
Hangganan ng Kabutihan
“Pare, pautang naman ako, o,” walang pakundangang saad ng kaibigan ni Edward na si Marc nang mabungaran niya ito pagkabukas na pagkabukas pa lang ng pintuan ng kanilang bahay.
Nagulat man ay mabilis na nakabawi si Edward sa pagkabigla. “Eh, pare, saan mo ba gagamitin ang pera?” mahinahong tanong niya pa habang puno ng kuryosidad na nakatingin sa kausap. “Kasi, pare, natalo ako sa sugal. Pagagalitan ako ni misis kapag umuwi akong walang dalang pera,” kakamot-kamot sa ulong sagot naman ni Marc.
Napakamot na rin si Edward sa kaniyang ulo. “Na naman? Pare, lagi ka na lang natatalo sa sugal. Kung ako sa iyo ititigil ko na lang ‘yan,” pagbibigay pa ni Edward ng payong kaibigan sa lalaki.
“Oo, pare. Last ko na ‘to. Hindi na talaga ako magsusugal. Promise. Basta pautangin mo lang ako ngayon,” sabi ni Marc.
Hindi naman matiis ni Edward ang kaibigan. Sa katunayan ay halos lahat ng lumalapit sa kaniya, mapakaibigan, kapitbahay, kamag-anak o katrabaho ay nagagawa niyang pagbigyan. Sadyang mabuti kasi ang kalooban niya na handang tumulong sa kapwa o sa sinumang nangangailangan sa kaniya.
Ngunit ilang araw lang ang nakakalipas ay muling tumakbo si Marc sa kaniya. Kumatok ito sa kaniyang pintuan kahit nasa kalagitnaan na ng hatinggabi at masarap na ang tulog ni Edward at ng kaniyang asawa.
“O, pare, anong problema at napasugod ka?” tanong ni Edward sa kaibigang animo’y pinagsakluban ng langit at lupa ang hitsura. Bitbit nito ang isang malaking maleta, malamlam ang mga mata at may pasa pa sa ilalim niyon nang humarap ito sa kaniya.
Tsaka ito naiiyak na nagsabing, “Edward, pare, puwede ba akong makitulog dito sa inyo kahit ilang araw lang? Nag-away kasi kami ni misis at pinalayas ako.”
Kahit masama ang tinging ipinupukol sa kaniya ng misis niya na nang mga panahong iyon ay nabulabog mula sa kasarapan ng tulog ay hindi pa rin nakatiis si Edward na hindi patuluyin si Marc sa kanilang tahanan. Malugod niya itong tinanggap at ini-offer ang isang bakanteng kwarto sa kanilang tahanan upang pansamantala nitong tulugan.
Noong una ay okay naman ang pananatili ni Marc sa bahay ni Edward. Tumutulong ito sa kanila sa mga gawaing-bahay dahil nahihiya raw itong wala man lang maiabot na ambag sa pang-araw-araw na gastusin nila sa bahay gayong nakikitira ito.
“Ayos lang ‘yon. Bumawi ka na lang kapag nakahanap ka na ng trabaho,” tanging sagot naman ng mabait na si Edward noon.
Ngunit lumipas ang ilang linggo at unti-unti nang nagkakaroon ng pagbabago. Halos hindi na kasi lumalabas si Marc sa kwartong ipinahiram ni Edward dito kung ‘di lang nito kailangang kumain at maligo. Minsan ay ang asawa pa ni Edward ang naglilinis ng mga pinagkalatan nito habang si Marc ay animo’y haring nakahilata sa salas at nanunuod lang ng TV. Kung utus-utusan din ni Marc ang nag-iisang anak ng kaibigan ay animo’y ito ang may-ari ng kanilang bahay.
Lumabas ang tunay na ugali ng batugang si Marc dahil palagi na lang itong pinagbibigyan ni Edward. Umabot pa sa puntong pinag-aawayan na nilang mag-asawa ang sitwasyon ngunit talagang walang hiya ang mokong.
“Pare, alam mo feeling ko ina-under ka lang niyang misis mo, eh. Kung ako sa’yo hihiwalayan ko ‘yan.”
Isang gabi ay nagawa pang sulsulan ni Marc ang kaibigang si Edward na agad namang ikinakunot ng noo nito. “Minsan pa nga, pare, napapansin ko na parang inaakit ako ng asawa mo, eh. Sa totoo lang, pare, ha, hindi sa gusto ko kayong siraan…”
Ngunit hindi pa man natatapos ni Marc ang sasabihin ay isang malakas na suntok mula sa nanggagalaiting kamao ni Edward ang siyang nagpaputok sa labi nito!
Napamura si Marc sa sakit samantalang si Edward naman ay bumuwelo pa ng isang suntok na muli na namang nakapagpaputok sa kilay ng kaibigang si Marc. Galit na galit dahil sa mga kasinungalingang sinasabi nito para lang hindi siya paalisin ni Edward sa bahay.
“Ang kapal ng mukha mo, pare. Halos pakainin kita sa palad ko ‘tapos ito pa ang igaganti mo sa amin? Lumayas ka na rito at huwag ka nang magpapakita pa ulit sa akin!” sigaw ni Edward sa lalaki.
Tumatakbong lumabas ng bahay ang nahihintakutang si Marc. Ni hindi na nagawang kunin pa ang kaniyang mga gamit na kalauna’y itinapon na lang ng mag-asawa.
Iyon na ang huling pagkakataong nakita ni Edward ang dating kaibigang nag-iwan sa kaniya ng isang malaking leksyon sa buhay.
Hindi masamang tumulong sa kapwa ngunit dapat ay matuto tayong alamin kung sino ang mas karapat-dapat tulungan. Marami kasing abusado sa mundo at iyong iba ay nagpapanggap pang kaibigan.