Inday TrendingInday Trending
Minahal Kita Kahit Menor De Edad Ka Pa

Minahal Kita Kahit Menor De Edad Ka Pa

Kinse anyos si Jasmine habang Disi-otso anyos na si Macky. Batang-bata pa si Jasmine habang nasa eksaktong edad na si Macky. Pero kahit ganun ay mahal na mahal niya ang kanyang nobya.

“Macky,” umiiyak na tawag ni Jasmine.

“Bakit? Anong nangyari, Jasmine?” nag-aalalang tanong naman ni Macky.

“Lumayas ako sa bahay namin kasi sinaktan ako ni mama nang malaman niyang may nobyo na ako,” humihikbing kwento ng dalaga. “Ayoko nang umuwi sa’min, Macky,” patuloy nito sa pag-iyak.

Dahil sa awa ay walang pag-alinlangan niyang pinatuloy sa bahay nila si Jasmine. Mas maigi na iyong alam niyang ligtas ang babae kaysa hayaan niya itong matulog sa kung saan. Ipinaalam niya sa kanyang mga magulang ang tungkol sa kanyang nobya. Nagdalawang-isip man ang mga itong patuluyin si Jasmine, makalaunan naman ay pumayag rin ang mga ito.

Kinagabihan. Natutulog na ang lahat at tanging si Mang Alfonso at Macky na lang ang gising.

“Nak, hindi ko naman sinasabing bawal kang magmahal ng menor de edad pero kasi, Macky, delikado tayo sa ginagawa mo. Menor de edad iyang nobya mo at pwede tayong kasuhan ng mga magulang niyan kapag nalaman nilang nandito iyan sa’tin,” paliwanag ni Mang Alfonso, ang ama ni Macky.

“Pero kasi pa ayaw na daw niyang umuwi sa bahay nila kasi sinasaktan daw siya ng mama niya mula nung nalaman na may nobyo na siya,” sambit naman ni Macky.

“Naiintindihan ko naman ang nararamdaman mo, anak. Pero kahit ano pa ang katwiran natin, wala tayong laban kung sakaling idemanda tayo ng mga magulang ni Jasmine. Kahit hindi naman talaga kayo nagtanan, iyon ang lalabas para sa mga magulang niya at pwede silang paniwalaan ng batas. Dahil obligasyon pa ng mga ito si Jasmine,” paliwanag ng ama, sabay tapik sa balikat niya. “Wala tayong magagawa anak kung ‘di ang ibalik muna sa kanila si Jasmine,” dugtong pa ni Alfonso sabay pasok sa loob ng bahay.

Naiwang nag-iisip si Macky. Tama ang ama, wala nga silang magagawa kung ‘di ang ibalik si Jasmine sa mga magulang nito. Kinabukasan ay pinahanda na niya si Jasmine upang ibalik na ito sa bahay nila. Handa siyang humarap sa mga magulang nito at ipaliwanag ang totoong nangyari at sabihin sa mga itong mahal niya si Jasmine. Ngunit hindi pa man sila nakakalabas ay may sumalubong na sa kanilang mga pulis.

“Ikaw ba si Macky?” tanong ng isang pulis na kaharap niya.

“Opo ako nga po,” naguguluhan niyang wika.

“Sumama ka sa’min sa presinto. May pagkakasala kang nagawa, pumatol ka sa isang menor de edad at tinanan mo pa ito,” wika ng pulis at agad siyang sinuotan ng posas.

Nakita naman ni Macky na papalapit sa pwesto nila ang mga magulang ni Jasmine. Sinalubong ito ng nobya at umiiyak na kinausap.

“Mama, bakit naman po ganito? Wala pong kasalanan ni Macky, ako po ang may gustong pumunta dito,” umiiyak na kausap ni Jasmine sa mga magulang.

“Dahil kinuha ka niya sa’min,” saad ng ina ni Jasmine.

Nagkakagulo na ang lahat dahil ayaw pumayag ng mga magulang ni Macky na dalhin ang anak nito sa presinto. Pero makalaunan ay wala silang nagawa kung ‘di ipaubaya ang lahat sa batas. Sa presinto ay agad na tinanong si Jasmine ng mga pulis.

“Wala pong ginagawang masama ang nobyo ko. Ako mismo ang lumapit sa kaniya at humingi ng tulong, dahil ayaw kong umuwi sa bahay kasi sinasaktan ako ni mama mula ng malaman niyang may nobyo na ako. Wala pong pagtatanan ang nangyari, pinatulog niya lang po ako sa bahay nila katabi ang mga kapatid niyang babae at kanina nga ay ihahatid niya na ako dapat sa bahay namin ng personal para makausap ang mama at papa ko.

Kaso sinalubong niyo kami at agad siyang hinuli,” nagsisimula na itong umiyak. “Patawarin mo ako Macky kung dahil sa’kin napahiya ka at makukulong pa. Hindi ko ginusto ito. Wala naman tayong naging kasalanan kung ‘di ang magmahalan lamang sa maling panahon, dahil bata pa ako at nasa saktong gulang ka na. Patawarin mo ako,” saad ng dalaga habang nakaluhod sa harapan ni Macky.

Hindi na din makuhang magsalita ni Macky dahil naaawa siya sa nobyang humahagulhol sa kaniyang harapan. Sana lang may kaya siyang gawin, baka ginawa na niya. Ayaw niyang nasasaktan ito dahil mas nasasaktan siya kapag ganun.

Itinuloy pa rin ng mga magulang ni Jasmine ang kaso at pansamantala munang ikinulong si Macky. Umiiyak na nakikiusap ang papa niya sa mga magulang ni Jasmine, ngunit talagang matigas ang mga ito. Makalipas ang tatlong araw niyang pananatili sa loob ng kulungan ay pinalabas rin siya ng mga magulang ni Jasmine at sinabing layuan na ang anak nila.

“Patawarin mo kami, Macky, kung nais naming lumayo ka muna sa anak namin. Masyado pang bata si Jasmine at mataas pa ang pangarap namin para sa kaniya. Sana maunawaan mo kami. Tutal kapag nasa saktong gulang na siya at ikaw pa rin ang mahal niya’y wala na akong magagawa. Pero sa ngayon pakiusap layuan mo muna ang mahal naming anak,” humahagulhol na wika ng mama ni Jasmine.

“Opo tita naiintindihan ko po kayo. Salamat po at ini-atras niyo ang kaso laban sa’kin,” wika ni Macky at niyakap ang ina ng mahal niyang si Jasmine.

Tama ang mga magulang nila. Hindi pa ito ang tamang panahon para sa kanila ni Jasmine kaya dapat muna niya itong palayain. Mahal lang talaga ng mga magulang nito si Jasmine kaya nagawa ng mga ito ang ipakulong siya ng tatlong araw. Ayaw lang nang mga itong mapahamak ang anak. Iyon ang isang magulang. Hindi pa man niya nararanasan iyon dahil hindi pa naman siya naging isang ama. Pero alam niyang walang ibang hinangad ang mga ito kung ‘di ang kabutihan para sa anak.

Mula nun ay lumayo muna siya sa babae. Kung sila talaga ay magiging sila talaga kapag tama na ang lahat at wala nang pwedeng humadlang. Sa ngayon ay magpo-pukos muna si Macky sa sarili niyang buhay at ganun din si Jasmine. Pareho muna silang tutupad ng kaniya-kaniyang pangarap, tutal kung sila talaga ang para sa isa’t-isa. Sila pa rin talaga hanggang sa dulo.

Advertisement