Inday TrendingInday Trending
Isang Mayamang Binata ang Naging Suki ng Magtatahong Ito; Hindi Siya Makapaniwala sa Ginawa Nito sa Kaniya

Isang Mayamang Binata ang Naging Suki ng Magtatahong Ito; Hindi Siya Makapaniwala sa Ginawa Nito sa Kaniya

“Taho! Taho kayo diyan! Tahooooo!!!”

Masiglang-masiglang naglalako na naman ng kaniyang panindang taho si Mang Nicolas. Tuwing umaga, lagi na siyang inaabangan ng kaniyang mga suki, lalo na ang mga bata at ang mga nagsisipasok sa kani-kanilang mga trabaho.

Bukod sa masarap naman talaga ang tindang taho ni Mang Nicolas, isa pa sa mga dahilan kung bakit marami siyang mga suki ay dahil sa kaniyang kakaibang aura. Palangiti kasi siya at palakuwento, bagay na nagugustuhan naman ng kaniyang mga suki.

Tulad ngayon, nakaabang na sa kaniya ang isa sa mga suki niyang de-kotse na si Christian. Kabisado na ni Mang Nicolas kung kailan dumaraan sa kalyeng iyon si Christian.

“Magandang umaga po sir, syempre nakahanda na ho ang taho ninyo,” nakangiting sabi ni Mang Nicolas. Ibinigay na niya ang mainit-init na taho kay Christian. Gaya ng dati, keep the change ulit ang sinasabi nito sa kaniya.

“Hayan, makakakain na naman ako ng masarap na taho. Salamat po, Mang Nicolas!” nakangiting pasasalamat ni Christian kay Mang Nicolas.

“Naku ako nga ho ang dapat magpasalamat sa inyo, kasi bumibili kayo sa akin,” nakangiting pasasalamat ni Mang Nicolas kay Christian.

Isang araw, hindi nakapagtinda si Mang Nicolas. Gumising siya na ang sama-sama ng kaniyang pakiramdam. Wala siyang kasama sa buhay dahil hindi na siya nakapag-asawa. Marami sa mga suki niya ang nanibago dahil hindi nila narinig ang magiliw na tinig ni Mang Nicolas habang inilalako ang panindang taho.

Isa sa mga nabagabag dito si Christian. Kaya naman, pinagtanong-tanong niya sa mga tindero kung saan matatagpuan ang bahay ni Mang Nicolas. May isa namang mabuting puso ang itinuro kung saang barung-barong nakatira ang matanda.

Hindi nagdalawang-isip si Christian na puntahan ang tinutuluyan ni Mang Nicolas. Naabutan niya ang matanda na nanginginig. Sa noo nito ay nakalapag ang isang malaking tuwalyang basa sa tubig at suka.

“Naku, Mang Nicolas, mabuti na lang ho at naisipan kong puntahan kayo dahil wala hong nagtinda ng taho ngayon. Tama ang kutob ko na may nangyari sa inyo,” saad ni Christian.

“Naku, sir, nakakahiya naman at nagsadya pa kayo rito sa aking maliit na barung-barong. May trangkaso po yata ako kaya hindi ako nakapaglako ngayon. Pasensya na. Mahirap ang mag-isa,” nasabi na lamang ni Mang Nicolas.

“Dalhin ko na po kayo sa ospital, Mang Nicolas,” pagpupumilit ni Christian.

Noong una ay ayaw pang pumayag ni Mang Nicolas, ngunit sa kakapilit ni Christian ay napapayag na rin itong madala sa ospital upang masuri ang dahilan ng pagkakasakit nito. Napag-alaman na may dengue pala ang matanda.

“Dok, gawin ninyo ang lahat para lang gumaling ang matanda. Ako na po ang bahala sa lahat ng gastusin,” bilin ni Christian sa doktor.

Mabuti na lamang at naagapan si Mang Nicolas at hindi na dumating sa puntong kailangan pa siyang salinan ng dugo.

Makalipas ang isang linggo, tuluyan na ngang gumaling si Mang Nicolas. Labis-labis ang pasasalamat ng magtataho kay Christian. Hindi siya makapaniwala na ang isang suki ay magmamalasakit sa kaniya nang sobra-sobra.

“Sir Christian, malaki ang utang na loob at utang na pera ko sa iyo. Huwag kang mag-alala, babayaran kita sa mga nagastos mo,” saad ni Mang Nicolas kay Christian.

“Naku ho, huwag na po kayong mag-abala, Mang Nicolas. Magpagaling po kayo. Kapag magaling na magaling na po kayo, may pupuntahan po tayo,” saad ni Christian.

Makalipas ang isang linggo ay tuluyan na ngang gumaling si Mang Nicolas. Nakabawi-bawi na ito mula sa panghihina. Handa na ulit itong maglako ng taho.

“Mang Nicolas, sumama po kayo sa akin. May pupuntahan po tayo,” sabi ni Christian sa matanda.

At sumama naman ang matanda kay Christian. Nagtungo sila sa isang sementeryo.

“A-Anong ginagawa natin sa libingan ng aking yumaong kapatid?” takang tanong ni Mang Nicolas kay Christian. Nasa harapan sila ngayon ng puntod ni Ludovico, ang kapatid ni Mang Nicolas.

“Si Ludovico po ang lolo ko, Mang Nicolas. Bago po siya nawala, nabanggit po niya na may kapatid po siya. At kayo po ‘yon. Umpisa pa lang po, alam ko na ang katotohanan, na kayo ay lolo ko po. Sinubaybayan ko po kayo Lolo Nicolas, nahihiya lang po akong humanap ng tiyempo kung paano ko sasabihin sa inyo na apo ninyo ako, na ako ang apo ng nakaalitan ninyong kapatid,” paliwanag ni Christian.

“Naging malaki ang pagkukulang ko sa kapatid ko… hindi kami nagkasundo noon, subalit nagsisisi na ako. Apo, maraming salamat sa lahat!” naiiyak na sabi ni Mang Nicolas.

Simula noon ay isinama na ni Christian ang kaniyang Lolo Nicolas sa bahay upang mas maalagaan pa ito. Lagi namang ginagawan ni Mang Nicolas ng paborito nitong taho ang kaniyang apong si Christian, na ngayon ay kapiling na niya!

Advertisement