
Pinili ng Dalagang Ito na Makipag-date Kaysa Samahan ang Ama sa Kaarawan Nito, Pagsisisihan Niya Pala Ito
“Anak, maghahanda ako sa kaarawan ko ng mga paborito niyong pagkain magkakapatid! Kaso lang, hindi raw pupwede ang dalawa mong kuya dahil may importante silang business meeting noong araw na ‘yon. Sana naman, ikaw, pwede, para may kasama ako!” masiglang sabi ni Ronald sa kaniyang bunsong anak, isang tanghali nang magpasiya siyang tawagan ito.
“Anong araw ba po ‘yon, papa?” tanong ni Coleen habang nagpipindot sa laptop na nasa harapan niya.
“Linggo, hija, wala kang pasok sa trabaho no’n, hindi ba? Bukas na ‘yon!” tugon nito, bakas sa boses ng matanda ang kasiyahang nararamdaman.
“Ah, opo, wala nga po, papa. Pero hindi ko po sigurado kung makakapunta ako, ha? Marami-rami po kasi akong kailangang ayusin sa bahay,” tugon niya dahilan para bahagya itong mapatigil sa pagsasalita.
“Samahan mo muna akong magdiwang ng kaarawan ko, anak, tapos tutulungan kitang mag-ayos d’yan sa bahay mo!” alok nito na ikinakamot niya ng ulo.
“Sasabihan kita, papa, ha?” tugon niya.
“Ganoon ba? Sige, anak, walang problema! Mahal kita!” sabi pa nito nang may galak pa rin sa boses.
“Opo, papa, sige na po, bye po!” sagot niya saka agad nang binaba ang selpon at nagpatuloy sa kaniyang pagtatrabaho.
Hindi na magawang maalagaan o kahit man lang kamustahin ng dalagang si Coleen pati ng kaniyang mga kapatid ang kanilang ama dahil sa labis na pagkaabala nila sa trabaho, negosyo, at sa sari-sariling buhay.
Simula nang mawala sa mundong ito ang kanilang ina dahil sa sakit sa puso, nagsimula na silang magpasiyang magkaniya-kaniya ng buhay.
Sa katunayan, buong akala nga ng kaniyang dalawang kapatid, siya ang mananatili sa tabi ng kaniyang ama dahil siya ang huling umalis doon. Ngunit dahil nasa Maynila ang trabaho niya na malayong-malayo sa bahay ng kaniyang ama, siya’y napilitang iwan ang matanda kasama ang kinuha niyang kasambahay.
Simula noon, hindi na sila muling nakumpletong magkakapatid. Palagi na silang may kaniya-kaniyang dahilan sa tuwing niyaya ng ama na magsalu-salo sa bahay at para sa kaniya, wala lang lahat ang mga nakakaligtaan niyang selebrasyon kasama ang ama dahil trabaho na ang prayoridad niya ngayon.
Kinabukasan nang araw na iyon, siya nga’y muling tinawagan ng ama. Tila kinukulit na siya nitong dumalaw sa bahay dahil sayang naman daw ang mga niluto nitong pagkain. Tanging sagot niya lamang sa matanda, “Susubukan ko nga, papa,” na positibo pa rin nitong tinanggap.
Hinihintay niya kasi noong araw na ‘yon ang tawag ng kaniyang manliligaw. Sabi niya sa sarili, “Kapag hindi ako niyayang lumabas ng binatang ito ngayong araw, pupunta na lang ako kay papa. Pero kapag niyaya niya ako, sasagutin ko na siya!”
At wala pang ilang minuto, siya nga ay nakatanggap ng tawag mula sa binata. Siya’y niyaya nitong kumain sa labas na labis niyang ikinatuwa. Agad niyang pinadalhan ng text ang tatay niya na nagsasabing hindi siya makakapunta dahil sa isang importanteng bagay.
Pilit man siyang muling tawagan ng ama, hindi na niya ito pinansin at itinuon ang atensyon sa naturang binata.
Katulad nga ng balak niya, sinagot niya na nga ito na talaga nga namang ikinataba ng puso niya.
Ngunit hindi nagtagal ang kasiyahang naramdaman niya nang araw na iyon dahil nago siya umuwi sa condo, nakatanggap siya ng tawag mula sa mga kapatid na wala na raw ang kanilang ama.
“Nadulas si papa sa kusina habang hinahanda ang mga pagkaing handa sa kaarawan niya. Nakita sa CCTV na tumama ang ulo niya sa lamesa. Sinubukan pa raw na lumaban ni papa para tawagan ka, pero hindi na niya nakayanan. Kung hindi pa dumalaw ang pinsan natin, hindi nating malalamang wala na si papa,” hagulgol ng kaniyang panganay na kapatid na nasa abroad na labis niyang ikinatulala.
Wala siyang ibang masisi kung hindi ang sarili niya. Labis siyang nakokonsensya sa pagpili sa sariling kaligayahan kaysa sa pagbibigay saya sa ama nilang nangungunila na sa kanilang lahat.
Wala na siyang sinayang na oras at agad nang pinuntahan ang kaniyang ama.
“Patawarin mo ako, papa, sa mismong kaarawan mo, binigyan kita ng sama ng loob,” iyak niya sa malamig nitong katawan.
Gustuhin man niyang baguhin ang lahat ng maling ginawa sa ama at bumawi rito, wala na siyang magawa kung hindi ang umiyak gabi-gabi habang binabantayan ang puting kabaong nito.
“Hanggang sa huling hantungan mo, rito lang ako sa tabi mo, papa. Patawarin mo kaming mga magkakapatid sa naging pagkulang namin sa iyo,” hagulgol niya habang pinagmamasdan ang amang lulan ng kabaong.