Pinagtatawanan ng Pinsan ang Dalaga Dahil sa Kagustuhan Niyang Mag-aral, Kahibangan Nga Ba Ito para sa Katulad Niyang Mahirap?

“Sabi ko naman sa’yo, Chelsea, isang kahibangan ang pangarap mong maging isang abogado! Ni wala nga kayong makain sa araw-araw, gugustuhin mo pang mag-aral ng kolehiyo kaysa tumulong sa nanay mo?” patawa-tawang pangbubuska ni Tonya sa pinsan, isang araw nang malaman niyang hindi ito nakapasa sa eskwelahang gusto nitong pasukan sa kolehiyo.

“Alam ko kasing kapag nakapagtapos ako, mas makakatulong ako kay mama kaya nagpursigi akong makakuha ng entrance exam sa eskwelahang iyon,” nakatungong katwiran ni Chelsea habang winawalis ang mga kalat sa daan.

“Ang hina talaga ng kokote mo, ano? Kahit makapasok ka roon, hindi kakayanin ng nanay mo ang mga bayarin do’n! Mabuti na lang talaga hindi ka nakapasa dahil kung hindi, isa ka pa sa sakit sa ulo ng nanay mo!” sigaw pa nito sa kaniya na ikinatungo niya.

“May awa naman ang Diyos, eh, alam kong Siya ang magbibigay nang lahat ng kailangan ko,” sagot niya na lalo nitong ikinatawa.

“Kung may awa nga Siya, dapat pinasa ka niya sa entrance exam, eh, hindi! Kaya, tumigil ka na sa pangangarap d’yan!” payo nito sa kaniya saka muling ikinalat ang mga basurang kaniyang nawilis at siya’y agad na nilayasan habang patuloy na tumatawa.

Isa ang dalagang si Chelsea sa mga kabataang nabigyan ng trabaho ng kanilang barangay. Nililibot niya ang kanilang buong barangay upang linisin ang mga basurang nakakalat. Mahirap man para sa kaniya ang gawaing ito dahil buong araw siyang nakabilad sa araw, hindi ito naging hadlang para ipagpatuloy niya ito at makatulong sa gastusin ng kaniyang ina.

Sa kabilang banda, paglalabada naman ang pinagkakakitaan ng kaniyang ina. Hindi naman araw-araw may nagpapalaba rito dahilan para ang kada araw na lumilipas ay maging isang hamon kung paano nila tutugunan ang kanilang mga kumukulong sikmura.

Ang problemang ito ang nagtulak sa kaniya na sumubok na mag-aral sa kolehiyo at tuparin ang pangarap niyang maging isang abogado. Kaya lang, dahil nga hindi naman ganoon katalas ang isip niya dahil ito’y napupuno ng problema at pag-aalinlangan, hindi siya nakapasa sa paaralang iyon na labis pang ikinatuwa ng kaniyang pinsan.

Advertisement

Nang araw na ‘yon, agad niyang muling inimis ang mga basurang kinalat ng kaniyang pinsan. Habang abala siya sa pagbabalik ng mga basurang iyon sa basurahan, napansin niyang may mga batang babae na nagkakasiyahan sa isang sulok.

“Ano kayang ginagawa nila?” tanong niya sa sarili nang marinig pang nagtatawanan ang mga ito.

Dahil sa kuryosidad, siya’y agad-agad na nakigulo roon at siya’y labis na natawa nang makitang naka-live ang mga ito sa social media.

“Ang galing niyo naman, kaya niyo na agad gumamit niyan!” sabi niya dahilan para makuha niya ang atensyon ng mga ito.

“Madali lang naman, ate, halika, tuturuan ka namin! Sumama ka na rin sa live namin! Baka may magbigay sa’yo ng pera rito!” masayang sabi ng isang batang babae saka siya hinila at tinapat sa kamera.

Wala siyang ibang ginawa sa harap ng kamera kung hindi ang magkwento tungkol sa buhay niya, magpatawa, at sumayaw-sayaw kasama ang mga bata at talaga nga namang siya’y labis na nabigla nang malamang umabot sa ilang libong tao ang nanunuod sa kanila.

May nabasa pa siyang komento na nagsasabing handa siya nitong pag-aralin, may ilan na nais siyang bigyan ng pang-negosyo, at may ilan na agad na nagpadala ng pera sa kanilang live na labis niyang ikinatuwa.

Ang mga batang ito pa ang kumausap sa mga taong iyon upang siya’y matunton at wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang siya nga ay puntahan ng mga taong iyon upang tulungan.

Advertisement

Halos mapaluhod siya sa sobrang saya at pasasalamat lalo pa nang sabihin ng isang ginang na may eskwelahan na siyang mapapasukan. 

Hindi niya nga sinayang ang mga tulong na natanggap. Agad niya itong iniabot sa kaniyang ina upang mapaayos ang kanilang bahay at makabili ng kanilang mga pagkain. Binigyan niya rin ng parte ang mga batang iyon na tuwang-tuwa sa tagumpay na nakamit niya. Higit sa lahat, hindi niya rin sinayang ang pagkakataon niyang mag-aral.

Nalaman ito ng pinsan niyang si Tonya at ito’y labis na humihingi ng tawad sa kaniya at dahil likas ang kabutihang sa puso niya, maluwag niya itong pinatawad.

Tinuloy-tuloy niya rin ang pagla-live sa social media hanggang sa umabot sa milyon ang nanunuod sa kaniya. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya dahil ngayon, nakakapag-aral na siya, kumikita pa siya nang malaking pera kahit hindi siya pawisan at mapagod.

“Kapag talaga Diyos na ang kumilos, walang imposible! Mag-uumapaw talaga sa biyaya!” sabi niya sa kaniyang live habang masayang nakikipag-usap sa kaniyang mga manunuod.