
Inilayo ng Ama ang Magkapatid sa Malupit Nilang Ina; Dadalhin Pala Sila Nito sa Kanilang Magiging Madrasta
Labing isang taong gulang palang noon si Michelle at siyam na taon naman ang bunso niyang kapatid na si Kyle nang maghiwalay ang kanilang mga magulang. Hindi na kasi matiis ng ama nilang si Jacob ang mga pinaggagagawa ng kanilang ina na si Nayda.
“Papa, huwag mo kaming iwan! Sasama kami sa iyo!” sigaw ni Michelle habang tinatawag ang papaalis na ama.
“Huwag ka nang umalis, papa ko!” hagulgol naman ng kapatid na si Kyle.
“Huwag kayong mag-alala mga anak, magkikita pa rin tayo. Titiyakin ko ‘yon,” sambit ni Jacob habang malungkot na bitbit ang bagahe palabas sa pintuan.
“Kapag lumabas ka sa bahay na ito ay hinding-hindi ka na makakabalik, Jacob! Ipinapangako kong hindi mo na makikita pa ang mga anak mo!” wika naman ni Nayda na pinipigilan ang mga anak na sundan ang asawa.
Masakit para kina Michelle at Kyle ang pag-iwan sa kanila ng ama ngunit mas masakit palang malaman kung bakit iniwan nito ang kanilang ina. Isang gabi ay natuklasan ni Michelle na may kasamang ibang lalaki ang ina sa kuwarto nito at may kakaibang ginagawa.
“Huh?! Mama, sino siya? A-anong ginagawa ninyo?!” gulat niyang sabi.
Nang makita niyang humihithit ng ipinagbabawal na gamot ang dalawa ay nagmamadaling itinigil ng mga ito ang ginagawa at pinalabas siya sa kuwarto ng ina.
“Huwag mo kaming pakikialaman ha? Layas! Matulog ka na kung ayaw mong matamaan sa akin!” galit na sabi ng ina pagkatapos ay padabog na isinara ang pintuan.
Kinaumagahan ay hindi napigilang komprontahin ni Michelle ang ina.
“Alam kong bata pa ako, mama, pero naiintindihan kong mali ang ginagawa mo kaya itigil mo na ‘yan hangga’t maaga pa,” wika niya.
Ngunit walang pakialam si Nayda sa sinabing iyon ng anak.
“Wala kang karapatang pagsabihan ako ng ganyan, Michelle, anak lang kita kaya gagawin ko ang gusto ko!” inis nitong sabi.
“Oo nga, mama, anak mo lang ako. Kaya nga mas nakakahiya dahil higit ko pang alam ang tama at kung ano ang mali,” sagot pa niya.
Sa sobrang galit ay pinagbuhatan na ng kamay ni Nayda ang panganay na anak.
“Walanghiya ka! Wala kang galang! Um!”
Isang malakas na sampal ang iginawad niya sa pisngi ni Michelle.
“Hindi lang ‘yan ang aabutin mo kapag pinagsalitaan mo pa ako! Puny*ta ka, anong alam mo sa tama at mali ha? Palamunin lang kita kaya matuto kang rumespeto!”
Walang nagawa si Michelle kundi ang umiyak na lang. Kahit anong sabihin niya sa ina ay sarado na ang isip nito. Nangangamba siya na baka ikapahamak pa nilang magkapatid ang masama nitong ginagawa ngunit mas pinili pa rin nilang manatili sa piling nito dahil mahal nila ito. Baliktarin man ang mundo ay ito pa rin ang kanilang ina.
Sa pagdaan ng mga araw ay mas lalong naging mabigat ang buhay nila sa bahay na iyon. Naranasan nila ang matinding hirap na kasama ang kanilang ina na bukod sa lulong na sa mga bisyo ay pinababayaan pa silang magkapatid.
“Mama, gutom na kami. May dala ka bang pagkain?” tanong ni Kyle sa ina nang minsang umuwi ito galing sa sugalan.
