
Pinagpanggap ng Donya na Magkasintahan ang Nag-Iisang Anak at ang Drayber Nito Para Iiwas sa Babaerong Lalaki; Sa Huli ay Mauuwi Rin sa Totohanan ang Lahat
“Hindi ako nakikialam sa usaping puso ng aking unica hija ngunit mabuti’t hanggang maaga ay malaman mo na agad,” wika ni Donya Agnes kay Don Manolo.
“Anong dapat kong malaman, Donya Agnes?” tugon ng mayamang lalaki.
Si Don Manolo Laguardia ang masugid na manliligaw ng anak ng donya na si Franceska ngunit kahit ubod ng yaman ang lalaki ay ayaw na ayaw ni Donya Agnes na ito ang mapangasawa ng nag-iisang anak dahil bukod sa lulong sa sugal at alak ay ubod din ito ng babaero kaya maraming magulang sa kanilang lugar, mapa-mayaman o mahirap ay umiiwas dito. Ayaw nilang magdusa sa piling ng mabisyong lalaking kagaya ni Don Manolo ang kanilang mga anak na babae.
“Ang aking anak na si Franceska ay malapit nang ikasal,” sagot ng donya.
Napamulagat ang lalaki sa sinabi ni Donya Agnes.
“I-ikakasal? K-kanino naman?” tanong nito.
“Ikakasal na ang aking anak kay Timoteo na aming drayber. Nalaman kong may relasyon sila’t nagdadalantao na si Franceska kaya wala na akong magagawa kundi ang ipakasal sila sa katapusan ng buwan na ito. Kaya ikinalulungkot ko, Don Manolo, hindi mo na maaaring ligawan ang anak ko,” bunyag ng donya.
Dahil sa nalaman ay tiim ang mga bagang na umalis si Don Manolo sa mansyon ng matandang babae.
“Sa isang hamak na drayber lang mapupunta si Franceska? Hinding-hindi ko kailanman matatanggap na natalo ako ng isang pat*y gutom na drayber lang! Hindi maaari! Gagawa ako ng paraan para hindi matuloy ang kanilang kasal,” nagngingitngit na sabi ng lalaki sa isip.
Nang makaalis ang babaerong don ay ipinatawag ni Donya Agnes ang drayber na si Timoteo para ipaalala rito ang kanyang lihim na binabalak.
“Hindi naman lingid sa iyo, Timoteo, na ang kasal ninyong dalawa ng iyong senyorita ay isang palabas lamang. Ikaw ang napili ko sa plano kong ito dahil malaki ang tiwala ko sa iyo. Malakas ang kutob ko na si Don Manolo’y hindi naniniwala sa bastang salita lang na walang katiyakan kaya dapat na matuloy na ang inyong huwad na pag-iisang dibdib. Nagawan ko na ng paraan ang lahat, maayos na ang plano ko para hindi na guluhin pa ng lalaking iyon ang aking anak. Sa ngayon, bago ang nakatakda ninyong kasal ay ipagpatuloy mo ang pagkukunwari na kayo’y magkasintahan, ngunit kailanman ay huwag mo siyang kakausapin kung walang ibang taong nakakakita sa inyo. Batid mo ang mangyayari sa iyo sa sandaling suwayin mo ang utos ko, ‘di ba?” hayag ng mayamang babae.
“Naiintindihan ko, Senyora. Pakatatandaan ko po ang inyong utos,” sagot ng lalaki na magalang na tumango sa amo.
“At isa pa, pagkatapos ng kunwaring kasal ay tapos na ang pagiging magnobyo ninyo, tapos na ang ating kasunduan. Huwag kang mag-aalala, bilang kabayaran sa iyong ginawa ay permanente na ang iyong pagiging drayber sa aming pamilya. Dahil ayaw mo namang magpabayad, eh, sisiguruhin kong may matatanggap kang pakunswelo man lang mula sa akin. Dapat na ring matapos sa lalong madaling panahon ang pagpapanggap ninyong dalawa dahil ang sabi sa akin ng aking anak ay may napupusunan na rin siyang ibang lalaki,” hayag pa ni Donya Agnes.
Ikinatuwa ni Timoteo ang kasunduan nilang iyon ng matandang babae sapagkat simula pa lang ay lihim na niyang iniibig ang anak nitong si Franceska. Kahit pa napaka-imposibleng magustuhan din siya ng kanyang senyorita ay masaya na rin siya sa pagkakataong iyon na ibinigay sa kanya. Alam niyang dukha lang siya at malabo ang pag-ibig niya rito kaya kahit kunwa-kunwarian lang ay para na siyang nasa langit sa sobrang kaligayahan.
Nang minsang dumalo sila sa isang marangyang okasyon ay tampulan sila ng tsismis ng mga bisita roon lalo na ng mga mayayamang kaibigan ng pamilya ni Franceska. Hindi nila akalain na naroon din pala si Don Manolo na kinakantiyawan ng mga amigo nito.
