Inday TrendingInday Trending
Hoy, Ang Ingay Mo!

Hoy, Ang Ingay Mo!

“Papa! Puwede mo po bang patigilin sa pagkanta iyong babae sa kabilang apartment? May exam po kasi ako bukas, eh. Hindi po ako makapag-aral dahil sa ingay niya,” reklamo ni Madel sa kaniyang ama. Halata sa mukha ng babaeng ang pagkainis dahil sa malakas na ingay.

“Naku, Madel, nakakahiya. Hayaan mo na siya,” maikling tugon ng kaniyang ama habang naglalaro sa kaniyang selpon.

“Papa, naman. Nag-aaral ako, eh. Tsaka hindi ba bawal nang mag-videoke kapag hatinggabi na? Tapos siya nakatodo pa ata ang volume! Mag-iisang linggo na siyang ganiyan,” reklamo pa ng dalaga. Todo simangot na siya dahil sa pagkainis

“Pagpasensyahan mo na lang kaysa mapaaway pa tayo. Mahirap na lalo’t bagong lipat lang tayo. Hindi pa natin alam ang ugali nun. Matulog ka na lang muna at mamayang madaling araw ka na lang mag-aral,” saad ng kaniyang ama tsaka ito nagpatuloy sa paglalaro.

“Paano rin po ako makakatulog niyan, papa? Sobrang ingay. Bumibirit pa siya, o. Nakakainis!” sigaw ng dalaga tsaka padabog na nagtungo sa kaniyang silid.

“Kapag ako talaga hindi nakapasa ako na ang kakausap sa aleng iyan! Hindi man lang iniisip na nakakaperwisyo na siya sa mga kapitbahay niya,” sambit ni Madel sa sarili tsaka naglagay ng bulak sa tenga at nagtalakbong ng kumot.

Mag-iisang buwan pa lang naninirahan sa naturang apartment ang mag-ama. Noong mga unang linggo ay maayos silang nakakatulog. Nagagawa pa nga nilang tumawag sa nanay ng dalaga upang mangamusta man lang. Nasa ibang bansa kasi ito at ang umaga sa kanila ay gabi sa atin. Ngunit nitong mga nakaraang araw ay hindi nila magawang makapag-usap dahil hindi rin kasi sila nagkakaintindihan dulot ng malakas na ingay na nagmumula sa kabilang apartment. Hindi rin makapag-aral ang dalaga para sa kaniyang mga pagsusulit dahil dito.

Bandang mga alas dos ng madaling araw nung natigil sa pagkanta ang ale sa kabilang apartment. Mga ganoong oras na lang din nakakatulog ang dalaga.

Sinet ni Madel ang kaniyang alarm ng alas kwatro ng umaga para makapag-aral siya ngunit dahil nga sa pagkaantok ay hindi na niya nagawang mag-aral pa dahil nakatulog siya ulit. Saktong alas siyete na nang muling nagising si Madel, oras ng kaniyang pagpasok. Kaya naman dali-dali siyang nag-ayos upang kahit papaano ay makahabol siya sa kaniyang pagsusulit kahit wala siyang napag-aralan.

“Madel, ang dali ng exam kung nag-aral ka, ano? Perfect ko talaga iyon!” sigaw ng isang kaklase ng dalaga.

“Naku, ni isa walang tama sa sagot ko. Makakatikim talaga sa’kin iyang kapitbahay namin!” tugon ng dalaga tsaka nagmadaling umuwi sa kanilang bahay.

Pagkauwing-pagkauwi ni Madel ay inilapag niya lang ang kaniyang bag at agad na siyang nagtungo sa kabilang apartment. Ilang beses nang kumakatok ang dalaga ngunit walang sumasagot sa loob ng apartment.

“Diyos ko, dahil sa kakakanta tanghali na tulog pa rin! Naiwan pang nakabukas ang bahay!” inis na sambit ng dalaga sa sarili tsaka dahan-dahang binuksan ang pintuan.

Tumambad sa kaniya ang napakaruming bahay. Puno ng iba’t ibang kalat, sira-sirang sofa, mga bote ng alak at sabug-sabog na mga damit.

“Hello po? May tao po ba dito?” tawag ng dalaga ngunit wala pa ring sumasagot. Hanggang sa napadpad na siya sa loob ng kwarto. Doon niya nakita ang nakabulagtang ale. May mga hawak itong gamit at tila bumubula na ang bibig. Napasigaw sa takot ang dalaga at dali-daling tumakbo palabas.

Nakita naman si Madel ng kaniyang ama kaya agad siyang nitong tinanong. Sinabi ng dalaga ang kaniyang nakita at dali-dali itong pinuntahan ng kaniyang ama.

“Anak! Tumawag ka ng tricycle! Dalian mo!” natatarantang sigaw ng kaniyang ama habang papalabas ng bahay ng ale. Karga-karga nito ang babae.

Matagumpay naman nilang nadala sa ospital ang ale. Agad itong nalunasan at makalipas lang ng isang araw ay nagkamalay na rin ang ale. Doon nila nalaman na nagtangka pala itong magpatiw*kal dahil sa patung-patong na problemang kinakaharap.

Nawalan pala ito ng tatlong anak dahil sa pagkasunog ng dati nitong bahay. Dahil rin doon iniwan ito ng kaniyang asawa. Siya ang sinisisi nito sa pagkawala ng kanilang mga anak. Kaya pala lagi rin itong kumakanta ay dahil iyon daw ang bonding nila ng mga anak niya dati.

“Bagong lipat lang rin ako doon sa apartment. Isang linggo lang din nung mailibing ko ang mga anak ko sa bakanteng lote. Wala kasi akong sapat na pera para sa funeral service kaya naghukay na lang ako doon sa loteng tinatayuan ng bahay namin dati,” kuwento ng ale habang lumuluha.

“Suwerte ko pa rin pala, ano? Nailigtas niyo pa ako. Siguro nga hindi ko pa oras. Siguro may misyon pa talaga ako sa mundong ito,” nakangiting wika ng ale. Napaiyak na rin si Madel dahil sa awa.

Napagtanto ni Madel na mali pala ang galit na naramdaman niya dahil mas malala pala ang kinakaharap na problema ng ale kaysa sa pagkabagsak niya sa pagsusulit.

Nung araw ding iyon ay nakalabas na ng ospital ang ale. Nangako si Madel na araw-araw niya itong dadalawin upang hindi ito gaanong malungkot. Tinulungan rin nila ito ng kaniyang ama na maglinis ng bahay. Napakiusapan rin nila itong hinaan ang kaniyang pagkanta. Sa kabutihang palad naman ay ginawa ito ng ale.

Nakakapag-aral nang muli si Madel ng maayos. Nakakausap na rin nila ang nanay niya dahil sa wala na silang ingay na naririnig. Ipinakilala rin nila dito ang bago nilang kaibigan, ang kanilang kapitbahay.

Madalas kapag nakakaabala sa atin ang iba ay agad tayong nagagalit. Ngunit dapat sigurong lawakan pa natin ang ating pag-iisip dahil hindi lang tayo ang may problema. Ang iba nga ay mas mabigat pa ang dinadalang pagsubok.

Advertisement