“Oo nga po, mama, wala na pong pagkain sa ref. Ako po sana ang bibili sa labas kaso wala po akong pera,” sabad naman ni Michelle.
“A, peste! Kapag ganitong talo ako sa mahjong, huwag ninyo akong hahanapan ng kung anu-ano ha!” singhal ni Nayda sa kanila.
Ang lahat ng kanilang hinanakit sa ina ay sinabi nila sa kanilang ama kaya gumawa ng paraan si Jacob para mabawi sila rito.
Isang araw, gano’n na lamang ang tuwa ng magkapatid nang…
“Ibinibigay ng korteng ito ang kustodya ng mga batang sina Michelle at Kyle Torres sa kanilang ama na si Mr. Jacob Torres,” hayag ng hukom sa paglilitis na ginawa para mapunta sa kanilang ama ang pangangalaga sa kanila.
Walang nagawa si Nayda sa desisyon ng korte ngunit nagpasaring ito na hindi pa tapos ang laban. Babawiin daw sila nito ngunit sinigurado naman ng kanilang ama na hindi ito magtatagumpay. Naghain na rin ito ng annullment sa kanilang ina. Nangako naman ang amang si Jacob na magiging maganda ang buhay nila sa piling nito.
Nang iuwi sila ng ama sa bago nitong bahay ay nagulat silang magkapatid dahil isang babae ang sumalubong sa kanila. Seryoso ang mukha nito na tiningnan pa sila mula ulo hanggang paa. Ipinakilala ito ni Jacob sa kanila.
“Michelle, Kyle, siya ang pangalawa ninyong mama, siya ang inyong Tita Barbara.
Napakapit sa isa’t isa ang magkapatid. Sa isip nila ay nakalayo na nga sila malupit nilang ina ngunit sa pagsama nila sa ama ay ‘di nila inasahan na ang ihaharap nito ay ang kanilang magiging madrasta – Si Barbara na nang makita nila ay wala man lang kangiti-ngiti, makaluma kung manamit at kung makatingin ay parang lalamon ng tao.
Makalipas ang ilang buwan
“Tok, tok, tok!”
Malakas ang mga katok na halos gibain na ang pinto.
Nang buksan iyon ni Jacob ay bumungad sa kanya ang galit na galit na si Nayda, ang dati niyang asawa.
“N-Nayda, anong ginagawa mo rito?”
“Kumusta, Jacob? Narito ako para bawiin ang mga anak ko! Akala mo siguro ay hindi ko malalaman na may bago kang kinakasamang babae, ano? Hindi ako papayag na pagmalupitan lang ng babaeng ‘yan ang mga anak ko kaya kukunin ko na sila!” hiyaw ng babae.
Nang makita si Nayda ng mga anak niya ay hindi natuwa ang mga ito.
“O, mga anak ko! Kumusta na kayo? Sumama na kayo sa akin. Ilalayo ko na kayo rito! Balita ko’y kasama ninyo rito ang babae ng papa ninyo na inyong madrasta. Aapihin lang niya kayo kaya bilis, iaalis ko kayo rito!” sabi niya.
Ngunit ikinagulat niya ang sinabi ng mga anak.
“I’m sorry, mama, pero masaya na kami sa piling ni papa at ni Mama Barbara,” sagot ni Michelle.
“Oo nga, mama. Hindi na kami sasama sa iyo,” sabad naman ni Kyle.
Mas lalong tumindi ang galit ni Nayda na binalingan ang babaeng kasama ng mga anak niya.
“At tinawag niyo pang mama ang babaeng ‘yan? Ipinagpalit na ninyo ako sa madrastang ‘yan? Alalahanin ninyo na ako ang tunay ninyong ina!” sambit niya sa mga anak.
