Inday TrendingInday Trending
Papasukin Mo Ako, Manong!

Papasukin Mo Ako, Manong!

“O, iho. Bawal iyang buhok mo. Hindi ba nasabi na sa inyo na bawal ang mahabang buhok sa lalaki? Tapos iyang sa iyo pa may kulay berde. Bawal iyan. Magpagupit ka muna bago ka pumasok. Hindi ka rin tatanggapin ng mga professor mo,” pangangaral ni Mang Raul sa isa sa mga pasaway na estudyanteng hindi sumusunod sa pamantayan ng paaralan.

“Manong guard, naman. Exam namin ngayon. Sige na. Papasukin mo na ako. Kapag hindi ako nakapag-exam babagsak talaga ako. May posibilidad pang ulitin ko itong buong taon,” pagpupumilit ni Roel. Araw ngayon ng pagsusulit at kung hindi siya makakapasok ay wala na siyang tiyansang kunin muli ang pagsusulit na iyon

“Kahit na. Hindi ka rin tatanggapin. Tsaka kapag pinapasok kita ako ang mapapagalitan. Kasalanan mo iyan. Ayaw mong sumunod sa mga patakaran ng paaralan,” tugon ni Mang Raul tsaka nito pinilit na palabasin ng gate ang binata.

“Manong, naman. Para namang wala kang puso. Napakahigpit mo! Eh, hindi naman sa’yo itong school!” sigaw ni Roel.

Nagsimula nang magbulungan ang ibang nakapilang estudyante. Masasama ang mga tingin nito sa guwardiya.

“Ang dami pang satsat, eh. Sige na. Umuwi ka na. Ayusin mo muna iyang buhok mo. Marami pang nakapila, o,” taboy ng guwardiya.

Wala namang magawa ang binata kung ‘di ang sumunod “Kakarmahin ka rin! Napakatigas mo!” galit na sigaw ni Roel tsaka ito tuluyang umalis.

Sampung taon nang nanunungkulan bilang guwardiya si Mang Raul sa isang paaralan ng kolehiyo sa kanilang bayan. Sa loob ng mahabang taon na ito ay hindi na mabilang ang mga estudyanteng inis at galit sa kaniya. Mahigpit kasi ito at tila “walang puso” raw. Kahit ano pa kasing rason ng mga estudyante ay hindi niya ito papansinin. Basta’t hindi ka sumusunod sa patakaran hindi ka makakapasok.

Nung araw ding iyon, mga isang oras ang nakalipas, muling tinangkang pumasok ni Roel. Sa wakas ay pinapasok na siya nito. Napilitan siyang magpagupit at magpakulay ng itim sa buhok. May mga buhok pa nga ito sa kuwelyo at tila kalat pa sa anit ang kulay itim na pangkulay.

“Okay na? Maayos na ang buhok ko, ha. Baka hindi mo pa ako papasukin,” pilosopong tanong ng binata. Halata sa mukha niya na galing siya sa pag-iyak.

“Puwede na. Sige, good luck sa exam mo,” bruskong sambit ni Mang Raul.

“Kung makakaabot pa ako. Kapag ako hindi nakapag-exam malilintikan na raw talaga ako sa mga magulang ko,” banta ng binata.

Tila napatigil naman ang guwardiya pero hindi niya pinahalatang naaapektuhan siya sa sinabi ng binata.

Ayaw naman talaga ni Mang Raul na maging masyadong mahigpit ngunit sabi sa kaniya ng nakatataas kung hindi siya maghihigpit hindi siya gagalangin ng mga estudyante. Isa pa, magiging mga iresponsable ang mga ito.

Sa kasamaang palad ay hindi na nakaabot sa exam ang binata. Labis ang panggagalaiti niya sa guwardiya. Buo na ang loob niyang ipatumba ito sa mga tauhan ng tatay niya mamayang gabi. Ngunit tila napatigil siya nang makita niya ang ginagawa ng guwardiya.

Oras na nang pananghalian. Kitang-kita ni Roel kung paano kinuha ng guwardiya ang baon niyang pagkain at iniabot ito sa mga pulubing nanghihingi sa kaniya ng limos.

Agad itong nilapitan ng binata. Napansin naman siya agad ni Mang Raul. Halata na rin kasi ang pagkagutom sa mukha ng guwardiya.

“O, nakaabot ka ba sa exam mo?” pag-uusisa ni Mang Raul. Nakangiti na ito kay Roel. “Hindi,” matipid na sagot ni Roel.

“Bakit mo nga pala binigay ‘yung pananghalian mo doon sa mga pulubi?” tanong ng binata. “Palagi ko silang binibigyan ng pananghalian. Nakakaawa kasi, eh. Nakikita mo iyong pinakamatangkad sa kanila?” tanong ni Mang Raul habang tinuturo ang tumpok ng batang kalye na nagsasalo sa pananghalian ng guwardiya.

“Gustung-gusto nun mag-aral dito. Pero sabi niya pagkain nga lang daw wala sila pang-aral pa kaya? Hindi ko kasi sila kayang pag-aralin dahil may mga anak din ako, eh. Kaya, ayan, ibinibigay ko na lang ‘yung pananghalian ko sa kanila. Masaya na naman sila sa ganiyan,” nakangiting kuwento ng guwardiya. Ibang-iba sa istriktong guwardiya na nakilala ni Roel.

Tila napaisip naman ang binata sa kabaitang natunghayan niya. Naisip niya na kung hindi niya pala ito nakita ay baka bukas wala nang magpapakain sa mga batang kalye at lalo’t higit sa lahay ay wala nang maaasahan ang mga anak nito dahil sa balak niya itong ipatumba.

Nung araw ding iyon ay binilhan ng binata nang makakain ang naturang guwardiya. Natuwa naman ito. Lingid sa kaalaman ni Mang Raul ang binalak ng binata sa kaniya kanina.

Para lubos na makabawi ay araw-araw nang naglalaan ng oras at salapi so Roel upang sabay silang makakain ni Mang Raul. Kung sobra pa ang pera niya pati ang mga batang pulubi ay binibigyan niya ng makakain.

Maraming estudyante ang nakaalam ng istorya ni Mang Raul dahilan upang mag-umapaw ang mga donasyon para sa kaniya at para sa mga batang kalyeng sinusuportahan niya sa pagkain.

Madalas sa bruskong katawan nakatago ang pinakamalambot na puso kaya’t mag-ingat ka sa panghuhusga dahil kadalasan ay iba ang nilalaman ng puso sa pisikal na nakikita ng mga mata.

Advertisement