Inday TrendingInday Trending
Dalawang Beki Sa Pilahan

Dalawang Beki Sa Pilahan

InspiringLoveStories

Masama ang tingin na ipinukol ni Felix sa dalawang beki na nasa unahang bahagi ng pila sa terminal ng jeep. Medyo maingay kasi kung magkuwentuhan ang dalawa, gamit ang ipit na ipit nilang mga boses para lang magtunog manipis iyon kahit na halos mas nakausli pa ang adamʼs apple ng mga ito kaysa sa kaniya.

Bukod sa pagtikwas ng mga daliri ng dalawang beki ay nakadaragdag din sa pagkairita ni Felix ang malalanding pagpila-pilantik ng baywang ng mga ito pati na rin ang hindi mawariʼt maintindihang lenguwaheng ginagamit nila sa pag-uusap.

Hindi tuloy maiwasan ni Felix na itanong sa sarili kung “bakit nga kaya may mga taong ipinanganak para lang maging makasalanan?”

Kapag minamalas ka nga naman, sabi pa ni Felix sa kaniyang isipan. Badtrip na kasi siya sa trabaho, tapos, mga ganitong klaseng tao pa ang makakasalamuha niya sa daan. Napalamukos na lang tuloy siya sa mukha.

Hanggang sa maya-mayaʼy dumating na ang pampasaherong jeep na kanina pa hinihintay ni Felix at ng iba pang mga taong nakapila roon sa may terminal. Disi otso katao lang ang makasasakay sa jeep, kaya naman halos mag-unahan ang mga naroon kahit pa nga sila ay nakapila na. Ngunit isang pambihirang pagkakataon ang noon ay masasaksihan pala ni Felix nang mga sandaling iyon…

“Ate, una na po kayo,” saad ng isa sa dalawang binabaeng kinaiinisan ni Felix kanina pa. “Kayo rin po, ‘nay. Halina ho kayo,” dagdag pa nito sabay alalay sa isang matandang babae habang sumasakay pa ang dalawang babae ring pinauna nila ng kasama nitong isa pang beki. Sa huli ay hindi nakasakay ang dalawang beki at kasama pa rin sila nina Felix na naghintay sa susunod pang jeep na darating.

Nagulat si Felix sa naging kilos ng dalawa dahil sa dinami-rami ng kalalakihang naroon ay ang mga ito pa ang tanging nakagawa ng pagbibigay sa mga kababaihang kapwa rin nila pasahero.

Hindi naman nagtagal ang paghihintay nila at dumating na rin kaagad ang susunod na pampasaherong jeep sa terminal—at mas lalo pa ngang nagulantang si Felix nang muling ulitin ng dalawang beki ang kanilang pagkakawang gawa.

Sa huli ay muli na namang naubusan ng puwestong uupuan ang dalawa kaya naman minabuti na lamang nilang sumabit sa sasakyan.

“Maraming salamat po!”

“Napakababait nʼyo, mga hijo. Salamat.”

Pareparehong nakangiti ang mga babaeng pinauna ng dalawang beki sa upuan, pati na rin ang dalawang senior citizen na kanila pang inalalayan habang umaakyat ng sasakyan. Puring-puri ang mabubuti palang kabaklaan, salungat sa pinaniniwalaan ni Felix.

“Wala pong anuman,” nakangiting sagot ng pa ng dalawa bago nila ipinagpatuloy ang pagkukuwentuhan nila, kahit pa medyo hirap sila sa pagsabit sa sasakyan.

Pakiramdam ni Felix ay napahiya siya sa kaniyang sarili. Talagang naantig ang puso niya sa ginawang kabutihan ng dalawa para sa mga kababaihan, kahit pa nga, pusong babae rin sila. Ang mga taong ito pala, ganito man ang kilos at pananalita ay nananatiling tanggap ang kanilang tunay na pagkatao, at hindi na naghahangad pa ng espesyal na pagtrato mula sa iba.

Sa kabila ng talamak na diskriminasyon ngayon laban sa kanila ay naging isa si Felix sa mga taong nagbago ang pananaw dahil siya mismo ang nakasaksi sa kabutihan ng dalawa sa mga katulad nila. Sa pagkakataong iyon ay binawi ni Felix ang mga sinabi niya kanina sa kaniyang sarili.

“Para po!”

Nang magkaroon ng espasyo ay nakaupo na sa wakas ang dalawang beki. Halata ang pagod sa mukha ng mga ito, ngunit kakatwang nananatiling may ngiti sa kanilang mga labi. Kung kanina ay naiinis si Felix sa ingay ng kanilang kuwentuhan, ngayon ay tila ikinatutuwa niya na iyon.

Lihim din siyang napangiti habang nakikinig sa nakaaaliw palang usapan ng dalawa tungkol sa hirap nila sa kanilang trabaho, mga utang at kung anu-ano pa. Kaiba iyon sa iniisip ni Felix na puro kalaswaan lang ang pinag-uusapan nila.

Maya-maya paʼy hindi na nakapagpigil pa si Felix at lihim na inilabas ang kaniyang cellphone upang kuhanan ng picture ang dalawa. Pagkatapos ay binuksan niya ang kaniyang facebook upang doon ay purihin ang dalawa sa ginawa nilang kabutihan ngayon.

Mabilis na nag-viral ang post na iyon ni Felix na nakahikayat din ng iba upang sumuporta pa sa mga katulad ng dalawang mabubuting taong iyon na miyembro ng LGBTQ+ Community.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.