“Hoy, Manolo, ayun si Franceska, o… Kasama ‘yung nobyo niyang drayber,” natatawang sabi ng isa niyang kaibigan.
“Siya pala ‘yung pat*y gutom na kinahuhumalingan ng anak ni Donya Agnes? ‘Di ko akalain na mahina pala ang utak ng babaeng ‘yan,” sabad ng isa pa.
“Oo, siya nga! Ang burot na drayber na kasintahan ni Franceska. Hindi na nahiya ang lalaking ‘yan sa kanyang pagkatao na nagawang pumatol sa kanyang senyorita,” mapanlibak na tugon ni Don Manolo sa mga kausap.
Nang marinig ng dalawa ang patutsada ng lalaki ay niyaya na ni Franceska si Timoteo na umuwi upang makaiwas sa iskandalo ngunit nakatunog si Don Manolo na sinundan pa sila at patuloy na nagparinig.
“Tila yata ibig kang masarili ng drayber mo, Franceska?” mapang-asar nitong tanong.
Hindi na umimik ang babae. Hinila nito sa braso si Timoteo at pilit na pinasakay na sa kotse.
“Huwag mo na siyang pansinin, Timoteo. Umalis na tayo sa lugar na ito,” utos ng babae.
“O-opo, senyorita,” tanging tugon ng drayber.
Halos atakehin naman sa puso si Don Manolo sa kakatawa habang paalis ang dalawa.
“Opo, senyorita? Hindi ba siya nanliliit sa sarili niya na tinatawag na senyorita ang nobya niya?” ngisngis pa nito.
Nang malayo na ang mag-amo…
“Sa katapusan ng buwan ang ang ating kasal ‘di ba, Timoteo?” tanong ni Franceska sa lalaki.
“Opo, senyorita,” tugon ni Timoteo.
“Mabuti na nga iyon para matigil na ang pangungulit sa akin ng Manolong ‘yon,” wika pa ng babae.
“Opo, senyorita,” sagot ulit ng drayber.
Napakunot ang noo ni Franceska.
“Bakit ba panay ‘opo, senyorita’ ang sagot mo? Magsalita ka naman ng iba!” inis niyang sabi.
Umiling ang lalaki.
“Bawal po, senyorita. Mahigpit po akong pinagbilinan ng senyora na huwag makikipag-usap sa inyo kaya pasensya na po,” sagot ni Timoteo na patuloy lang sa pagmamaneho.
Umismid ang babae sa sinabi niya.
“Si mama pala ang dahilan kung bakit puro ‘opo, senyorita’ na lang ang sinasabi mo sa akin. Sabagay, siya rin naman ang may pakana ng kunwa-kunwarian nating kasal, pero dapat hindi ‘yung puro ‘opo, senyorita’ na lang ang isinasagot mo kapag magkasama tayo, ang gusto ko’y kinakausap mo ako na parang tunay tayong magnobyo. Paano natin mapapangatawanan ang pagpapanggap na ito kung limitado ang sasabihin mo?” sambit niya sa kausap.
Umiling uli ang lalaki.
“Pasensya na, senyorita,” tangi nitong tugon ngunit may kung anong kakaibang naramdaman si Timoteo sa sandaling iyon. Gusto ng kanyang senyorita na mag-usap sila. Hindi niya naiwasang kiligin na hindi nagpapahalata.
Mabilis na umusad ang mga araw at ang nakatakdang kasal ay nakahanda na. Napansin ni Franceska na malungkot ang drayber nilang si Timoteo.
“O, ngayon na ang kasal natin, eh, bakit parang namat*yan ka?” nakasimangot nitong tanong.
“Pasensya na po, senyorita. Hindi ko lang maiwasang malungkot dahil pagkatapos ng kasal na ito’y katapusan na rin ng aking kaligayahan,” sagot ng lalaki.
Napatulala si Franceska na hindi maunawaan ang sinabi ng drayber.
Nagsimula na ang kasalan. Kasado na rin ang plano ni Donya Agnes na pagkatapos ng kasal ay aalis na silang mag-ina papunta sa ibang bansa para magpakalayu-layo upang tuluyang makaiwas kay Don Manolo. Peke lang naman ang kasal na iyon ng kanyang anak sa kanilang drayber. Ang pari na magkakasal ay peke rin kaya akala ng donya ay maayos na ang lahat ngunit lingid sa kanila ay naroon pala si Don Manolo na handang pigilan ang kasal.
“Hindi ako maaaring patalo sa isang hamak na drayber lang! Ito ang nararapat sa inyo!” sambit ng lalaki na may dalang baril at sinimulang magpaputok sa loob ng simbahan.
“Kung hindi ka mapapasaakin, Franceska, ay mas nanaisin ko pang mawala ka’t hindi mapakinabangan ng pat*y gutom na ‘yan!” sigaw niya.
Napatayo si Donya Agnes sa kinauupuan sa ginawang panggugulo ni Don Manolo. Pinigilan nito ang pagwawala ng lalaki ngunit mabilis ito at tinutukan ng baril ang matandang babae.
