
Ayaw ng Dalagang Ito na Siya’y Pinakikialaman, Pagbukod nga ba sa Magulang ang Tanging Paraan?
“Anak, hindi mo naman kailangang tuluyan nang umalis dito sa bahay dahil lang sa pagtatalo natin kagabi. Hindi biro ang bumukod ng bahay kasama ang mga kaibigan, lalo na’t hindi naman lahat ng kaibigan mo, may trabaho katulad mo,” sabi ni Aling Norma sa anak na babae, isang umaga nang makita niya itong nag-eempake ng mga gamit.
“Hanggang sa paglilipat ko ba naman ng bahay mangingialam ka, mama, ha? Kaya nga gusto ko bumukod sa inyo dahil lahat ng desisyon ko sa buhay pinakikialaman niyo ni papa! Lagi kayong may nasasabi!” sigaw ni Aileen habang patuloy ang pagsisik ng kaniyang mga gamit sa nabili niyang maleta.
“Kasi naman, anak, alam naming hindi mo iyon ikabubuti kaya pinagsasabihan ka namin,” katwiran nito na ikinaling niya.
“Pakiusap lang, ayoko nang marinig pa ang opinyon niyo! Simula ngayon, huwag na huwag niyo na akong papakialaman o kahit tatawagan!” sabi niya dahilan para siya’y hawakan sa kamay ng ina.
“Anak, naman, maawa ka sa sarili mo,” malumanay nitong wika.
“Talaga! Kaya nga ako aalis sa b*isit na bahay na ito dahil naaawa na ako sa pagiging sunod-sunuran ko sa inyo!” bulyaw niya pa rito matapos itaboy ang kamay nito at agad na umalis ng kanilang bahay.
Agad na nayayamot ang dalagang si Aileen sa tuwing siya’y pinagsasabihan ng kaniyang mga magulang patungkol sa mga desisyon niya sa buhay. Palagi niyang iniisip na siya’y pinakiaalaman o kinokontra dahilan para ganoon na lang lumayo ang loob niya sa mga ito.
Kaya naman, ngayong may sapat na siyang ipon at may maganda pang trabaho, lumakas na ang loob niyang bumukod ng bahay sa kaniyang mga magulang upang huwag nang magambala ng mga ito.
Sakto namang nagkakayayaan ang kaniyang mga kaibigan na manirahan sa iisang bahay dahilan para agad siyang pumayag sa kagustuhan ng mga ito noong araw na ‘yon matapos nilang magkasagutan mag-ina nang dahil lang sa pagkaing paborito niya na ayaw nitong ipakain sa kaniya dahil hindi masama sa kalusugan.
Pagkaalis niya sa kanilang bahay, rinig na rinig man niya ang hagulgol ng ina sa ginawa niyang biglaang pagbukod, hindi niya ito inintindi bagkus lalo pang nagmadaling makalayo sa kanilang bahay.
Hindi naman niya pinagsisihan ang naging desisyon dahil agad na napalitan ng halakhakan at kasiyahan ang araw niya no’n nang makita ang mga kaibigang naroon na sa uupahan nilang bahay.
Ang pagtira niya roon ang isa sa mga pinakamasayang desisyong nagawa niya dahil bukod sa sama-sama na silang magkakaibigan, ni minsan, wala pa siyang naririnig na sigawan o pakialamanan dahilan para labis siyang mawili roon.
Kaya lang, hindi nagtagal ang masayang tagpo sa bahay nilang iyon lalo na’t ang iba ay walang trabaho at umaasa lang sa iba. Kaya naman, siya na isa sa may mga trabaho ay unti-unting nahihirapan sa pagtustos sa mga kaibigan nilang wala ni pisong maiambag sa mga bayarin at pagkain.
Hindi pa roon natapos ang alitan nilang magkakaibigan dahil ilang araw pa ang lumipas, nagkakawalan na ng mga gamit sa bahay nila at nang kaniyang tingnan ang kaniyang pitaka dahil sa kabang naramdaman, nakita niya pang limas na ang perang pinag-ipunan niya.
Naglupasay at nagalit man siya, hindi niya na naibalik ang perang nawala sa kaniya. Pinagtanong-tanong niya man ito nang masinsinan sa lahat ng kaibigan niya, nagtuturuan lang ang mga ito dahilan para lalong lumaki ang kanilang alitan hanggang sa nagdesisyon na siyang umalis sa bahay na iyon.
Ayaw man niyang bumalik sa kanilang bahay dahil pakiwari niya ay sesermunan lang siya ng kaniyang mga magulang, doon pa rin siya umuwi noong araw na ‘yon dahil wala na siyang ibang mapupuntahan.
Mangiyakngiyak siyang niyakap ng ina pagkakitang-pagkakita sa kaniya. Buong akala niya’y mang-uusisa ito sa nangyari sa kaniya kaagad. Ngunit imbis na gawin ‘yon, siya’y agad nitong pinaghandaan ng makakain kasama ang ama niyang walang mapagsidlan ang kasiyahan nang muli siyang makita.
“Patawarin niyo po ako sa pagiging suwail ko, ha? Kayo lang talaga ang mga taong mapagkakatiwalaan ko sa lahat ng aspeto ng buhay ko,” sabi niya kaya siya’y sabay na niyakap ng mga ito.
Simula noong araw na ‘yon, pinag-aralan niya kung paano tanggapin ang mga payo at pangaral ng kaniyang mga magulang nang hindi siya nagagalit. Sa ganoong paraan, mas lumalim na ang relasyon nila, patuloy pa siyang umasenso sa buhay dahil sa mga taong totoong nagmamahal at may pakialam sa kaniya.