
Balak ng Babaeng Ito na Siraan ang Kaniyang Katrabaho na Banta sa Kaniyang Promosyon; Magtagumpay Kaya Siya?
Nabuo na ni Rachel ang kaniyang mga plano: sisiraan niya ang kasamahan sa trabaho na si Sally, upang hindi ito maitaas ng katungkulan.
Inggit ang lumulukob kay Rachel sa pagpasok ni Sally sa kanilang kompanya. Noong wala pa ito, si Rachel ang madalas na napupuri ng kanilang boss. Laging nailalagay sa bulletin board ang kaniyang pangalan, bilang best employee.
Subalit nang dumating si Sally, nabago ang imaheng pinakaiingatan ni Rachel. Mas lagi nang napupuri si Sally at pakiramdam ni Rachel ay naisantabi na siya ng kaniyang mga boss. Kabadong-kabado ngayon si Rachel dahil hindi niya alam kung matutuloy pa ba ang nakatakdang pagtataas ng kaniyang tungkulin.
“Hindi ka ba kinikilabutan sa balak mo, Rachel? Kawawa naman si Sally. Kahit na kaibigan kita, hindi magandang siraan ang katrabaho mo, sa kahit na anumang paraan. Lumaban ka nang patas,” sabi ni Dorina, ang kaniyang matalik na kaibigan, nang ipaalam ni Rachel dito ang balak niyang pagpaplanta ng mga impormasyong makasisira kay Sally.
“Dorina, ito lang ang tanging paraan nang sa gayon ay masira ko ang pangalan ng sipsip na si Sally na ‘yan. Simula nang dumating siya sa opisina, siya na lang lagi ang napapansin ng boss namin. Paano na ang pangarap ko na maging boss? Ganoon na lang ba ‘yun? Hindi ako papayag na maagaw sa akin ang korona,” bulalas ni Rachel.
“Hindi kita susuportahan sa bagay na ‘yan, Rachel. Kahit na matalik kitang kaibigan. Ayokong masira ka, mahal kita bilang kaibigan mo. Ayokong lamunin ng inggit ang puso mo. Kaya sana makinig ka sa akin,” paalala ni Dorina.
“Kung talagang tunay kang kaibigan, maiintindihan mo ang pinanggagalingan ko, Dorina.”
At simula noon ay hindi na masyadong nag-usap sina Rachel at Dorina.
Si Rachel, lagi na lamang niyang binabantayan ang bawat kilos ni Sally sa opisina. Hinahanapan niya ito ng maling galaw, hinahanapan niya ng butas, nang sa gayon ay maidagdag niya sa kaniyang planong pagpapabagsak dito.
Isang hapon, napansin ni Rachel na tila natutulog sa kaniyang puwesto si Sally. Nakadukmo ito sa mesa.
“Oras ng trabaho, natutulog ka ha… makuhanan nga ng video para may ebidensya,” nakangising sabi ni Rachel. Inilabas niya ang kaniyang selpon at kinuhanan niya ng bidyo ang natutulog na si Sally.
“Humanda ka sa akin. Sasabihin ko ito kay boss, ngayon na.”
Nang makasalubong niya ang kanilang boss, kunwari ay kinumusta niya ito. Maya-maya, sinabihan niya ito na may nahuli siya at ipakikita siya. Ipinakita niya rito ang kuhang bidyo niya kay Sally habang natutulog ito.
“Naku boss hindi po ba bawal matulog kapag working hours? Dapat sitahin itong si Sally at pagsabihan. Mali ang ginagawa niya,” susog ni Rachel sa kaniyang boss.
“Ah, ayos lang ‘yan. Nagsabi siya sa akin na medyo masama ang pakiramdam niya. Nakatutuwa nga siya eh, kahit masama ang timpla ng katawan niya, pinili pa rin niyang pumasok. Napakasipag,” paliwanag ng kaniyang boss.
Tila naman nalaglag ang panga ni Rachel sa kaniyang mga narinig. Hindi gumana ang kaniyang plano.
Mukhang mas kinampihan ng boss si Sally. Lalong kinabahan si Rachel.
Kailangan niyang gawin ang naiisip niyang plano laban kay Sally.
Nakahanda na ang lahat ng pasabog niya laban kay Sally nang ipatawag siya ng boss.
“Rachel, gusto kong sabihin sa iyo na ikaw ang napipisil kong pumalit sa akin. Ako naman ay aangat na sa posisyon.”
Nagningning ang mga mata ni Rachel sa kaniyang mga narinig.
“Talaga ho sir? Naku sir, maraming salamat po. Akala ko nga ho, si Sally na ang napipisil ninyong pumalit sa inyo kasi siya na lang po lagi ang napupuri ninyo,” sabi ni Rachel.
“Rachel, kapuri-puri naman talaga kasi ang work attitude at husay ni Sally pagdating sa trabaho, kaya kailangang mabigyan ng komendasyon. Ganoon naman talaga. Ikaw, mahusay ka at matagal na rin dito sa kompanya. Alam kong kayang-kaya mo na ang posisyong maibibigay sa iyo.”
“Tatandaan mo, Rachel. Ang isang mahusay na pinuno, gumagawa ng mga susunod sa kaniya. Mas mainam kung mahigitan ka pa niya, ibig sabihin, nagtagumpay ka sa iyong tungkulin na magbigay ng inspirasyon sa iba.”
Tinandaan ni Rachel ang mga sinabi ng kaniyang boss. Mabuti na lamang at hindi niya naituloy ang balak na pagsira sa pangalan ni Sally, na walang kamuwang-muwang.
Napagtanto ni Rachel na hindi dapat kainggitan ang mga katrabaho. Kung talagang magaling ang isang empleyado, mapapansin at mapapansin ito ng boss at hindi kailangang manapak ng iba upang umangat lamang.
Humingi na rin ng tawad si Rachel kay Dorina at isinalaysay niya rito ang lahat. Nagkaayos na silang dalawa at tatandaang maigi ni Rachel ang mga natutuhan sa karanasang iyon.