
Kinukunsinti at Palaging Kinakampihan ng Lalaking Ito ang Kaniyang Anak, Humaba Tuloy ang Sungay Nito
“Ano na naman bang pinagsasasabi niyo sa anak ko, ha, mama? Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na kapag may maling ginawa ang anak ko, ako lang ang dapat manenermon sa kaniya? Nakakainis na kayo!” sigaw ni Louie sa kaniyang ina, isang hapon nang sugurin niya ito sa bahay dahil nalaman niyang pinagalitan nito ang kaniyang anak.
“Aba, imbis na sa anak mo ikaw magalit dahil sa mali niyang ginawa, sa akin ka pa manggagalaiti? Gan’yan ba kita pinalaki?” tanong nito sa kaniya.
“Bakit ganoon ba kalalim ang ginawa niyang kasalanan sa’yo para sabihin mong bastos siya?” mayabang niyang tanong dito na tila ba kaaway ang kausap.
“Sinasagot-sagot ako ng anak mo, Louie! Minura pa nga ako, eh, kaya ganoon na lang ang galit ko! Tapos ngayon, sa akin ka pa magagalit?” sagot nito na ikinailing niya.
“Iyang ugali niyo kasi ang problema! Hindi magkakagan’yan ang anak ko kung pinakikitunguhan niyo nang maayos!” pagtatanggol niya sa anak na labis na ikinagalit ng ina.
“Ah, ganoon? Sige, hintayin mo na lang na ikaw ang maperwisyo ng anak mong hinayaan mong humaba ang buntot at sungay! Ikaw ang peperwisyuhin niyan balang araw!” bulyaw nito sa kaniya saka siya agad na pinalayas sa bahay nito.
Lingid sa kagustuhan ng padre de pamilyang si Louie na pinagsasabihan ng kaniyang mga magulang ang kaniyang nag-iisang anak na lalaki. Kapag pinagsasabihan kasi ang anak niyang ito, kahit sa malumanay na paraan, agad itong umiiyak dahilan para lagi niyang kagalitan ang mga magulang na pilit dumidisiplina rito.
Palagi niyang sinasabi sa mga magulang, “Ako ang tatay niyan dapat ako ang didisiplina sa anak ko!” kahit hindi naman niya talaga ginagawa dahil ayaw niyang sumama ang loob nito sa kaniya kahit na minsan.
Kaya lang, habang tumatanda ang kaniyang anak, napapansin niyang palala na nang palala ang ginagawa nitong kasalanan hindi lang sa kaniya kung hindi pati na rin sa mga tao sa paligid nito kabilang na ang kaniyang mga magulang.
Ngunit kahit pa ganoon, ni minsan, hindi siya nagpasiyang pagsabihan ito. Sabi niya pa, “Matutunan din ng anak ko kung anong tama at mali sa tamang panahon.”
Lumipas ang mga buwan, tuluyan siyang nagdesisyong hindi na dumalaw sa bahay ng kaniyang mga magulang kasama ang kaniyang anak dahil alam niyang muli na namang pagagalitan ng mga ito ang anak niya kapag may nakitang mali rito. Mag-isa niya na lang itong inalagaan hanggang sa makatungtong na ito sa hayskul.
Hindi niya lubos akalaing sa pagtungtong nito sa mas malawak na paaralan, doon magsisimula ang delubyo ng buhay niya.
Unang araw pa lang nito sa hayskul, mayroon na kaagad itong nakaaway na kaklase dahilan para siya’y agad na ipatawag ng guro nito. Ngunit imbis na pagsabihan, tahimik niya lang itong inuwi sa bahay at pinagpahinga.
Ang paggawa ng gulo ng kaniyang anak ay nasundan pa nang nasundan hanggang sa tuluyan na itong patalsikin sa paaralang iyon dahilan para siya’y magalit na rito.
“Alam mo namang wala akong pangpaaral sa’yo sa pribadong paaralan, hindi ba? Bakit ba palagi ka na lang nasasangkot sa gulo, ha?” inis niyang tanong dito.
“Sino bang nagsabi sa’yong pag-aralin mo ako? Saka, hindi ko kasalanan kung nakakainis ang mga tao roon kaya inaaway ko,” pabalang pa nitong sagot saka agad na umalis ng kanilang bahay.
“Saan ka magpupunta?” tanong niya rito ngunit imbis na sumagot, minura pa siya nito gamit ang daliri.
Pilit siyang nag-isip ng paraan kung paano masosolusyunan ang problemang kinakaharap ngayon at dahil nga tingin niya’y hindi na niya kayang solusyunan ito mag-isa, naisipan niyang humingi ng tulong sa kaniyang mga magulang.
Kaya lang, bago niya pa matawagan ang mga ito, sumugod sa kanilang bahay ang mga tanod sa kanilang barangay at binalita sa kaniyang sinaksak ng kaniyang anak ang gurong nagpatalsik dito sa paaralan.
“Diyos ko!” natataranta niyang sabi saka agad na sumama sa mga ito upang hanapin ang anak niyang agad na tumakas matapos atakihin ang guro.
Sa kanilang paghahanap, magkahalong takot, kahihiyan, at pangongonsenya ang kaniyang nararamdaman. Sinisisi niya ang sarili sa lahat ng kasamaang nagagawa ng kaniyang anak. Iyak niya pa, “Kung napalaki ko lang sana siya nang ayos, hindi siya magkakaganito!”
Paglipas ng ilang oras na paghahanap, natagpuan ang kaniyang anak sa ilalim ng tulay habang sumisinghot ng pinagbabawal na gamot. Doon na tuluyang gumuho ang mundo niya.
Kahit lingid sa kagustuhan niya, minabuti na niyang ipasama ito sa mga awtoridad upang mabigyan ng leksyon.
“Anak, oras na para putulin ang sungay mo,” sabi niya rito nang makita niya kung paano manlisik ang mata nito nang malamang pumayag siyang ipadala ito sa rehabilitation center.
Humagulgol siyang umuwi sa bahay ng kaniyang mga magulang. Sinalubong siya ng yakap at halik ng mga ito habang sinasabing, “Hindi pa huli ang lahat, anak. Aayos din ang ugali ng anak mo,” dahilan para mahigpit niyang yakapin ang mga ito.
Tiyak mang matatagalan ang pananatili ng anak sa ahensya ng gobyerno dahil sa kasalanan nito, ginamit niya ang mga araw na ito upang mag-aral kung paano tamang alagaan ang anak pagkabalik nito.
Paglipas ng ilan pang taon, tuluyan na ngang nakalaya ang kaniyang anak at labis niyang ikinagalak nang makita ang malaki nitong pagbabago.
“Salamat sa Diyos, mapapanatag na ang loob ko,” wika niya nang makitang tinutulungan pa nitong maghanda ng kanilang tanghalian ang kaniyang ina.