Inday TrendingInday Trending
Isang Binatilyo ang Nanghingi ng Tulong sa mga Pasahero ng Bus Ngunit Marami ang Hindi Naniwala sa Kaniya; Totoo Nga Kaya ang Sinasabi Niya?

Isang Binatilyo ang Nanghingi ng Tulong sa mga Pasahero ng Bus Ngunit Marami ang Hindi Naniwala sa Kaniya; Totoo Nga Kaya ang Sinasabi Niya?

Pagsakay na pagsakay pa lamang sa bus, agad na ipinasak ni Pamela ang earphones sa kaniyang tainga. Isa siyang nurse sa isang pampublikong ospital. Sa araw-araw niyang pagpasok, kinasanayan na niyang habang nasa biyahe ay nakikinig sa musika o nanonood ng K-drama sa kaniyang selpon.

Maya-maya, napansin ni Pamela na may pumasok na isang tinedyer na lalaki sa bus, may hawak na tila sertipiko at larawan ng matandang babae. Mukhang alam na ni Pamela kung ano ito. Nagkunwari siyang nagtutulog-tulugan at hindi pinakikinggan ang anumang sasabihin ng naturang binatilyo.

“Magandang umaga po sa inyong lahat. Ako nga po pala si Jay-ar. Wala po akong intensyong masama sa inyong lahat, gusto ko lang pong humingi sana ng tulong mula sa inyo, kumakatok po ako sa inyong mga puso, kahit mga magkano lang po, mga Ma’am at Sir,” saad ng binatilyo na nagpakilala bilang si Jay-ar.

“Bilisan mo lang at nakakaistorbo ka sa mga pasahero namin,” nakaasik na sabi ng kundoktor ng bus na patuloy lamang sa pangongolekta ng bayad ng mga pasahero.

“Nasa ospital po ang nanay ko ngayon at nakikipaglaban sa banig ng karamdaman. Sa halip po na magnakaw ako o gumawa nang masama, mas mabuti na lang po na kainin ko ang kahihiyan ko para humingi ng kaunting tulong mula sa inyo. Kahit magkano po mga Ma’am, Sir… malaking bagay na po para sa nanay ko,” pagpapatuloy pa ni Jay-ar.

Maya-maya, may tumalak na isang ginang.

“Hay naku kuya, lumang tugtugin na ‘yan! Ang laki-laki ng katawan mo bakit hindi ka magbanat ng buto? Umaasa kayo lagi sa mga limos-limos na iyan. Masyado kayo!” nanggagalaiti ang ginang.

“Oo nga. Maraming ganyan ngayon, bata. Bakit hindi kayo lumapit sa lokal na pamahalaan ninyo para matulungan kayo. Hindi na kapani-paniwala ang sinasabi mo,” segunda naman ng isang lalaking payat at may edad na.

“Mga Ma’am Sir hindi ko naman po kayo pipilitin kung ayaw ninyong maniwala sa akin. Kung hindi po kayo mag-aabot ng tulong, wala naman pong problema sa akin,” magalang na sabi ni Jay-ar.

Nagsimula na ngang umikot si Jay-ar sa mga pasahero. May mga nagbigay, at may mga hindi naman siya pinansin. Isa na roon si Pamela. Nagkunwari siyang natutulog upang hindi siya maabala.

“Maraming salamat po, mga Ma’am at Sir!” paasalamat ni Jay-ar bago tuluyang bumaba ng bus. Nakahinga nang maluwag si Pamela. Siya ang nahihiya sa mga ganoong bagay na nangyayari sa loob ng bus, bagama’t sanay na siya sa mga ganoong ‘modus operandi.’

Maya-maya ay kinailangan nang bumaba ni Pamela. Naglakad siya nang kaunti at nasa ospital na siya.

“Pamela, tingnan mo nga yung babaeng pasyente doon sa isang kuwarto,” utos sa kaniya ng head nurse. Tumango naman si Pamela.

Pagdating sa kuwarto ng kaniyang pasyente, napatda si Pamela nang makita ang binatilyo na nanghihingi ng tulong kanina sa bus. Hawak nito ang kamay ng nakaratay na ina.

“’Nay, huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat para lang gumaling ka. Hinding-hindi kita pababayaan. Lulunukin ko ang kahihiyan ko para lang mapagaling ka. Mahal na mahal po kita,” sabi ni Jay-ar sa kaniyang ina.

Gulat na gulat si Pamela sa kaniyang mga narinig at nasaksihan. Ang lalaking kanina ay hinusgahang manggagantso, totoo naman pala talaga na ang ina nito ay nakaratay sa banig ng karamdaman, at totoo ang panghihingi nito ng tulong sa mga pasahero! Hindi siya manloloko!

Nakaramdam ng pagkapahiya si Pamela. Naging mabilis ang paghuhusga niya sa lalaking tinedyer. Totoo naman pala ang pinagdaraanan nito.

Tila namukhaan naman ni Jay-ar si Pamela.

“Nurse, kayo na po ang bahala sa Nanay ko. Sana po gumaling na po siya. Hindi po kaya ng puso ko na makitang ganyan siya,” pakiusap ni Jay-ar kay Pamela.

“Huwag kang mag-alala, gagaling ang nanay mo. Patawarin mo pala ako kanina kung hindi ako naniwala sa sinasabi mo. Akala ko kasi, katulad ka ng iba na gumigimik lang para magkaroon ng pera,” paghingi ng paumanhin ni Pamela kay Jay-ar.

“Naku wala po ‘yun, sanay na po ako sa mga ganyan,” paliwanag naman ni Jay-ar.

Kaya ginawa ni Pamela ang lahat upang maasiste nang maayos ang ina ni Jay-ar upang tuluyan na itong gumaling.

Makalipas ang dalawang linggo, dahil sa matiyagang pagna-nurse ni Pamela sa ina ni Jay-ar ay gumaling na rin ito at nakauwi na.

Napagtanto ni Pamela na hindi dapat husgahan ang isang tao batay sa panlabas nitong anyo, dahil walang nakakaalam kung ano ang tunay na pinagdaraanan ng kapwa.

Advertisement