Inday TrendingInday Trending
Roller Blades ang Ginamit ng Lalaking Ito Upang Magdeliver; Malagpasan Kaya Niya ang Pagsubok na Dulot Nito?

Roller Blades ang Ginamit ng Lalaking Ito Upang Magdeliver; Malagpasan Kaya Niya ang Pagsubok na Dulot Nito?

“Kuya, anong gagawin natin? Ang taas lagi ng lagnat ni Nanay. Ayaw naman niyang magpadala sa ospital,” naiiyak na sambit ni Jenny sa kaniyang kuyang si Dennis.

Hindi na rin malaman ni Dennis kung ano ang gagawin niya. May halos dalawang linggo nang nakaratay sa banig ng karamdaman ang kanilang inang si Aling Josephine.

Working student si Dennis at isang taon na lamang, tapos na siya sa kursong Edukasyon sa isang state university. Hindi siya puwedeng huminto sa pagtatrabaho at pag-aaral dahil sayang na sayang naman ang mga panahong iginugol niya upang matulungan ang kaniyang pamilya.

Si Jenny naman ay Grade 11 sa Senior High School. Ang kanilang ama ay sumakabilang-buhay na dahil sa malalang karamdaman.

“Huwag kang mag-alala, Jenny. Hindi naman ako tumitigil sa pagtatrabaho nang sa gayon, matustusan natin ang mga pangangailangan dito sa bahay. Makakaisip din ako nang paraan kung paano tayo magkakaroon ng karagdagang pera panggastos dito sa bahay,” pampalubag-loob ni Dennis sa kaniyang kapatid.

“Eh kung tumigil na lang ako sa pag-aaral, kuya? Magtatrabaho na lang ako,” mungkahi ni Jenny sa kaniyang kuya.

“Ano ka ba naman, Jenny! Iyan ang huwag na huwag mong gagawin. Nakalimutan mo na ba ang laging binabanggit sa atin ni Tatay noong nabubuhay pa siya? Na wala silang maipamamana sa atin ni Nanay kung hindi ang edukasyon. Kailangang makatapos ka, dahil ang diploma natin ang magiging bala natin kahit saan man tayo mapadpad,” sermon ni Dennis sa kaniyang nakababatang kapatid.

“Naaawa na kasi ako sa iyo, kuya. Alam ko, hirap na hirap ka na rin sa sitwasyon natin ngayon. Hindi mo naman mai-aalis sa akin na hindi tumulong. Payagan mo na lang siguro ako na mag-isip nang legal na paraan kung paano ako makakatulong sa pamilya natin,” sabi ni Jenny.

“Bunso, wala namang problema sa akin kung gustuhin mong tumulong. Magtrabaho ka, magtinda ka… ayos lang. Pero sana huwag na huwag mong pababayaan ang pag-aaral mo. Ipangako mo sa akin.”

“Opo kuya, pangako, hinding-hindi ko pababayaan ang pag-aaral ko,” pangako ni Jenny kay Dennis.

Nang gabing iyon ay may naisip nang paraan si Dennis kung paano madadagdagan ang kanilang kita. Dahil may ekstrang oras pa siya sa hapon, naisip niyang maging delivery rider. Subalit imposibleng maging delivery rider kung wala namang sasakyan. Wala siyang motorsiklo o ni wala siyang bisikleta.

Anong gagawin niya ngayon?

Naisip niya, paano kung manghiram na lamang siya sa mga kakilala niya. Baka may isa sa kanila na may hindi na ginagamit na bisikleta.

Kinabukasan, sinubukan niyang humiram sa kaniyang mga kakilala, subalit wala sa kanila ang may bisikleta. Kung meron man, ginagamit naman nila sa kanilang pagpasok sa trabaho o pagpasok sa paaralan.

Hanggang sa naalala ni Dennis na may roller blades nga pala siya. Bigay iyon sa kaniya ng Tatay niya. Iyon na lamang ang gagamitin niya sa pagdedeliver.

Hindi nagpatumpik-tumpik si Dennis. Sa pamamagitan ng kaniyang roller blades ay pinasok niya ang pagdedeliver. Hindi naging madali ang lahat para sa kaniya. Nasubukan niyang masubsob sa daan o sumemplang dahil masyadong mabigat ang mga dinedeliver niya, lalo na kung mga pagkain ito.

Gayunpaman, hindi ito naging dahilan upang panghinaan siya ng loob.

Hanggang sa isang araw, isang customer ang nakaramdam ng pagkaawa kay Dennis dahil sa ginagamit niyang roller blades.

“Napakasipag mo naman. Bibihira na ang mga gaya mong delivery rider na gumagamit ng roller blades. Bukas, bumalik ka rito sa akin.”

At iyon na nga ang ginawa ni Dennis. Kinabukasan, bumalik siya sa naturang customer. Nanlaki ang mga mata niya dahil may sorpresa ito sa kaniya.

“Para sa iyo ito, kaunting tulong lang para naman sa gayon, hindi ka na mahirapan sa pagdedeliver mo,” saad ng customer sa kaniya. Binigyan siya nito ng isang bagong-bagong bisikleta!

“Sir, teka lang ho… hindi ho ba sobra-sobra itong tulong ninyo? Nakakahiya ho, sir,” hiyang-hiyang sabi ni Dennis.

“Huwag kang mahiya. Tulong ko talaga ‘yan sa iyo. Nakikita ko ang sarili ko sa iyo. Ganyan din ako noong kabataan ko, kaya naman, sana tanggapin mo ang munting tulong ko para sa iyo,” paliwanag ng naturang customer.

Maluwag na tinanggap ni Dennis ang tulong na ibinigay ng kaniyang customer na hindi niya alam na nabigyan na pala niya ng inspirasyon.

Mas naging maayos na ang pagdedeliver ni Dennis dahil sa bisikleta. Awa ng Diyos at gumaling na rin ang kanilang ina. Nagpasalamat nang labis si Dennis sa Diyos dahil sa mga biyayang natamo niya.

Advertisement