Lumaki si Sanya sa lola niya kasama ang kaniyang dalawang kapatid na sina Joseph ay Annabel. Si Sanya ang panganay sa kanilang magkakapatid, walong taong gulang pa lang siya nung umalis ang mama niya at pumuntang Manila para maghanap ng trabaho.
Nung una ay nakakapagpadala naman ito ng maayo,s ngunit kalaunan ay biglang naging matumal na ang pagpapadala nito, hanggang sa umabot na hindi na talaga nagpapadala ang mama nila. Maaga silang naulila sa ama kaya ang mama lang nila ang inaasahan nila. Nabalitaan na lang ng lola nilang may bago na itong kinakasama kaya hindi na ito nakakapagpadala. Kaya madalas ay ang lola nila ang nao-obliga sa kanilang magkakapatid.
Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon nga ay first year high school na si Sanya.
“Sanya, simula ngayon doon ka na muna sa Tita Laura mo ah? Para makapagtapos ka ng pag-aaral kahit highschool lang masaya na ako doon. Dito na muna sa’kin ang dalawa mong kapatid. Hindi na kasi talaga kakayanin ni lola na suportahan ka sa pagha-hayskul mo,” paliwanag ng kaniyang Lola Gondina.
“Opo lola,” malungkot niyang sambit. Kung siya lang ang papipiliin ay ayaw niyang mahiwalay sa lola at mga kapatid niya. Kaso alam niyang hindi kakayanin ng lolo niyang buhayin silang tatlong magkakapatid lalo na’t nag-aaral na siya ng hayskul. Tanging pagbebenta ng kahoy lang ang pinagkakakitaan nito.
“Magpakabait ka doon apo,” bilin pa nito sabay yakap sa kaniya ng mahigpit.
Maayos naman ang pakikitungo ng tiyahin at tiyuhin niya sa kaniya. Istrikto ang mga ito sa oras ng uwian niya at may pinapasunod itong curfew na ayon sa mga ito ay para lang din naman sa kaligtasan nila, pero hindi naman ito istrikto pagdating sa loob ng bahay. May kaniya-kaniya silang obligasyon at sa kanya natapat ang gawain sa kusina, habang ang mga anak naman nito sa paglilinis at paglalaba. Nagtutulungan silang lahat.
Isang araw ay bigla na lang nagpakita ang ina niya sa bahay ng kaniyang tiyahin at nais nitong sumama siya rito. Agad naman niya itong sinang-ayunan. Matagal na niyang gustong makasama ang mama niya at ito na nga ang katuparan niyon.
“Silvia, alagaan mo iyang anak mo ah? Hindi namin ‘yan pinapabayaan rito,” wika ng tiyahin niya bago sila tuluyang umalis na mag-ina.
Ang buong akala niya sa pagsama rito ay makukumpleto na siya at sasaya, dahil sa wakas kasama na rin niya ang mama niyang matagal na nawala sa kanila. Ngunit kabaliktaran ang nangyari dahil hindi niya makasundo ang dalawang anak nito pati na rin ang stepfather niyang malayo ang loob sa kaniya. Mainit lagi ang ulo nito at para siyang isang katulong kung ituring nito.
Isang beses nang hindi niya nasunod ang utos nito ay walang pagdadalawang-isip siyang binato ng bote na tumama sa kaniyang tuhod dahilan upang mahirapan siyang maglakad.
“Ma, bakit naman po ganiyan si tito sa’kin? Panay utos siya at kapag hindi ko nasunod ang utos niya ay agad niya akong sinasaktan,” humihikbing sumbong ni Sanya sa ina.
“Bakit kasi hindi mo sinusunod ang utos ng Tito mo. anak? Kaya ka niya nasasaktan kasi nagiging pasaway ka siguro,” wika naman nito. Hindi naman niya gustong kampihan siya ng ina, pero sana naman ay pagsabihan nito ang asawa.
“Marami po kasi akong ginagawa dahil panay ang utos niya sa’kin kaya hindi ko nagagawa ang asignatura ko sa eskwelahan. Nang tumigil siya sa pag-utos ay agad kong ginawa ang assignment ko, ngunit muli niya akong inutusan.
Nand’yan naman si Lara pero ako talaga ang gusto niyang utusan. Hindi ko agad nasunod ang utos niya kaya binato niya sa’kin ang bote dahilan para mamaga ang tuhod ko,” paliwanag niya.
“Pagpasensiyahan mo na ang tito mo anak. Hayaan mo pagsasabihan ko siya,” wika ng ina sabay yakap sa kaniya.
Sinisikap ni Sanya na gawin ang pinag-uutos ng amain niya upang hindi na siya pag-initan nito pero talagang mainit ang dugo nito sa kaniya. Ginagawa siya nitong bata, pinipingot sa tainga at pinapalo sa ulo, kaya hindi na niya nakayanan ang ginagawa nito.
