
Pinagluto ng Lalaking Ito ang Asawa kahit na May Sakit Ito; Maipagyabang Nga Kaya Niya ang Luto Nito sa mga Katrabaho?
“Honey, magpupunta rito mamaya ang mga katrabaho ko. Pupwede mo ba kaming paglutuan ng spaghetti, pritong manok, at ‘yong paborito kong carrot cake? Gusto ko kasing ibida sa kanila ang galing mo sa pagluluto!” masiglang sabi ni Vince sa kaniyang asawa, isang umaga matapos niyang makatanggap ng mensahe sa mga katrabaho.
“Naku, mahal, mukhang hindi ko ‘yan magagawa lahat. Alam mo namang masama ang pakiramdam ko kahapon pa dahil sa pagkabasa ko sa ulan. Pwede bang um-order ka na lang ng pagkain sa restawran?” sagot ng kaniyang asawa na agad niyang ikinainis.
“Diyos ko naman! Iniinda mo kasi ‘yang sakit mo, kaya lumalala, eh! Alam mo namang ayokong kumain ng pagkaing luto ng iba!” sigaw niya rito dahilan para mapabangon ito mula sa pagkakahiga.
“Ngayon lang naman ako hindi makakapagluto, mahal, pagbigyan mo na ako,” daing nito habang hinihipo ang mainit na noo.
“Ano, ipapahiya mo ako sa mga katrabaho ko? Matagal ko nang sinasabi sa kanila na masarap kang magluto tapos hindi mo sila ipagluluto ngayon?” sigaw niya pa rito dahilan para ito’y mapabuntong-hininga.
“O, sige na, saglit, magbibihis lang ako tapos mamamalengke na ako kaagad,” tugon nito nang makitang galit na siya kaya siya’y biglang napangisi sa kasabikang nararamdaman.
Gusto ng lalaking si Vince na siya ang palaging bida. Mapa sa kaniyang trabaho, bahay, o kahit saan man siya magpunta, hindi maaaring hindi niya ipagmamalaki ang mga bagay na mayroon siya.
Kabilang na roon ang talento ng kaniyang asawa sa pagluluto. Palagi niyang sinasabi sa iba, napakaswerte niya dahil siya’y nakatagpo ng isang babaeng pang-world class ang galing sa pagluluto. Pagyayabang niya pa nga, “Kahit nga sardinas lang ang ulam namin, pakiramdam ko, ngumunguya ako ng salmon dahil sa sobrang sarap niyang magluto,” habang pinapakita ang litrato ng mga luto nito na labis namang kinaiinggitan ng kaniyang mga katrabaho.
Ito ang dahilan para magkayayaan ang kaniyang mga katrabaho na magpunta sa bahay nila upang tikman ang luto ng kaniyang asawa na agad naman niyang sinang-ayunan dahil nga, gusto niya na namang maging bida.
Kahit alam niya kung gaano kataas ang lagnat ng kaniyang asawa noong araw na iyon, hindi pa rin niya ito pinagbigyan sa kagustuhang magpahinga. Tinakot niya pa ito sa pamamagitan ng biglaang pagkagalit dahilan para siya’y sundin nito.
Nang makaalis na ang kaniyang asawa papuntang palengke, agad na niyang nilinis ang kanilang bahay.
“Baka maaga magpunta ang mga mokong na iyon, nakakahiya naman kung kalat-kalat ang bahay namin!” sabi niya sa sarili habang mabilis na nag-iimis ng mga gamit.
Kaya lang, natapos na siya’t lahat-lahat sa paglilinis ng kanilang sala, kusina, at garahe, hindi pa rin bumabalik ang kaniyang asawa dahilan para siya’y magalit na.
“Magtatanghalian na, wala pa rin ang babaeng iyon! Gusto talaga akong mapahiya no’n, eh!” sabi niya saka agad na nagpasiyang sundan sa palengke ang asawa dahil wala itong dalawang selpon.
Binaybay niya ang mga suki nito sa palengke upang ito’y ipagtanong-tanong ngunit lahat ng ito, hindi raw nakita ang asawa niya. Hanggang sa mapadpad siya sa binibilhan nito ng manok at doon niya lang nalamang sinugod pala sa ospital ang asawa niya dahil bigla itong kinumbulsyon habang namimili ng manok.
Agad-agad siyang nagpunta sa ospital na iyon at siya’y labis na naawa nang makitang inaapoy nga ng lagnat ang asawa niya.
“Pasensya na, mahal, patawarin mo ako!” sabi niya rito habang yakap ang ginang.
Dahil sa pangyayaring iyon, hindi niya na pinatuloy ang pagdalaw ng kaniyang mga katrabaho. Hindi para hindi siya mapahiya, kung hindi para makapagpahinga ang kaniyang asawa at kaniya itong mabantayan.
Doon paulit-ulit na tumakbo sa isip niya ang kahibangang ginawa niya sa asawa. Sa kagustuhan niyang maging bida at magyabang sa mga katrabaho, nalagay sa alangain ang asawa niyang may sakit na nga, pinilit niya pang magluto.
Kaya naman, simula noon, hindi na niya muling ikinalang ang asawa para lamang makapagyabang sa mga katrabaho.
Marami man siyang natatanggap na negatibong komento mula sa mga katrabaho dahil hindi na niya tinuloy ang pagpapakain sa mga ito, tinanggap niya ang lahat ng ito nang buong-buo kaysa malagay muli sa kapahamakan ang asawang minamahal.
“Ayos lang na huwag na akong maging bida, ayos lang na sabihan nila akong “boka”, huwag lang muling makaranas ng sakit ang asawa ko,” sabi niya sa sarili habang pinakikinggan ang tawanan ng mga katrabaho tungkol sa kaniya.