyang ina.
“Aalis ka, mommy?” diretsahang tanong ni Claire nang makitang may dalang maleta ang kaniyang ina. “Isang linggo lang. May trabaho kasi akong aasikasuhin sa Korea at kailangan ako ang pumunta.”
Tinakbo ni Claire ang pagitan nila ng kaniyang ina.
“Dito ka na lang, mommy. Huwag ka namang umalis, pakiusap!” nagmamakaawa ang boses ng dalagang si Claire. Hindi niya gustong umalis ang ina dahil pakiramdam niya’y magiging mag-isa siya habang buhay.
“Kailangan kong magtrabaho para sa’yo,” seryosong saad ng ina ni Claire.
“Para sa akin?” May hinanakit sa boses ng dalaga. “Ikaw ang kailangan ko! Ikaw at ang pagmamahal mo, mommy. Ikaw lang!” humihikbing wika ni Claire.
“Wala akong pakialam kung hindi tayo mayaman, kung may pera ba tayo o wala o kahit anong materyal na kagamitan dahil hindi sapat ang mga ‘yan para punan ‘yong pagmamahal na gusto ko. Huwag ka nang umalis,” humihikbing pakiusap ng dalaga.
“Hindi kita mabubuhay kung pagmamahal lang ang ibibigay ko sa’yo, Claire. Ginagawa ko ang lahat ng ito para sa’yo!” May bigat ang bawat salitang binitawan ng ina ng dalaga.
Napahagulgol muna si Claire bago muling nagsalita. “Kahit iparamdam mo na lang na mahal mo ako, mommy. Kahit iyon na lang kung talagang mahal mo nga ako.”
Binitiwan na ni Claire ang kapit sa ina at tumalikod papuntang kwarto ngunit bago niya isara ang pinto ay nagsalita muna siya. “Minsan hindi lang pera ang kailangan para mabuhay sa mundo. Kailangan din ng pagmamahal. Kung wala ang isa hindi ka mabubuhay.”
Tuluyang isinara ni Claire ang pinto at ibinuhos ang lahat ng sakit bago makatulog.
Hindi namalayan ni Claire na nakatulog na siya. Alas sais y medya nang magising siya sa sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mukha. Isang buwan na simula nung makaalis ang kaniyang ina at nasisiguro niyang nakabalik na ang kaniyang mommy.
“Claire, tignan mo ang lahat ng binili ko para sa’yo,” saad ng ina ng dalaga.
Nilampasan lang ni Claire ang ina at nagpatuloy sa pagkuha ng tubig sa refrigerator.
Sapatos, dress, gadgets at iba’t ibang pagkain ang dala ng kaniyang ina pero hindi naman niya kailangan ito.
Matapos uminom ng tubig ay naligo at nagbihis si Claire. Pumunta siya sa isang charity na kaniyang hinahandugan ng awit. Masaya siyang maging kabahagi ng charity para sa mga batang kailanman ay hindi nakaramdam ng pagmamahal mula rin sa kanilang mga pamilya.
Ang perang nakukuha niya sa kaniyang ina ay idino-donate niya rito upang makatulong sa mga bata. Pamilya ang turing niya sa mga ito at doon niya nararamdaman ang tunay na pagmamahal ng pamilya.
Hindi kalayuan ay may isang aleng nakatingin sa kaniya. Tinatanaw ang bawat kilos ng dalaga.
“Kids, aalis na si Ate Claire. Magpaalam na kayo.” Agad nagsitakbuhan ang mga bata kay Claire at mahigpit siyang niyakap ng mga ito. “Magpakabait kayo,” wika ng dalaga sa mga batang nakayakap sa kaniya.
Nagpaalam na si Claire. Habang naghihintay ng masasakyan ay isang babae ang napansin niyang nakatitig sa kaniya. Madumi, halatang hindi pa naliligo at nangangamoy na rin ang katawan nito. Sira-sira ang damit. Sa isang salita ay pulubi ang batang babae.
Nilapitan ito ni Claire para kausapin.
“Bata, gusto mong kumain?” Lumayo ang bata kay Claire at takot na mapadikit dito.
Para sa bata ang katulad ni Claire na mayaman ay matapobre at walang ibang ginawa kung hindi husgahan ang mga tulad niyang mahihirap. Sa kabilang banda naman ay naroon ang aleng kanina pang nakatitig kay Claire na siya ring ina ng batang pulubi.
Bumili si Claire ng pagkain. Maging ang mga kasamahan ng batang pulubi ay binilhan din niya. Hindi magkamayaw ang mga pulubing gutom na gutom sa lansangan. Nilapitan ni Claire ang pulubing ale na laging nakatingin sa kaniya simula nung nasa charity pa siya.
“Okay lang po ba kayo?” pagbungad ni Claire sa aleng pulubi. “Oo,” may kabang sambit ng ale.
Napatango si Claire at inabutan niya ng pagkain ang ale at tsaka siya ngumiti. “Salamat,” tugon ng ale kay Claire. “Napakabuti mo. Siguro’y talagang dito ka dinala ng Diyos upang makatulong sa mga katulad namin.” Kumain ang ale matapos ang litanya niya kay Claire.
Napangiti si Claire at tila may napagtanto sa sinabi nito. Diyos ang nagdala sa kaniya sa pagkakataong ito. Kung ganoon iyon ba ang dahilan kung bakit nangyari ang lahat ng iyon sa kaniya? Ngayon pakiramdam niya ay nagkakalinaw na.
“Masuwerte ang mga magulang mo sa iyo, hija. Patnubayan ka nawa ng Diyos.”
Umuwi ng bahay si Claire na pagod na pagod. Pumasok agad ito sa kwarto na hindi nakapagpalit ng kasuotan. Naalimpungatan lang siya nang maramdamang may humahaplos sa kaniyang buhok at wari’y naririnig niyang humihikbi ito.
“Kailan nga ba ako naging ina sa’yo, Claire?” mahinang tanong ng kaniyang mommy.
Hindi nagmulat si Claire at pinakinggan lang ang ina.
“Mahal kita, anak. Patawad kung hindi ko maipakita ito nang buo. Patawarin mo si mommy dahil nasasaktan pa rin ako sa pagkawala ng daddy mo. Patawad kung hinayaan kong mag-isa ka sa laban ng buhay mo. Kung pera ang nagpaikot sa mundo ko, patawad, anak.” Hinalikan ng babae ang anak na mahimbing nang natutulog bago pinahid ang luha at umalis.
Nagmulat naman ng mga mata si Claire at gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi. “Ako ang suwerte, ale, dahil mahal pala ako ni mama.”
Simula nung araw na iyon ay mas naiintindihan na ni Claire ang kaniyang ina. Nagpapasalamat siya sa Diyos na nagising siya nang gabing iyon upang maramdaman ang pagmamahal na matagal na niyang hinahangad. Ito na siguro ang pinakamagandang premyong natamo niya dahil sa kaniyang pagiging mabuti sa iba.
Simula noon ay mas naging maganda ang samahan nila ng kaniyang ina kahit pa patuloy pa rin ito sa pagpapabalik-balik sa kung saan-saan. Mas pinili na lang ni Claire na intindihin ito upang mas maging maayos ang kanilang pagsasama.