
Inalok ng Parokyano ang Babaeng Masahistang na Magsama Sila sa Iisang Bubong Upang Maisalba Siya sa Kaniyang Trabaho; Kagatin Kaya Niya ang Alok Nito?
Matapos ang pagmamasahe ni Daisy sa kaniyang kliyenteng may edad na, ibinigay nito sa kaniya ang isang calling card.
Kakaiba ang kustomer na ito ni Daisy. Ito lamang ang bukod-tanging hindi humiling sa kaniya ng ‘extra service.’
“Tawagan mo ako ah. Heto ang numero ko. Minsan lang ako mag-offer nang ganito sa babae. Sana, ikaw na ang regular na masahista ko. Ipagpapaalam kita para sa home service,” saad ni Crisanto kay Daisy.
Pumayag naman si Daisy sa alok ni Crisanto na mag-home service siya ng masahe rito. Nagtiwala naman siya dahil nga mukha namang maginoo ito.
Isang gabi, nagpunta na nga si Daisy sa bahay ni Crisanto upang bigyan ito ng home service. Matapos ang masahe, masinsinan silang nag-usap.
“Daisy, paano kung alukin kita na maging kasama ko na rito sa bahay? Magsama na tayo. Gusto kita. Hindi ka nababagay sa massage spa na pinagtatrabahuhan mo,” alok ni Crisanto kay Daisy.
“Ano naman ang mapapala ko sa iyo kapag pumayag akong talikuran ang trabaho ko bilang masahista at sumama sa iyo?” tanong ni Daisy.
“Bibigyan kita ng allowance, gagawin kitang reyna ng bahay ko. Tingnan mo ang bahay ko, malaki nga pero ako lang mag-isa. Kailangan ko ng makakasama. Saka, s’yempre gusto ko may masahe gabi-gabi,” paliwanag ni Crisanto kay Daisy.
“Pag-iisipan ko munang mabuti.”
Nang gabing iyon ay pinag-isipang mabuti ni Daisy kung papayag ba siya sa alok ni Crisanto na maging live-in partner nito. Tamang-tama, single naman din siya at wala na siyang pambayad sa kaniyang apartment. Kung papayag siya na makisama rito, makakamenos siya nang husto sa mga gastusin.
Gamitan lang ito. Gagamitin siya ni Crisanto para may makasama ito at may tagamasahe tuwing gabi. Siya naman, gagamitin niya ang lalaki para makabawas siya sa mga gastusin.
Pumayag na nga si Daisy sa alok ni Crisanto. Dinala na niya ang mga gamit niya sa bahay nito.
Tuwing umaga, pumapasok sa trabaho si Crisanto. Kaya ang ginagawa ni Daisy, siya na lamang ang naglilinis, naglalaba, at nag-aasikaso sa iba pang mga gawaing-bahay. Binigyan siya ng kalayaan ni Crisanto upang gawin ang mga bagay na ito.
Tuwing gabi naman, hindi nakakalimot si Daisy sa kaniyang obligasyon na bigyan ng masarap na masahe si Crisanto hanggang sa makatulog ito. Nakatutuwa na kahit ganito, wala pang nangyayari sa kanila. Mukhang ang gusto lang talaga ni Crisanto ay makakasama sa bahay.
Tumagal nang limang buwang nagsasama sa iisang bubong sina Daisy at Crisanto na walang nangyayari sa kanila.
Hanggang sa hindi na namamalayan ni Daisy na parang hinahanap-hanap na niya ang presensya ni Crisanto. Nasasabik siya tuwing sasapit na ang gabi dahil uuwi na si Crisanto, magkukuwentuhan sila, pagsasaluhan nila ang masarap na putaheng niluto ni Daisy, at pagkatapos ay bibigyan niya ito ng masarap na masahe hanggang sa makatulog na.
Aminado si Daisy na mahal na niya si Crisanto. Subalit hindi niya alam kung ganoon din ba ang nararamdaman nito sa kaniya. Nahihiya siyang magtanong kung ano ba talaga sa sila. Ni hindi nga siya hinahalikan nito. Ni hindi hinahawakan basta-basta.
Nalungkot si Daisy sa isiping hanggang pagmamasahe na lamang ang silbi niya kay Crisanto, at heto siya, nahuhulog na siya sa lalaking ito, na batay sa kaniyang pagkakakilala ay isang napakabuting lalaki.
Ni hindi man lamang siya pinagtatangkaan, kahit na halos nakita na ni Daisy ang hubad na katawan nito, sa tuwing minamasahe niya.
Isang gabi, habang sila ay kumakain, hindi makapaniwala si Daisy nang lumapit sa kaniya si Crisanto, lumuhod, kinuha ang kaniyang kaliwang kamay. Inilabas nito ang isang pulang kahita, na naglalaman ng isang singsing.
“Daisy, pinag-isipan kong maigi ito. Sa loob ng maraming buwang magkasama tayo, naisip ko na dapat ay pakasalan na kita. Will you marry me?”
“M-Mahal mo na rin ako?” naiiyak na tanong ni Daisy.
“Oo, una pa lang. Kaya nga ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para maialis ka sa trabaho mo. Iginalang kita, Daisy. Gusto ko, makuha kita pagkatapos ng araw ng kasal natin. Sana hayaan mo akong pakasalan ka at gagawin kitang reyna ng buhay ko,” sabi ni Crisanto.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Daisy. Kinuha niya ang singsing at isinuot sa kaniyang palasingsingan.
“Oo, pakakasalan kita Crisanto, mahal na mahal kita!” naiiyak na sabi ni Daisy. At noon lamang naglapat ang kani-kanilang mga labi at natikman ang masuyong halik.
Makalipas ang ilang buwan, naidaos na rin ang kanilang kasalan. Hindi makapaniwala si Daisy na may isang lalaking magpapakasal sa kaniya.
Masayang-masaya si Daisy dahil may mga lalaki pa palang katulad ni Crisanto—maginoo at may paggalang sa mga babaeng gaya niya. Agad na nagpakasal sina Daisy at Crisanto at bumuo ng kanilang sariling pamilya.