“Diyos ko! Mama!” hiyaw ni Franceska na patakbong pinuntahan ang ina.
Bago pa makalabit ni Don Manolo ang gatilyo ay mabilis itong sinunggaban ni Timoteo at pinagsusuntok.
“Wala kang kasing sama, Don Manolo! Pati mga inosenteng buhay ay idadamay mo pa sa kahibangan mo! Hindi ako papayag na may gawin kang masama kay senyorita at kay senyora! Eto sa iyo! Um!” wika ng lalaki na pinaggug*lpi ang hibang na don.
Mabilis na dumating ang mga pulis at nadakip agad si Don Manolo. Ang kanyang kapangahasan ay nauwi lang sa kalaboso. Walang nagawa ang yaman niya dahil sa dami ng taong nakakita sa ginawa niyang panggugulo sa simbahan ay mas lalo pa siyang nadiin. Dahil sa nangyari ay nawala ang lahat ng kanyang kayabangan at siguradong maghihimas siya ng malamig na rehas sa piitan.
Laking pasasalamat ni Donya Agnes at Franceska sa drayber nilang si Timoteo sa ginawa nitong pagliligtas sa kanila.
“Utang namin sa iyo ng aking anak ang aming buhay, hijo. Anuman ang naisin mo’y nakahanda kong ibigay, sabihin mo lang,” wika ng donya.
Tumango lang ang lalaki at napangiti.
“Wala po akong hihilingin na kahit ano, senyora. Ginawa ko lang po ang tama,” mapagkumbabang sagot ni Timoteo.
“K-kung wala siyang hihilingin, mama, ako ang mayroong hihilingin sa inyo,” sabad ni Franceska sa ina.
“At ano naman iyon, hija?” sambit nitong napatingin sa anak.
Napabuntong-hininga muna ang babae bago nagsalita.
“Maaari po bang ituloy namin ang kasal, mama?” tanong ni Franceska.
Ikinagulat ni Donya Agnes at ni Timoteo ang inihayag niya.
“Kung puwede po ay pagbigyan niyo ang hiling kong pakasalan si Timoteo, mama. Ang gusto ko’y totoong kasal at hindi peke,” bunyag ng anak.
Napamulagat si Donya Agnes na hindi makapaniwala sa mga sinasabi niya.
“P-pero hija, ‘di ba ang sabi mo’y mayroon ka nang lalaking pinaka-iibig? Ano itong sinasabi mo na gusto mong pakasalan itong si Timoteo?” naguguluhang tanong ng donya.
“Ang lalaking sinabi ko sa iyo, mama, ay ang lalaking matagal ko na talagang iniibig subalit sa kabila ng aming magkaibang antas sa buhay ay nagkaroon ako ng pangamba na ipagtapat sa inyo dahil siguradong tututulan niyo. Hindi ba kayo nagtataka kung bakit agad akong pumayag nang sabihin niyong magpanggap kaming magkasintahan? Dahil lihim ko siyang iniibig, mama. Mahal ko si Timoteo,” hayag ni Franceska.
Napanganga si Timoteo sa pagtatapat ng kanyang senyorita.
“T-totoo po ba ang sinabi niyo, senyorita? M-mahal mo ako?!” gulat na tanong ng lalaki.
“Oo, Timoteo, mahal kita. Kaya nga nang malaman kong ikakasal tayo’y pinangarap kong sana ay totoo na, dahil matagal ko nang hinangad na ikaw ay aking maging kabiyak.”
Nilapitan ni Timoteo ang babae at hinawakan ito sa mga kamay.
“May aaminin din ako sa iyo, senyorita. Matagal na rin kitang minamahal. Alangan lang ako dahil malayo ang agwat ng ating pamumuhay. Ikaw ay langit at ako ay lupa kaya nang utusan ako ng iyong mama na magpanggap na iyong kasintahan ay laking tuwa ko dahil pagkakataon ko na iyon para mapalapit sa iyo. Kaya nga sobra rin akong nalungkot nang sumapit ang ating kasal dahil tiyak kong pagkatapos ng pagpapanggap ay mawawala ka na sa piling ko,” bunyag ni Timoteo.
Napaluha na si Franceska sa katotohanang inamin ng lalaking pinaka-iibig niya.
Hindi na rin napigilan ni Donya Agnes na mapaiyak sa pagtatapat ng dalawa sa isa’t isa kaya nakapagdesisyon na siya na huwag nang hadlangan ang nararamdaman ng mga ito. Napatunayan din naman niya na mabuting tao ang lalaking gusto ng kanyang anak kaya wala na siyang karapatang tumutol.
“Bueno, itutuloy ninyo ang naudlot na kasal, pero ipangako ninyo sa akin na bibigyan ninyo agad ako ng apo, ha?” nakangiting sabi ng donya.
Ikinasal ang senyorita at ang drayber at ‘di nagtagal ay nagkaroon sila ng tatlong anak.
Ang tunay na pag-ibig ay walang pinipiling estado sa buhay basta nakapaghihintay lang sa tamang panahon.