Sa sinabing iyon ng ina ay muling nanariwa sa isip ni Michelle ang unang araw na dinala silang magkapatid ng ama nila sa bahay nito at nakilala ang madrastang si Barbara. Mali pala ang hinala nila sa pagkatao ng babae dahil kabaliktaran pala lahat ng iniisip nila sa totoong ugali nito. Nang ipakilala sila ng ama rito ay agad sila nitong binati nang maayos.
“Ikinagagalak ko kayong makilala, mga bata, puwede ninyo akong tawaging mama kung gusto ninyo,” sagot ng babae na ang pagkaseryoso ng mukha ay napalitan na ng maaliwalas na anyo.
Sa ilang araw pa lang na naninirahan sila roon ay kitang-kita ng magkapatid ang magagandang katangian ni Barbara. Nang minsang dumalaw doon ang kanilang lola, pati ito ay namangha sa ugali ng kanilang madrasta.
“Tita, natutuwa po ako’t nadalaw kayo rito sa amin. Inihatid ko lang po sa eskwela si Kyle at pagkatapos ay namalengke na rin ako,” bungad nito.
Ikinatuwa ng matanda ang ginawa ng babae.
“Mabuti’t ikaw mismo ang naghatid sa apo ko,” wika ng lola.
“Opo. Mahirap na po kasi ang panahon ngayon,” sabi pa ni Barbara saka nagmano sa matanda. “O, Michelle, maghanda ka na sa pagpasok ha? Ipagluluto ko muna kayo ng tanghalian pagkatapos ay ikaw naman ang ihahatid ko sa eskwela,” sambit pa nito.
Hindi lang maalalahanin, napakasipag din sa mga gawaing bahay at maalaga rin ang Tita Barbara nila. Higit sa lahat ay hindi ibang tao ang turing nito sa kanilang magkapatid, tunay na anak ang trato nito sa kanila kaya agad silang napamahal sa kanilang madrasta at tinawag na rin nilang ‘mama’ kalaunan.
“Talagang napakabait ni Mama Barbara ano, Kyle? Ibang-iba sa tunay nating mama,” sabi niya sa kapatid.
“Oo nga, ate. Kaya pala nagustuhan siya ni papa,” sagot naman ng kapatid.
At bumalik sa kasalukuyan ang gunita ni Michelle at muling sinagot ang inang si Nayda.
“Tama ka, mama, ikaw ang tunay naming ina ngunit nakakalungkot, dahil kay Mama Barbara pa namin naramdaman ang tunay na pagmamahal at pag-aaruga na dapat sana’y ikaw ang nagbigay,” hayag ng dalagita.
Napaluha na lang si Nayda sa katotohanang isinampal sa kanya ng anak. Wala siyang mukhang maiharap sa mga ito na nagmamadaling umalis na tanggap ang mga sinabi sa kanya. Pinagsisisihan niya ang mga panahon na hindi siya nagpaka-ina sa dalawa niyang anak at nagpaka-asawa kay Jacob. Napagtanto niya na napakasuwerte ni Barbara dahil nakuha nito ang respeto at pagmamahal ng kanyang mag-aama.
“Nakakahiya kay Barbara, madrasta lamang siya at ikalawang asawa, ngunit nahigitan pa niya ang pagtingin ko sa sarili kong mga anak at kay Jacob,” lumuluha niyang sabi habang lugmok na naglalakad palayo.
Naisip niya na kailangan na niyang magbago para makuha niya uli ang nawalang respeto at pagmamahal ng mga anak niya. Alam niyang wala na silang pag-asang magkabalikan ni Jacob pero nais niyang maging ina muli kaya pagsisikapan niyang bumangon at maging mabuting tao para balang araw ay mapatawad siya’t muling tanggapin ng kanyang mga anak.

Isang Binatilyo ang Nanghingi ng Tulong sa mga Pasahero ng Bus Ngunit Marami ang Hindi Naniwala sa Kaniya; Totoo Nga Kaya ang Sinasabi Niya?
