“Solly, hindi mo man lang ba lalabasin ‘yung poging manliligaw mo? Kahapon rin hindi mo ‘yan nilabas. Dalawang bouquet ng bulaklak na nga ang naiwan niya sa tapat ng apartment natin baka akalain ng mga tao may binuburol na dito sa loob,” biro ni Alex sa kaniyang kaibigang kakagising lamang.
“Hayaan mo siya. Hindi na kailanman eepekto sa akin iyang mga pakulo niyang ganiyan.” tugon ni Solly. Bakas sa mukha niya ang pagkainis
“Ibig sabihin kilala mo ang binatang nasa labas? Na kulang na lang lumuhod doon para lumabas ka?” pag-uusisa pa ng kaniyang kaibigan.
“Oo, Alex. Dating nobyo ko iyon, si Oliver. Eh, nambabae kaya hiniwalayan ko. Baka naghiwalay na sila nung babae kaya sinusuyo niya ako ngayon. Ilang beses ko na ‘yan pinagbigyan, pinatawad, minahal kahit pa alam kong matatalo ako sa huli pero wala, eh. Siguro nga tama sila. Kapag nagawa nang manloko magagawa niya ulit iyon. Dalawang beses niya na akong niloko. Hindi ko na hahayaang maging tatlong beses pa,” tugon ng dalaga tsaka nag-ayos ng kaniyang buhok.
“Hay, naku. Pero sa tingin ko ay seryoso na siya ngayon. Naiiyak siya kahapon habang naghihintay sa’yo sa labas,” depensa ni Alex
“Tumigil ka nga. Arte niya lang iyon. Sige na. Pauwiin mo na. Huwag mo nang pabalikin bukas. May trabaho pa tayo, eh.” utos ni Solly.
Agad namang lumabas ng silid si Alex para pagsabihan ang binata.
Limang buwan nang hiwalay si Solly at ang kaniyang dating nobyong si Oliver. Habulin kasi ito ng mga babae dahil sa angking kakisigan at kabruskuhan dahilan upang matukso rin ang binata at lokohin ng dalawang beses ang kaniyang nobya.
Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin dahil tila nais ulit ng binata na maibalik ang pag-ibig ng dalaga.
Dahil nga pinagbawalan siya ni Solly na pumunta sa bago nitong tinitirhan naisip ni Oliver na magtungo na lang sa trabaho ng dalaga. May dala-dala pa rin itong bulaklak at mga pananghalian. Pinakain niya rin ang mga katrabaho ng dalaga. Halos lahat ng kaopisina ni Solly ay natutulala sa itsura ng binata.
“Solly, sigurado kang hindi ka naaapektuhan sa pakain ng poging nilalang na iyan?” bulong ni Alex sa dalaga habang nakatingin sa binata. “Oo naman. Nagawa niya na rin iyan sa buong pamilya ko. Parang nagpa-fiesta pa nga siya noon. Pero ano? Niloko niya pa rin ako,” depensa ni Solly
“Naku, ha, baka magsisi ka,” babala ni Alex. Umirap na lang si Solly at tsaka umalis sa silid kung saan masayang nagsasalu-salo ang mga katrabaho niya kasama ang binata.
Mayamaya pa ay nagpaalam na rin si Oliver.
“Solly, aalis na si pogi. Hindi ka man lang ba magpapaalam?” biro ng kanilang manager. Tila nakuha na rin ng binata ang loob ng kaniyang mga katrabaho.
“Paalam!” pilosopong sagot ng dalaga na nakatingin lang sa kaniyang computer ngunit pagkasabi niya nito ay biglang nagsigawan ang kaniyang mga katrabaho dahilan para mapatayo si Solly sa kaniyang inuupuan.
“Si Oliver!”
Nakita ni Solly na nakabulagta na lang sa sahig ang binata. Natataranta ang kaniyang mga katrabaho. Ang iba’y kumuha ng tubig, ang ilan naman ay pinapaypayan ito. Mukha kasing nahihirapan itong huminga.
Nilapitan ni Solly ang binata. “Oliver? Naririnig mo ba ako? Oliver!” sigaw ng dalaga. Tumigil kasi sa paghinga ang binata. Mangiyak-ngiyak na ang dalaga. Todo yapos na siya sa walang malay na si Oliver.
“Tumawag na kayo ng ambulansya. Parang awa niyo na!” sigaw ni Solly Ngunit nagulat siya nang biglang magsalita ang binata.
“Hindi ko ata kayang huminga kung wala ka,” bulong ni Oliver tsaka nagtilian ang mga katrabaho ng dalaga.
“Puwede ba akong manligaw ulit? Tsaka medyo nasasakal na ako sa pagkakayakap mo sa’kin. Ligawan muna kita bago mo ako yakapin ng ganito, ha?” tanong pa ng binata kaya lalo pang naghiyawan ang katrabaho ni Solly.
Tumayo si Oliver sa pagkakahiga. Inabutan niya ng bulaklak ang dalaga. Lumuhod ito sa harapan ni Solly at tsaka muling tinanong ang umiiyak na dalaga kung puwede ba siyang manligaw ulit.
Tumango naman si Solly. Napalundag sa tuwa ang binata tsaka niya pinunasan ang mga luha ng dalaga.
“Pangako hindi ka na muling iiyak sa akin. Sa altar na ang punta nito. Pangako ko sa’yo. Patawarin mo ako sa lahat ng kalokohan ko. Napagtanto ko na ang lahat. Hindi ko kayang mawala ka sa akin. Hindi ko na sasayangin ang pagkakataong ito. Mahal na mahal kita,” mangiyak-ngiyak ring sambit ng binata tsaka niya niyakap ang dalaga.
Lumipas ang ilang taon at gumanda na nga ang kanilang pagsasama. Hanggang sa napagdesisyunan na nilang magpakasal. Wala nang mas sasaya pa sa dalagang dati ay may pusong bato. Labis na pagmamahal na ang kaniyang nararamdaman ngayon dahil sa ang taong dumurog sa kaniya noon at muli siyang binuo ngayon.
Kapag nagmamahal ka ay hindi mo maiiwasang masaktan. Ang mahalaga ay kung paano ka mababangon mula sa iyong mapait na karanasan at kung paano mo patatawarin ang taong dumurog sa iyong puso.