Kinabukasan pakagaling niya sa eskwelahan ay hindi na siya umuwi sa bahay ng nanay niya. Sa halip ay dumiretso siya ng uwi sa bahay ng tiyahin niya. Nagalit ito sa nangyari at agad nitong tinawagan ang kaniyang ina at nanggigigil na kinausap ito.
“Sinabi kong huwag mong pababayaan ang anak mo, Silvia! Anong nangyari ngayon? Bakit nandito itong si Sanya sa bahay ko at sinasabing sinasaktan siya ng wala mong kwentang asawa? Kahit kailan talaga ay wala kang kwentang ina sa mga anak mo! Hindi mo na nga na disiplina ng maayos ang dalawa mong anak na kasama mo ngayon, hinahayaan mo pa ang anak mong si Sanya na pinagmamalupitan ng batugan mong asawa!” gigil na wika ng tiyahin niya.
“Ate ang totoo niyan ay wala talaga akong alam d’yan. Nagsumbong naman sa’kin si Sanya at pinagsabihan ko na si Arnold kaya akala ko ayos na. Baka hindi lang sila nagkakaintindihan kaya umabot sa ganiyan,” mahinahong paliwanag ng kaniyang ina.
“Ganito na lang, Silvia. Tutal ayaw nang umuwi ni Sanya sa bahay niyo dalhin mo na lang pabalik ang mga damit niya rito ora mismo dahil walang dalang damit ang anak mo at hanggang ngayon ay naka-uniporme pa rin ito,” wika ng tiyahin niya tsaka pinatay ang tawag.
Kinagabihan ay dumating ang mama niya bitbit ang mga damit niyang naiwan sa bahay nito. Umiiyak itong kinausap siya.
“Ano ba talaga ang problem, anak?” mahinahong tanong nito.
“Masama po ang ugali ng asawa mo, Ma. Hindi niya ako gustong tumira sa poder niyo kaya aalis na lang po ako doon. Ako pa lang ang nakatira sa poder mo grabi na ang pananakit niya sa’kin kaya sana ma huwag niyo ng iparanas iyon sa dalawa ko pang kapatid,” humihikbi na rin siya.
“Galit ka ba sa’kin nak?” tanong ng kaniyang mama.
“Hindi po. Kailanman hindi kami tinuruan ni lola na magalit sa’yo Ma. Gustong-gusto ka naming makasama kahit alam naming tatlo na imposible na iyong mangyari lalo na ngayong may sarili ka nang pamilya. Pero hindi pa rin kami nawawalan ng pag-asang balang araw makakasama ka namin kahit suntok sa buwan iyong mangyari.
Pero sa ngayon ayos na sa’kin na makita sa ganitong paraan. Ayoko na pong umuwi sa bahay niyo Ma, kahit kailan hindi kami nagawang saktan ni lola. Pero ang asawa niyo po parang sino kung manakit sa’kin. Hindi ko siya kayang tanggapin sa buhay namin Ma, pero ikaw mahal na mahal kita. Hindi ako galit sa’yo, hangga’t asawa mo siya Ma, hinding-hindi kami sasama sa’yo. Dito na lang po ako kay tita. Ayoko na po sa inyo,” umiiyak na wika ni Sanya. Naramdaman naman niyang mahigpit siyang niyakap ng ina.
“Sorry, anak. Sorry kung wala akong magawa. Sorry kung hindi ko kayo kayang ipaglaban. Patawarin niyo ako anak,” humahagulhol na wika ni Silvia.
“Mahal kita Ma at naiintindihan kita. Patawarin niyo rin sana ako kung ayaw ko nang sumama sa inyo. Alam ng Diyos na gustong-gusto kitang makasama. Pero ayoko na pong kasama ang pangalawa mong pamilya,” saad ni Sanya.
“Salamat sa pag intindi anak, hayaan mo, ako na lang ang gagawa ng paraan para magkasama tayo at sulitin ang panahong hindi mo ako nakasama noon,” bitaw nito ng pangako. “Ako na lang ang dadalaw sa’yo rito anak,” wika ni Silvia.
Agad naman siyang pumayag sa sinabi ng ina kaya napagkasunduan nilang mag-ina na kapag sabado ay pupunta si Silvia sa kaniya upang magkasama sila at para na rin magkaroon sila ng magandang samahan sa isa’t-isa. Hindi naman ito pumapalyang puntahan siya tuwing sabado.
Habang nakakasama niya ang ina ay dahan-dahan niyang naintindihan ang sitwasyon nito. Hindi lahat ng lalaki ay matatanggap ang nakaraan ng babaeng mahal nila lalo na kung may anak ito sa una. Mabait at mapagmahal naman ang kaniyang amahin sa sarili nitong pamilya, pero pinaparamdam talaga nitong hindi sila nito gusto. Kahit nahihirapan siyang intindihin ang bagay na iyon ay pinipilit na lamang niyang intindihin. Basta ang mahalaga ay hindi nito pagbawalan ang ina niyang lumapit sa kanilang magkakapatid. Dahil baliktarin man nila ang mundo anak sila ni Salvie at ina nila ito.